Amazing ang "Oppa transformation" ng 18-year-old actor na si Miggs Cuaderno.
Bumagay sa kanya ang new look, at para talaga siyang "oppa," which means "older brother" in South Korea.

Deserve naman niya ito lalo't nagbawas din ng timbang ang former child actor kaya biglang namukadkad ang kanyang physical appearance.

Bukod sa kanyang "Oppa transformation," nakadagdag sa kumpiyansa ni Miggs sa sarili na pinapirma siya ng build-up contract noong nakaraang taon ng Regal Entertainment Inc. producer na si Roselle Monteverde.
Sa exclusive interview kay Miggs ng Cabinet Files matapos ang contract signing niya bilang bagong Regal baby, tuwang-tuwa siya dahil sa malaking oportunidad na ipinagkaloob sa kanya ni Roselle.
"Happy and proud po ako na maging certified Regal Baby. Masaya rin po ako na naniniwala sa aking talent si Ma’am Roselle.
"Marami po ang magagandang projects na naka-line up po kaya nakaka-excite na gawin, at lalo ko po paghuhusayan para matuwa rin si Direk Maryo J. Delos Reyes dahil siya po ang naka-discover sa akin nung five years old ako.
"Alam ko po na guardian angel ko po siya ngayon. Marami po ang guaranteed projects ko sa Regal,” ang pahayag pa ni Miggs.
Hindi matatawaran ang husay ni Miggs sa pag-arte dahil tumanggap siya noong 2014 ng international recognition bilang child star.
Nanalo siya as Best Actor sa Chéries-Chéris International Film Festival sa France para sa Cinemalaya film na Quick Changes.
Nanalo rin siya ng best child performer awards mula sa iba’t-ibang local award-giving bodies para sa pagganap niya sa pelikulang Asintado (2014).
Bukod pa rito ang mga awards niya bilang host ng GMA-7 children show na Tropang Potchi, na umere mula 2009 hanggang 2015.
Mapalad si Miggs dahil nang tumuntong ito sa awkward age, nagtuluy-tuloy ang kanyang pag-aartista. Marami kasing child stars ang tumutuloy sa pag-aaral hanggang tuluyan nang tinalikuran ang showbiz.