Limang taon na ang relasyon nina Kim Molina at Jerald Napoles pero may mga natutuklasan pa rin silang bago sa ugali ng isa’t isa.
Ang pagiging malinis at masinop ni Jerald sa bahay ang isang katangian niya na natuklasan lamang daw ni Kim nang magpasya silang magsama sa iisang bahay nang mag-umpisa ang coronavirus pandemic sa Pilipinas noong March 2020.
Read: Jerald Napoles at Kim Molina, nakalipat na sa naipundar na bahay ng aktor
“Si Jerald, sobrang linis niyang tao kasi magka-live in kami,” ang umpisang rebelasyon ni Kim nang makausap siya ng Cabinet Files nitong Huwebes ng tanghali, January 12, 2023.
“Simula ng pandemic, nag-start kaming mag-live in together na hindi in-expect. I needed someone to be with me, according to my parents.
"So, sa bahay, masinop talaga siya.
“Ako po kasi, masinop lang kapag corner ko, pero kapag buong bahay na, kailangan ko ng tulong mula sa mga tao. Hindi ko kaya.
"Si Je, masinop siya."
Lumaki si Jerald sa Tondo, Manila. Naniniwala siyang may kinalaman ang kanyang pagiging Tondo Boy sa pagiging masinop at malinis niya na ikinagulat pero pinupuri ni Kim.
“Sa tingin ko po meron,” sagot ni Jerald sa obserbasyon ng Cabinet Files na malilinis sa bahay ang mga residente ng Tondo na taliwas sa maling akala ng ibang mga tao.
Patuloy ng aktor, “Yung grandparents ko po, sobrang malinis at masinop. May pagka-OCD [obsessive compulsive disorder] yung lola ko, pero sa tingin ko, generally speaking, ang dahilan niyan ay maliit ang bahay.
"So, kapag hindi ka masinop, kita mo agad magulo.
“Tapos, luma ang mga gamit. Kapag hindi ka malinis at masinop, maruming-marumi yung mga gamit dahil luma siya.
“Mga segunda mano yung gamit namin, ganoon kami. Sa Tondo kasi, yung bahay mo lang yung puwedeng maging pinakamalinis.
“Maliliit din naman [ang mga bahay], may mga five square meters lang, bahay na ng apat na tao. Ganoon sa Tondo,” paliwanag ni Jerald tungkol sa kanyang natatanging ugali bilang isang lalake.
Nang siya naman ang tanungin tungkol sa karakter ni Kim na nalaman niya nang magsama sila sa iisang bubong, “Hindi siya masinop!” natatawang sagot ni Jerald.
Sina Kim at Jerald ang lead stars ng Girlfriend Na Pwede Na, ang romantic-comedy movie na mapapanood sa mga sinehan simula sa January 18, 2023.
“Boyfriend for hire” ang role ni Jerald sa Girlfriend Na Pwede Na. Pero sa tunay na buhay, hindi raw niya naranasang makatanggap ng alok na “arkilahin” siya.
“Hindi po, e! Siguro kargador, driver, ganyan! Hindi boyfriend.
"Paano ako mapapaniwala na boyfriend for hire ako over Gab Lagman?” natatawa pa ring sagot ni Jerald.
Si Gab ang co-star nina Jerald at Kim sa Girlfriend Na Pwede Na.