Standing ovation at masigabong palakpakan ang tinanggap ng cast ng May-December-January at ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee sa red-carpet premiere ng critically-acclaimed movie sa The Block Cinema ng SM North Edsa, Lunes ng gabi, October 10, 2022.
Maligayang-maligaya ang lead stars na sina Andrea del Rosario, Kych Minemoto, at Gold Aceron dahil sa mga papuri ng manonood sa kanilang pelikula.
Unfortunately, hindi nasaksihan nang personal ng direktor na si McArthur Alejandre ang mainit na pagtanggap ng audience sa May-December-January dahil hindi siya nakadalo sa red-carpet premiere.
“Sayang wala dito si Mac. May sakit siya, kanina lang. Bad timing nga,” paliwanag ni Ricky tungkol sa hindi pagdating ni Direk Mac.
Pero tiniyak ng National Artist na matutuwa ang matalik na kaibigan sa reaksiyon ng manonood.
Hindi mga superstar ang mga bida ng May-December-January kaya umaasa silang tatangkilikin ng manonood ang kanilang proyekto dahil sa word of mouth na isa ito sa pinakamagandang Filipino movie.
“I am proud! Humbled!” sagot ni Andrea nang hingin ng Cabinet Files ang kanyang saloobin tungkol sa magagandang salita at papuring natatanggap niya para sa May-December-January.
Patuloy ng aktres, “Nawala ang lahat ng anxiety ko. I’m proud to be part of the ensemble, from Viva Films to Sir Ricky Lee, Direk Mac, Kych and Gold.
“I am truly overwhelmed. I never thought that the movie would turn out like that. Wonderfully written, directed and edited. May mga umiyak, may mga tumawa. Roller coaster of emotions pala ang movie.”
Labis na nag-alala si Andrea tungkol sa love scene na ginawa nila ni Kych, pero hindi ito naging isyu dahil ang kagandahan ng kuwento ng pelikula at ang kanilang mga mahusay na pagganap ang nagmarka sa isip ng mga nanood.
Ang ipagpatuloy ng publikong ikalat na isang must-watch movie ang May-December-January para tangkilikin ito kapag nagbukas sa mga sinehan sa October 12 ang nag-iisang hiling ni Andrea dahil tunay na maipagmamalaki ang kanilang pelikula.