Pagtataka at pangingilabot ang naramdaman ng production staff ng Regal Entertainment Inc. nang malamang naaksidente si Josh Ford, ang baguhang aktor na bida sa "Hot Momma" episode ng Regal Studio Presents, na mapapanood simula ngayong Linggo, 4:40 p.m., sa GMA-7.
Si Josh ang nag-iisang nakaligtas sa apat na pasahero ng sasakyan na bumangga sa poste, puno, at concrete signage ng isang subdivision noong Biyernes ng madaling-araw, March 24, 2023, sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sina Paolo Bueza, Arman Velasco, at Andrei Sison ang mga nasawi sa malagim na trahedya.
Apo si Andrei ng balladeer na si Marco Sison, at tulad ni Josh, contract star siya ng Sparkle GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA Network, Inc.
May dahilan para kilabutan ang production staff ng Regal Entertainment dahil isang linggo bago naganap ang aksidente, nag-taping si Josh para sa "Hot Momma," na pinagbibidahan nila nina Elijah Alejo at ni Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina.
Sa script, Baste ang pangalan ng karakter na gagampanan ni Josh, pero bago nag-umpisa ang taping, nagpasya ang staff na palitan ang pangalan niya.
"The staff decided to change it on the spot kasi nagamit na ang pangalan na Baste, at ang ipinalit na pangalan is Andrei,” ang kuwento sa Cabinet Files ng isang miyembro ng produksiyon kaya kaninang hapon, napanood si Josh bilang Andrei, na pangalan ng kanyang kaibigan na binawian ng buhay sa aksidente.
Pinagtuunan ng pansin ng publiko ang nangyaring aksidente dahil bukod sa mga baguhang showbiz personality ang mga sangkot, may showbiz connection si Andrei.
Apo siya ni Marco Sison, na anak ang ama ni Andrei na si Alain Marco Salvador Sison, na dating miyembro ng That’s Entertainment.
Lumabas noon si Alain sa mga pelikulang tinampukan nina Fernando Poe Jr. at Rudy Fernandez.
Apo rin si Andrei ng multi-awarded actor na si Phillip Salvador dahil kapatid nito ang kanyang lola na si Tess Salvador.
MAY PARAMDAM SI ANDREI?
Binawian ng buhay si Andrei noong Biyernes kaya palaisipan, nahihiwagaan, at kinilabutan ang netizens na nakiusyoso sa kanyang TikTok account nang pumutok noong Biyernes ang balita.
Ngayong Linggo ng umaga kasi, March 26, 10 a.m., biglang lumabas sa kanilang mga For You Page o FYP ang TikTok video ng batang aktor na namayapa sa murang edad na 17.
“ Kanina ka pa sa FYP ko," "Wag mo po ako multuhin," "Kanina ka pa po dumadaan sa fyp ko," "Kanina ka pa nananakot, ha," at "Tama na please “ ang ilan sa mga reaksiyon at pakiusap ng netizens na naniniwalang nagpaparamdam si Andrei dahil sa paulit-ulit na paglabas ng video nito sa kanilang for you page sa TikTok.
Posible rin namang dahil ito sa algorithm ito ng TikTok na kapag trending ang isang hashtag ay mas dumarami ang nakakakita sa video.
Namatay si Andrei ilang linggo bago ilunsad ang Sparkle Teens, ang grupo ng mga teenage star ng Sparkle GMA Artist Center.
Ang TikToClock ang huling television appearance ni Andrei. Nag-taping sila ni Josh at ng ibang Sparkle Teen stars noong Huwebes ng hapon, March 23, para sa morning variety show ng Kapuso Network.
Natapos ang taping ng grupo ng 4:30 p.m. at kinabukasan, Biyernes ng madaling-araw, March 24, nang maganap ang aksidente na tumapos sa pangarap ni Andrei na sundan ang mga yapak sa showbiz ng kanyang mga kamag-anak.