Ang COVID-19 pandemic ang pangunahing dahilan kaya inabot ng tatlong taon bago natapos ang shooting ng Call Me Papi, ang pelikula ng Feast Foundation na ipalalabas sa mga sinehan simula sa December 7, 2022.
Sina Albie Casiño, Royce Cabrera, Lharby Policarpio, Aaron Concepcion, at Enzo Pineda ang mga bida sa proyekto na mula sa direksiyon ni Alvin Yapan.
Natutuwa ang limang aktor dahil sa wakas, magkakaroon ng theatrical release ang kanilang three-years-in-the-making movie.
Si Albie ang nagbigay ng mga detalye tungkol sa matagal na pagkakaantala ng shooting ng Call Me Papi dahil natatandaan pa niya ang lahat ng mga pangyayari.
Lahad niya, “Umabot kami nang ganito katagal dahil sa pandemic.
"Nagsimula kami, nakapag-story conference pa kami, and then pinag-uusapan ng lahat at that time yung COVID-19 pero hindi pa big issue.
“I raised the question pa, 'Anong gagawin natin about COVID-19?' And then sabi lang, ‘We’ll have test kits on set.’
“Wala pa kaming idea on what’s going on, the parameters of the pandemic , so we had the initial shock sa first lockdown.
“And then we were able to shoot a few scenes. We shot three days and then we stopped again.
“We continued and then we got shut down again. Naabutan namin yung re-lockdown.”
Natawa si Albie nang banggitin nitong nakagawa na siya ng ibang mga pelikula at nakasali pa sa Pinoy Big Brother Kumunity Season 10 bago natapos ang shooting ng Call Me Papi.
Read: Albie Casiño, pinalampas ang ilang trabaho sa pagpasok sa Pinoy Big Brother
“We finally wrapped up this year, in July. Everything that happened in between, Royce and I were able to shoot another film together. Nakapag-Pinoy Big Brother pa ako in the middle of that.
“It’s a relief na it’s finally over and mapapanood na natin ang pelikula,” sabi niya.
Pinatotohanan ni Lharby ang kuwento ni Albie dahil tulad ng kanyang co-star sa Call Me Papi, walang katiyakan noon kung matutuloy pa ang proyektong sinimulan nila.
“Tama yung sinabi ni Albie. Because of the restrictions, dumating na nga sa point na nagkikita kami sa labas, nag-uusap kami, 'Tuloy pa ba?'
“All of us were not sure because of the changes ng restrictions ng COVID-19,” sabi ni Lharby, na masaya dahil maipapakita na nila sa publiko ang pelikulang kanilang pinaghirapan.