Mula nang paratangan siya ng mga kamag-anak ni Mahal na ginagamit lamang niya ang comedienne para sa kanyang personal na interes, hindi na sinasagot ni Mygz Molino ang mga mensahe sa kanya ng entertainment press.
Pero aktibo pa rin siya sa vlogging.
Ang Part 2 ng pagbisita nila ni Mahal kay Mura sa Guinobatan, Albay ang latest vlog entry ni Mygz.

Pinupuri siya ng kanyang followers dahil sa pangako niyang bibigyan si Mura ng dalawang biik na puwedeng alagaan, palakihin, at pagkakitaan.
Nangako rin si Mygz na sasagutin nito ang isang taong supply ng pagkain para sa mga biik na ibibigay niya kay Mura.
Meron nang 2.9 million views ang Part 1 ng pagdalaw nina Mygz at Mahal kay Mura, at umakyat na sa 272,000 ang views sa Part 2 ng vlog niya.
Undeniably, nagkaroon lamang ng interes ang publiko na panoorin ang vlog ni Mygz dahil sa reunion nina Mahal at Mura, na dalawang taon nang hindi nagkikita nang personal.

Nakadagdag din sa curiosity ng mga tao ang maingay na maingay na isyu ng paghingi ng tulong ni Mura dahil nahihirapan na siya sa pagsasaka sa bayan nila, kaya gusto niyang muling maging aktibo sa pag-arte at bumalik sa showbiz.
Dahil ipinagwawalang-bahala na ni Mygz ang mga text message at cellphone calls sa kanya ng entertainment writers, hindi na masasagot ang tanong ng mga taong nagtataka dahil naka-post sa kanyang sariling YouTube channel at hindi sa YouTube channel ni Mahal ang pakikipagkita nito kay Mura.
Milyun-milyon na ang views nito kaya marami na ang ad placements.
Naghahanap ng kasagutan ang mga nakapansin sa vlog ni Mygz dahil naniniwala silang mas malaki ang perang kikitain ni Mahal kung mapapanood sa YouTube Cchannel nito ang video ng pagtatagpo nila ni Mura.
MAHAL DEFENDS MYGZ
Noong June 12, 2021, nag-post si Mahal sa Facebook page nito ng mensahe na natanggap niya mula sa mga kamag-anak na pinagdududahan ang sinseridad ng pagtulong sa kanya ni Mygz.
“Mahal! Hindi mo na kailangan magpalimos ng pagmamahal ng ibang tao. Ang pagmamahal ng isang pamilya ay sapat na, umuwi ka na dito sa atin.
“Kaya mo naman mag-blog kasama ang ang pamilya mo. Nandiyan din naman mga pamangkin mo na tutulong sa pag-e-edit ng mga videos mo na i-upload. Hindi mo na kailangan ‘yang bastos na ka-tandem mo.
“Lahat kami dito naiinis at nagalit sa gagong ‘yan, ilang beses ka na ipaiyak kahit prank lang yun, masakit para sa amin na umiiyak ka. Ayaw lang naman na maulit uli ang nangyari sa 'yo nuon.
“Tapos sasabihin niya na kita mo sa YouTube sa 'yo lamang. Aba dapat lang noh. Bakit kumita naman din siya sa 'yo ah," bahagi ng mensahe na natanggap ni Mahal mula sa kanyang kamag-anak.
Pero si Mygz ang kinampihan at ipinagtanggol ni Mahal.
Sa exclusive interview kay Mahal ng Cabinet Files noong June 12, 2021, lumuluhang sabi niya, “Hindi ako ginagamit ni Mygz! Sinisira ninyo ang tandem namin.
"Ang masasabi ko diyan, magka-tandem kami ni Mygz. Huwag niyo po kaming huhusgahan, huwag po ninyo kaming pakialaman.
“Habang buhay na ang tandem namin. Hanggang sa uugod-ugod na ako, hanggang sa mawala ako sa mundo!”
To date, meron nang 662,000 subscribers ang YouTube channel ni Mygz.
341,000 pa lamang ang subscribers ng YouTube channel ni Mahal, kahit ito ang artista at kinagigiliwan na panoorin ng netizens.
Si Mahal ang madalas na tampok at pinapanood sa mga YouTube video ni Mygz.
Pero sa paningin ng followers nila, si Mygz ang mabait, matulungin, at maunawain dahil sa pag-aalaga niya sa comedienne na mabilis magtiwala sa mga taong nagpapakita sa kanya ng kabutihan.
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.