Ang kanyang girlfriend na si Bianca Umali ang isa sa mga pinasalamatan ni Ruru Madrid nang magsalita ang aktor sa red-carpet premiere ng Video City: Be Kind, Please Rewind na naganap sa Cinema 9 ng SM Megamall noong Martes ng gabi, September 19, 2023.
Read: Magkasabay na premiere ng 'Video City' at 'The Expend4bles,' star-studded
“Gusto ko pong i-take ang opportunity na magpasalamat sa isang tao na nagbibigay po ng inspirasyon sa akin, to my number one supporter na nandito po.
"Bianca, maraming-maraming salamat. I love you, ikaw ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon.
"At ibinuhos ko na lahat ng best sa pelikulang ito kaya maraming-maraming salamat,” mensahe ni Ruru para kay Bianca na nagpakilig sa mga tao sa loob ng Cinema 9.
Bago nagsimula ang screening pelikula, namataan sina Ruru at Bianca na mahigpit na magkayakap sa parking lot ng SM Megamall, na piping saksi sa isang eksena ng kanilang marubdob na pagmamahalan noong November 2019.
Read: Ruru Madrid, muntik nang masagasaan ni Bianca Umali dahil sa selos?
Read: Bianca Umali finally speaks out about 2019 parking-lot incident with Ruru Madrid
Masaya at romantikong eksena ang nasaksihan sa parking lot ng nabanggit na mall kagabi dahil tuwang-tuwa si Ruru nang makita nito ang kanyang girlfriend na sinuportahan ang red-carpet premiere ng pelikula nila ni Yassi Pressman.
Kahit abala sa taping ng Black Rider, masipag si Ruru mag-promote ng Video City dahil ipinagmamalaki niya ang proyekto na co-production venture ng Viva Films at GMA Pictures.
NINONG PIOLO
Bago nagpunta si Ruru sa mall para sa premiere ng Video City, sumaglit muna siya sa GMA Network para sa live guesting niya sa Fast Talk With Boy Abunda.
Dito napag-usapan na ninong niya si Piolo Pascual sa binyag dahil kaibigan ng aktor ang kanyang tatay na si Bong Madrid, na isang modelo noong kabataan nito.

Ikinuwento ni Ruru na ang anak ni Piolo na si Iñigo Pascual, na kasing-edad niya, ang isa sa mga nagpaalaala tungkol sa kanyang relasyon sa sikat na aktor.
“Actually, si Iñigo, sinabi niya sa akin na, ‘Bro, alam mo ba na inaanak ka ni Papa?’
“Sabi ko, ever since alam ko yan. Natuwa ako na alam pala ni Mr. Piolo Pascual.
"So, nung nagkita kami sa isang event, kasama ko ang dad ko, nagkita sila. Nagyakapan sila, natuwa… parang bumalik sa nakaraan,” salaysay ni Ruru tungkol kay Piolo.
Hindi inakala ni Ruru na darating ang panahong susundan niya ang yapak sa showbiz ng kanyang ninong.
Ipinagtapat din ni Ruru sa Fast Talk With Boy Abunda na wala siyang anumang talento at lakas lamang ng loob ang kanyang puhunan nang sumali siya sa auditions ng Protégé: The Battle for the Big Artista Break noong May 2012.