Kasado na ang paglulunsad ng Viva Prime, ang bagong streaming site ng Viva Entertainment na pawang mga pampamilya ang mga ihahatid na panoorin sa publiko, sa January 29, 2023.
Ang blockbuster movie na Maid in Malacañang, na ipinalabas sa mga sinehan noong August 2022, ang opening salvo ng Viva Prime.
Base sa box-office records, ang Maid in Malacañang ang pinakamalakas na pelikulang Pilipino noong 2022 dahil sa global gross umano nitong P750 million. Base sa unofficial box-office report, hindi ito mahihigitan ng pinagsama-samang kinita ng walong pelikulang kalahok sa 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) na nagbukas sa mga sinehan noong December 25, 2022 at mapapanood hanggang sa January 7, 2023.
Kung sakaling maging aktibo uli ang organizers ng Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF) sa pamamahagi ng parangal ngayong 2023, maaaring maging mahigpit ang kanilang deliberasyon dahil ang pelikula ng controversial director na si Darryl Yap ang kumita nang malaki noong 2022.
Hindi magiging madali sa kanila ang pagpili sa mga mananalo ng Box Office King and Queen, maliban na lang kung makaisip sila ng bagong kategoryang igagawad na madalas ginagawa nila, tulad ng Best Acting Ensemble in a Movie. Pero posibleng magwagi sina Cristine Reyes at Cesar Montano, ang mga pangunahing artista ng Maid in Malacañang.
Hindi natuloy ang Box Office Entertainment Awards noong 2020 dahil sa coronavirus pandemic.
Pero sina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang hinirang na Phenomenal Stars of Philippine Cinema dahil sa phenomenal success ng pelikula nilang Hello, Love, Goodbye (2019) ng Star Cinema.
Ito ay matapos kumita ang pelikula nilang Hello Love Goodbye—na iprinodyus ng Star Cinema—ng P1.3 billion sa nationwide and international sales, base sa published ranking and gross receipts.
Sina Aga Muhlach at Xia Vigor, na gumanap na mag-ama sa Philippine adaptation ng Miracle in Cell No.7, naman ang mga itinanghal na Box Office King and Queen dahil kumita ng P543 million sa takilya ang kanilang pelikula na official entry sa 45th Metro Manila Film Festival noong December 2019.
Walang gaanong Tagalog movies na ipinalabas sa mga sinehan noong 2020 dahil sa coronavirus pandemic kaya napagpasyahan ng mga namumuno ng GMMSF na pansamantalang ipahinga ang Box Office Entertainment Awards na maaari nilang ibalik ngayong 2023.
Mapapanood din sa Viva Prime ang mga family-oriented at award-winning movies ng Viva Films.
Samantala, mananatiling matutunghayan ang mga pelikula at original series na may adult content sa Vivamax.