Wilfredo Gonzales ang pangalan ng retired policeman na nakunan ng video na nanakit at kinasahan ng baril ang siklistang nakasagi sa kanyang kotse, na nag-okupa sa bikers lane, sa road rage incident na nangyari sa Welcome Rotonda, Quezon City, noong Agosto 8, 2023.
Nag-viral sa social media ang video kaya umani ng mga batikos ang nanakit, at nakakuha naman ng suporta at simpatiya mula sa publiko ang biktima.
Nakilala ang katauhan ng nanakit at nagkasa ng baril nang humarap siya sa press conference na idinaos sa Camp Karingal, Quezon City, ngayong Linggo, August 27, 2023.
Kinilala ni PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., regional director ng National Capital Region Police Office, si Gonzales bilang dating miyembro ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Sinabi ni Nartatez sa panayam ng TV Patrol na kinumpiska na ang baril na ginamit ng inirereklamo at hinihintay nila ang pagsasampa ng pormal na reklamo ng biktima.
Nang sumuko si Gonzales sa QCPD, isiniwalat niyang nagkapatawaran na sila ng siklista at pumirma pa umano ito ng kasunduan.
Inamin ni Gonzales na mali ang paglalabas at pagkakasa niya ng baril.
May apela rin si Gonzales sa mga nagkakalat ng video sa social media ng video ng road rage incident na kinasangkutan dahil naaawa na siya sa mga anak at kapamilya niyang lubos na naapektuhan ng mga batikos laban sa kanya.
“Yun lang ang ipinapakiusap ko sa mga vloggers. Parang ang sama-sama kong tao,” pakiusap ni Gonzales, na tumatanggap ng matitinding batikos at paghuhusga mula sa mga publiko na kinokondena ang kanyang ginawa.
Samantala, kumakalat sa social media ang screenshot ng palitan ng mensahe ni Gonzales at ng concerned citizen na nag-upload ng road rage incident video.
Ipinaalaala ni Gonzales sa video uploader na puwede itong sampahan ng reklamo dahil sa pagkakalat ng naturang video.
Binanggit niyang sarado na ang kaso sa pagitan nila ng biker dahil inamin na niya ang pagkakamali.
Related Articles:
- Coleen Garcia relates road-rage encounter with ex-cop who sctratched her face
- Baron Geisler involved in road rage incident with bus driver
- Kiko Rustia explains alleged road race incident with taxi driver
- Security guard, walang walang ginulungan ng driver ng isang RAV4 SUV
SHINTARO VALDES
Cycling enthusiast ang former actor na si Shintaro Valdes kaya hiningan siya ng Cabinet Files ng opinyon tungkol sa kontrobersiyal na isyu.
Saad niya, “We lack laws protecting cyclists in this country.
“There are basic laws that are not enforced kaya super defensive ako when I’m biking outside. Wala kaming kalaban-laban sa motorists.”
Si Shintaro ang mister ng GMA-7 executive na si Atty. Annette Gozon-Valdes.
QUEZON CITY GOVERNMENT
Hindi naman pinalampas ng pamahalaan ng Quezon City ang ginawa ni Gonzales.
Naglabas sila ng opisyal na pahayag na kumokondena sa naganap na road rage incident at pagbibigay proteksiyon sa biktima ng pisikal na pananakit.
Nakasaad dito: “Mariing kinokondena ng lokal na pamahalaan ang panunutok ng baril laban sa isang siklista na naganap sa may Welcome Rotonda, Quezon City.
"Inatasan ni Mayor Joy Belmonte ang Quezon City Police District, kasama ang QC Law and Order Cluster, upang imbestigahan ang panunutok ng baril ng isang lalaki sa isang siklista.
"Sumuko na sa QCPD ang lalaki, inaalam na rin kung may lisensya siya sa pagdala at paggamit ng baril. Sinisiguro ng pamahalaang lungsod na mananagot ang naturang lalaki sa buong saklaw ng batas na kanyang posibleng nilabag.
"Umapela rin ang lokal na pamahalaan sa lalaking siklista na humarap sa imbestigasyon, kasabay ng pagtiyak sa kanyang kaligtasan.
"Hangad ng lokal na pamahalaan na maglaan ng ligtas na bike lanes sa lahat ng siklista.
"Walang puwang ang paggamit ng dahas sa buong lungsod ng Quezon City."
