Makalipas ang siyam na taon, muling yumapak sa bakuran ng ABS-CBN si Ai-Ai delas Alas.
Noong Sabado, Marso 2, 2024, bumisita sila ni Christopher de Leon sa It’s Showtime para i-promote ang The Kings and Ai, ang concert nila na itatanghal sa Newport Performing Arts Theater, Pasay City, sa Biyernes, Marso 8.
Read: Ai-Ai delas Alas responds to netizen urging her to return to ABS-CBN

Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Ai-Ai sa pagbabalik nito sa ABS-CBN compound.
Masaya dahil nakita niya muli ang dating home network, at malungkot dahil marami na ang mga pagbabago na nangyari.
Read: Ai-Ai delas Alas on ABS-CBN franchise renewal: “Let’s hope for the best.”
Kuwento ni Ai-Ai sa Cabinet Files, “Ang lungkot kasi dahil halos walang tao sa ELJ Building.
"Nasanay ako na napakaraming tao, may coffee shop at restaurant na dating tambayan namin, pero wala na.
“Medyo naluha ako. Nalungkot talaga ako.”
Dagdag pa niya, “Yung mga guard, hindi agad ako nakilala. Bumata raw ang hitsura ko. Hehehe!”
Nanibago naman daw si Ai-Ai sa malamig na malamig na studio ng programang kanyang binisita.
“Ang lamig sa studio pero sabi ni Jumbo, yung dating assistant ni Direk Bobet Vidanes, ‘Parang hindi ka nasanay. Dito rin yung studio mo dati. Ganoon pa rin ang lamig.’
“Natuwa ako sa sinabi niya at lahat ng mga host, super welcome sila sa akin—sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, at Tiyang Amy [Perez].
“Nang lumabas ako sa stage, ang lakas ng hiyawan ng audience. Parang ang saya-saya nilang makita ako.”
Pero natatawa niyang dagdag, “Parang hindi naman ako nag-iilusyon. Hahaha!”

Ai-Ai delas Alas with Vhong Navarro and Jhong Hilario
Hindi nagkaroon ng pagkakataong makita ni Ai-Ai ang It’s Showtime host na si Vice Ganda dahil na-late ang huli ng pagdating sa studio.
Pero tinawagan ni Vice si Ai-Ai sa cellphone para humingi ng paumanhin dahil hindi sila nagpang-abot.
Hinding-hindi nalilimutan ni Ai-Ai na ang guesting niya sa It’s Showtime noong Pebrero 2015 ang kanyang huling pagkakataong lumabas sa programa ng ABS-CBN.
Makalipas ang dalawang buwan, lumipat siya sa GMA-7.
Read: Ai-Ai delas Alas signs two-year exclusive contract with GMA Network
Makaraan ang siyam na taon, bumalik siya sa ABS-CBN at muling napanood sa huling programang nilabasan niya.
Lalo itong nagpatibay sa kanyang paniniwalang mahalagang maging mabuti ang lahat sa kapwa.
Saad ni Ai-Ai, “Walang permanente kaya importante talaga to be kind to everyone dahil bilog ang mundo.
“Nine years ago, umiyak ako sa It’s Showtime nang mag-perform ako.
"Nagtataka sila, pero si Vice, parang alam niya na aalis na ako sa ABS-CBN.
“Niyakap niya ako at sabi niya, ‘Ate, love kita.'”
Makalipas ang walong taon mula noong 2015, napapanood na ang It’s Showtime sa GTV, ang sister television station ng GMA-7—ang tahanang kumupkop kay Ai-Ai nang matapos ang kontrata nito sa ABS-CBN—na isang halimbawa ng maraming kuwento tungkol sa pagiging bilog ng mundo.