Dapat abangan ng fans ni Nadine Lustre ang pagbabalik niya sa Viva Films dahil nakatakda siyang muling gumawa ng mga pelikula sa mother studio niya.
Noong 2020, sinubukan ni Nadine na ipawalang-bisa ang exclusive contract niya sa Viva.
Pero inutusan ng Quezon City RTC si Nadine na igalang at panindigan nito ang kanyang contractual obligations sa Viva.
Sa launch ng mga bagong content na mapapanood sa Vivamax, ang streaming site ng Viva, kahapon, August 19, ang pagbabalik ni Nadine ang isa sa mga itinanong kay Vincent del Rosario, president at chief operating officer ng Viva Communications Inc.
Kinumpirma ni Vincent na may pag-uusap nang nagaganap sa pagitan ng kanyang ama, ang Viva chairman and chief executive officer na si Boss Vic del Rosario Jr., at ni Nadine.
“I think in few weeks we’re presenting to Nadine some projects that she may want to consider doing for us—movie projects—for Vivamax or for the cinemas.
"So, we’re sitting down soon.”
Dagdag pa niya, “Boss Vic has asked us to come up with ideas, concepts that we can present to her.
"So, we’re very excited with the opportunity to work with her again... and hopefully maybe soon.
“Sa aming end, I think maraming beses na nasabi ni Boss Vic na... especially sa case ni Nadine, na we have an active contract with her, na we want to work with her, we want her to do projects for us.
“It’s just ano, finding the right materials, kasi siyempre hinahanap din naman namin yung bagay sa kanya saka yung matutuwa siyang gawin.
“So, ayun... I’m sure within the year we’ll be announcing a project with her.”
Ang dalawang huling pelikulang ginawa ni Nadine para sa Viva ay ang Ulan at Indak.
Ang ex-boyfriend ni Nadine na si James Reid ang unang umalis sa Viva noong August 2019 dahil natapos na ang kontrata niya.
Noong January 2020, nagtangka si Nadine na sundan ang pag-alis ni James.
Nang tanungin kung bukas ang komunikasyon ni Boss Vic sa dalawa, sinabi ni Vincent ang nalalaman niya.
Pahayag niya, “From my end, alam ko si Nadine... nakakapag-usap sila ni Nadine... nabanggit sa amin.
“I’m not sure about si James kasi nga wala naman siyang active contract with us. Si Nadine, meron.
"So, nag-uusap sila and, yun nga, nautusan kaming magsimula ng ano...
“Actually, nagsimula nang maghanap ng materyales para kay Nadine to star in sa amin sa Viva.
"So, excited... excited ang Viva for that."
Dagdag pa ni Vincent, "Si Nadine naman is like family to us. We’ve seen her growth in terms of being an artist and as a person.
“Una siyang nakasama sa Viva. Yung opportunity na makatrabaho siya ulit, in a new light, di ba? Yung bagong ngayong panahon ay exciting.
“It’s exciting for the whole of Viva. Hindi lang sa amin kundi sa aming mga empleyado, sa aming mga production team, excited. Kasi si Nadine brings in a new flavor.
"Yun nga, nabanggit kanina, yung artists' mix. Para meron namang ibang artistang makita sa [Vivamax] platform."