Pinili ni Sheree Bautista na ipagdiwang ang kanyang kaarawan noong April 20, 2023, sa piling ng mga senior citizens na inaaruga ng Mary Mother of Mercy for the Elderly and Abandoned sa San Pedro City, Laguna.
Bukod sa laki siya sa lola, napansin ng Viva Hot Babes member na hindi nabibigyan ng pagpapahalaga ang mga matatandang inabandona ng sariling pamilya.
Kasama sina Maui Taylor at Katya Santos, pinasaya, pinakain, at binigyan ni Sheree ng regalo ang mga residente ng home for the elderly.
Sabi ng singer-actress, "Kadalasan, nakakalimutan natin yung mga matatanda at abandoned lola. I just feel na konti na lang ang panahon na ilalagi nila sa mundo, at talagang sila ang napapabayaan.
"I want to make them feel special at matulungan sila in my own humble way para maging masaya ang kanilang nalalabing araw sa mundo.
"Naaalaala ko rin sa kanila ang lola ko, so I also wanted to pay tribute to my beloved grandma Betty Bautista,” ang kuwento ni Sheree tungkol sa hindi nito makalilimutang selebrasyon ng kanyang kaarawan.
Nag-alay ng sayaw at mga kanta sina Maui, Katya, at Sheree sa mga lola na nalibang at nagulat dahil hindi nila inaasahang maganda ang boses ng birthday girl.
Nalinya si Sheree sa paggawa ng mga sexy movies, pero mahusay siyang singer, tulad ng kanyang pinsan na si Jinkee Vidal.
Nagustuhan ng mga senior citizen ang madamdamin na pag-awit niya ng Maalaala Mo Kaya.
SEX GAMES MOVIE
Samantala, kasado na ang plano ni Sheree na mag-aral ng directing at storytelling sa isang film school sa New York City sa susunod na buwan, pero bumalik muna siya sa Pilipinas dahil hindi niya pinakawalan ang alok na magbida sa Sex Games, na mula sa panulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee at sa direksyon ni McArthur Alejandre.
"Dream ko na makatrabaho sina Sir Ricky at Direk Mac kaya umuwi ako ng Pilipinas,” ang sabi ni Sheree na walang takot na naghubad sa mga mapapangahas na eksena niya sa Sex Games.
"Nung nag-decide ako na tanggapin ang project, nakakundisyon na ang isip ko na gagawin ko lahat ang daring scenes para sa ikagaganda ng pelikula.
"I trust Direk Mac Alejandre na gagawin pa rin niya na tasteful ang mga eksena at alam na magiging maganda ang kalalabasan ng pelikula namin.”
SHEREE STILL LOVELESS
Samantala noong January 30, 2023, eksklusibo na ipinagtapat ni Sheree sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na winakasan na niya ang walong taong relasyon nila ng kanyang live-in partner dahil napagod siya sa paghihintay na alukin siya nito ng kasal.
READ Sheree Bautista, napagod maghintay ng marriage proposal kaya nakipaghiwalay sa boyfriend
Nananatiling walang karelasyon si Sheree matapos makipaghiwalay, at kahit nangungulila siya sa mga yakap ng isang karelasyon, iniisip na lamang niyang marami pa rin ang nagmamahal sa kanya.
"Masaya naman ako ngayon, pero, siyempre, minsan, naglo-long din ako sa yakap at care ng isang partner. Pero iniisip ko na lang na happy pa rin ako dahil nandiyan ang anak ko, pamilya, at mga kaibigan na nagmamahal sa akin.
Nagpapasalamat din ako sa Viva Family ko, kina Boss Vic del Rosario, Boss Vincent at sa handler ko na si Mhit Pimentel dahil hindi nila ako nakakalimutan na bigyan ng mga project."