Nanghinayang si Mark Anthony Fernandez dahil hindi napili ang Deception bilang official entry sa Metro Manila Film Festival 2021.
Magsisimula ang Filipino-films-only festival sa December 25, 2021 at magwawakas sa January 7, 2022.
Ang Deception na mula sa direksiyon ni Joel Lamangan ang reunion movie ni Mark at ng kanyang ex-girlfriend na si Claudine Barretto.
Naniniwala si Mark na ang Deception ang isa sa pinakamagandang pelikula na ginawa nila ni Claudine, na kakandidatong konsehal ng Olongapo City sa ilalim ng PDP-Laban political party.
Sa pamamagitan ng isang mensahe, kinumpirma ni Mark na tutulong siya sa kampanya ni Claudine dahil, diumano, hiningi rin ng aktres ang tulong niya.
Sigurado nang sa 2022 ang streaming o theatrical release ng Deception.
Posibleng maging birthday presentation ito ni Mark sa kanyang 43rd birthday sa January 18, 2022 dahil wala ito sa line-up ng mga pelikulang mapapanood sa Vivamax bago matapos ang 2021.
NEW VIVAMAX FILMS THIS DECEMBER 2021
Maraming bagong pelikulang aabangan sa Vivamax ngayong December 2021.
Ang Pornstar 2: Pangalawang Putok ay mapapanood simula ngayong Biyernes, December 3.
Ang Palitan at Dulo ay sabay na ilulunsad sa December 10.
Ang Palitan ang erotic movie ng direktor na si Brillante Mendoza. Launching vehicle ito ng newbie stars na sina Jela Cuenca, Cara Gonzales, Rash Flores, at Luis Hontiverosa.
Ang Dulo ay ang love story movie ng controversial couple na sina Diego Loyzaga at Barbie Imperial.
Sa December 17 ang streaming ng Crush Kong Curly, ang sex-comedy movie na pinangungunahan nina AJ Raval, Wilbert Ross, at Gab Lagman.
Magkasabay rin ang streaming sa December 24 ng Mang Jose, ang superhero comedy movie ni Janno Gibbs; at ng Eva, ang bold movie na pinagbibidahan nina Angeli Khang, Marco Gomez, at Ivan Padilla.
Sa December 31, mapapanood na ang Part 2 ng Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo, ang comedy movie nina Dennis Padilla, Janno Gibbs, Andrew E. at Juliana Pariscova Segovia.
Kaabang-abang din ang A Hard Day, ang Metro Manila Film Festival entry ng Viva Films. Ito rin ang unang pelikula ng Viva na magkakaroon ng theatrical release sa panahon ng coronavirus pandemic.
Sina Dingdong Dantes at John Arcilla ang mga lead star ng A Hard Day.