Magaganap ngayong 10:30 ng umaga, September 22, ang proklamasyon ng pagkandidato ni Manila City Mayor Isko Moreno bilang pangulo ng Pilipinas para sa halalan sa 2022.
Mangyayari sa isang paaralan sa Baseco compound sa Tondo, Maynila ang proklamasyon kay Isko at sa kanyang running mate, ang vice-presidential candidate na si Dr. Willie Ong.
Ang Baseco compound ang napiling venue para sa proklamasyon ng kandidatura nina Isko at Ong dahil sa Tondo lumaki ang alklade ng Maynila, na dating basurero na naging artista at public servant.
Ikinagulat naman ng mga tagahanga at supporter ni Willie Revillame ang desisyon ni Ong na tumakbo bilang bise presidente ng bansa.
Noon kasing Marso 2021, lumutang ang balitang kakandidatong pangalawang pangulo ng Pilipinas ang popular host ng Wowowin, pero ibang Kuya Wil ang sasabak sa vice-presidential race sa 2022.
MIXED REACTIONS
Hati ang reaksiyon ng Facebook followers ni Ong tungkol sa pagkandidato nito.
May mga naniniwala na karapat-dapat si Ong na mahalal na bise presidente ng Pilipinas dahil kung papalarin siyang manalo, malaki ang maitutulong ng kanyang kakayahan bilang doktor sa malaking problema ng bansa sa coronavirus pandemic.




Para naman sa ibang mga supporter ni Ong, mas mainam kung kakandidato muna siyang senador. Sa nasabing posisyon kasi siya natalo at dapat bumangon mula sa kanyang pagkakadapa sa unang pagtatangka niyang pagpasok sa mundo ng pulitika noong May 2019.




Sinubukan ng Cabinet Files na hingin ang reaksiyon ng original Kuya Wil (Willie Revillame) tungkol sa vice-presidential bid ni Kuya Wil Ong, pati na sa magiging pasya niya sa mahigpit na imbitasyon ni President Rodrigo Duterte na kumandidato siya sa eleksyon sa May 2022.
At press time, hinihintay namin ang sagot ni Willie, na nagbitaw noon ng pangakong tiyak na sasabihin niya sa publiko ang magiging desisyon tungkol sa hinihiling sa kanya ni Duterte.