Ang magkasabay na National Dabarkads Day ng E.A.T. sa TV5 at ang 44th anniversary celebration ng Eat Bulaga! sa GMA-7 ang sinubaybayan nang husto ng televiewers noong Sabado, July 29, 2023.
Kaya hindi masyadong napagtuunan ng pansin ang pagbabalik ni Julie Anne San Jose bilang hurado sa "Tawag ng Tanghalan" ng It’s Showtime.
Unang lumabas si Julie Anne sa noontime program ng GTV, Kapamilya Channel, at A2Z noong July 17 nang i-promote niya ang The Cheating Game, ang pelikula ng GMA Pictures na pinagbibidahan nila ni Rayver Cruz.
Nagbukas ito sa mga sinehan noong July 26 at tumanggap ng mga papuri mula sa direktor na si Irene Villamor at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.
Sinabi ni Julie Anne na masaya siya sa pangalawang pagkakataon na pagbisita niya sa It’s Showtime na imposibleng mangyari noong maigting pa ang rivalry ng GMA-7 at ABS-CBN.
“Sobrang masaya ako, nakabalik ako ulit dito sa Showtime bilang hurado naman. Sobrang excited ako,” ang reaksyon ni Julie Anne na hurado rin sa The Voice Generations, ang reality television show ng GMA-7 na mapapanood simula sa August 2023.
Nang tanungin kung mahigpit ba siyang hurado, “Medyo, konti lang naman pero hindi naman ako like super duper strict. Sakto lang.
“Simple lang naman ang hinahanap ko, someone who’s versatile. Kasi kapag performer ka, kapag singer ka, iba-ibang genre ang ipapakanta sa ’yo kaya kailangan versatile. Kailangan din palaging nag-aaral ng kanta. Napakaimportante nun."
Nagsilbi ring reunion nina Jolina Magdangal at Julie Anne ang guest judge stint nito sa It’s Showtime.
Noong nakaraang buwan, nagkaroon ng word war sa social media ang mga taga-suporta nina Julie Anne at Jolina dahil sa showbiz title na “Pop Icon.”
Para sa fans ni Jolina, ang kanilang idolo at hindi si Julie Anne ang may karapatan sa Pop Icon title, pero nilinaw ni Julie Anne—na binigyan ng GMA Artist Center ng moniker na "Asia’s Limitless Star"—na hindi niya inaangkin ang naturang titulo kaya walang dahilan para magkaroon sila ni Jolina ng resentment sa isa’t isa.