Ang Deleter ang big winner sa Gabi ng Parangal ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) na ginanap sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City, ngayong Martes ng gabi, December 27, 2022.
Ang pelikulang ito ng Viva Films ang nagwaging Best Picture at nagbigay ng Best Director trophy kay Mikhail Red.

Ang Deleter lead star namang si Nadine Lustre ang nanalong Best Actress, at humakot din ang naturang pelikula ng apat na technical awards.

Ang Deleter ang isa sa nangungunang pelikula sa mga sinehan ng malalaking malls sa ikatlong araw ng MMFF 2022 na nag-umpisa noong December 25.
Nakatitiyak nang madaragdagan sa mga susunod na araw ang manonood ng award-winning movie ng Viva Films dahil sa kasaysayan ng annual film festival, ang mga pelikulang nananalo ng best picture award ang tinatangkilik ng publiko.
Sina BB Gandanghari, Cindy Miranda, at Giselle Sanchez ang mga host ng Gabi ng Parangal ng 48th Metro Manila Film Festival. Nagmistulang triplets ang tatlo dahil sa kanilang mga identical hairstyle.
Read: BB Gandanghari, kaabang-abang ang mga pasabog sa Gabi ng Parangal ng MMFF 2022
Nagkaroon ng fan-girl moment si Giselle na hindi nakontrol ang sarili sa paghingi ng halik mula kay Ian Veneracion nang magwagi ang aktor na Male Star of the Night.
Hindi naman napigilan ng Best-Actor winner na si Ian na umakyat sa stage at halikan sa pisngi ang Best Supporting Actor awardee na si Mon Confiado habang sinasabi nito ang kanyang acceptance speech.
Magkasama sina Ian at Mon sa Nanahimik ang Gabi, na hinirang na 3rd Best Picture.

Inilagay ng isang award presenter sa alanganing sitwasyon ang sarili dahil imbes na “ZHänr?”, “jenre” ang bigkas niya sa English word na genre.
May pananagutan ang sumulat ng spiel dahil hindi nito tinuruan ang award presenter sa wastong pagbigkas sa salitang "genre."
Tapos na tapos na ang coronavirus pandemic para sa karamihan ng mga artista at bisitang dumalo sa Gabi ng Parangal dahil hindi na sila gumagamit ng mga face mask sa loob ng New Frontier Theater na isang kulob na venue.
Tulad nang ipinangako ng production staff, short and sweet ang 48th Gabi ng Parangal ng MMFF dahil walang mga production number kaya mabilis at hindi nakababagot ang panonood sa pamamahagi ng mga parangal para sa mga karapat-dapat na pelikula at artista.