Marso 30, 1980: ang petsa ng malungkot na pangyayari na naranasan ng Viva Chairman at CEO Vicente "Boss Vic" del Rosario Jr., dating talent manager at movie producer Ramon Salvador, at award-winning actor Phillip Salvador.
Sa araw na iyon nasawi sa sunog ang kanilang mga mahal sa buhay—si Vina Vanessa, ang three-year-old daughter ni Boss Vic at ng dating aktres na si Mina Aragon; si Corazon Reyes, ang ina nina Mina, Ramon, at Phillip; si Fernando Poe III, ang anak ni Mina at ng aktor na si Andy Poe; at si Ramonito Luis, ang nine-year-old son ni Ramon.
Kasama rin sa nasawi sa trahedya ang sekretarya na si Trinidad Briones at ang yaya na si Ylescupides Nograles.
Ang komedyanteng si Jerry Pons, ang anak ni Comedy King Dolphy na si Dolphy Jr., at ang pamangkin ni Mina na si Mario Salvador ang mga suspek sa panununog sa tahanan nina Boss Vic at Mina sa Ortigas Avenue, Greenhills, San Juan.
Dalawapu’t anim ang edad ni Phillip nang sumakabilang-buhay ang kanyang ina at mga pamangkin sa malagim na krimen na naganap 44 taon na ang nakalilipas.
“Kinabukasan ko na nalaman ang nangyari,” pagbabalik-tanaw ni Phillip tungkol sa malungkot na nakaraan.
“Tinawagan ako sa PLDT landline. Si President Erap [Joseph Estrada] pa ang mayor noon ng San Juan. Kasama namin si Tito Dolphy nang magpunta kami sa Greenhills.
“Ayaw nga nila akong papasukin sa loob ng bahay pero nakita ko ang mother ko sa paanan ng hagdan. Siya lang ang nasunog, ang kids died of suffocation,” lahad ni Phillip sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files.
Ano ang saloobin at paggunita niya sa alaala ng kanyang mga mahal sa buhay na nasawi sa sunog?
“I just know they are happy where they are now,” reaksiyon ni Phillip.
Sabi naman ng kapatid ni Phillip na si Ramon Salvador sa Cabinet Files nitong Biyernes ng gabi, Marso 29, 2024, “Hindi na mawawala yung lungkot every time na naalaala ko.
“I am still praying for their souls up to now.
"Anim ang namatay sa sunog including our mother and two pamangkins, the secretary and the yaya."
Tinanong namin kung ano ang kinahinatnan ni Jerry Pons, na hindi pinagdusahan ang kasalanang ibinibintang sa kanya.
Sagot ni Ramon, “No news regarding Jerry. Na-pardon si Dolphy at ang pamangkin namin na si Mario.”

Jerry Pons
DOLPHY JR. TESTIMONY
Sa talambuhay ni Dolphy na isinalin sa libro noong Hulyo 2008, sinabi ng Comedy King na ang pagkalulong sa masamang bisyo ang tanging kasalanan ng anak niyang si Dolphy Jr.
Matagal na nagdusa sa kulungan si Dolphy Jr., pero sumusumpa siyang walang katotohanan ang paratang na panununog o arson laban sa kanya.
Nang kumandidato si Joseph Estrada bilang pangulo ng Pilipinas noong 1998, ipinangampanya ni Dolphy ang kanyang kandidatura.
Lumitaw noon ang balitang ang pagpapalaya kay Dolphy Jr. ang hiniling ni Dolphy kay Estrada nang manalo itong presidente ng bansa — isang haka-hakang hindi napatunayan.
Noong 1998, ganap na nakalaya si Dolphy Jr. na nagbalik-loob sa Panginoong Diyos at isa nang pastor dahil kabilang siya sa mga binigyan ng pardon ni Estrada.
Read: Dolphy Jr. thankful for the love Zsa Zsa Padilla gave to his father
Muling iginiit ni Dolphy Jr. na inosente ito sa krimen na ibinibintang laban sa kanya sa isang testimonya niya noong Disyembre 2003:
“Nalaman ko lamang na ang nagsunog ng bahay ni Mina ay ang kanyang pamangkin na si Mario Salvador. Nang dinala ako sa kulungan, nandoon din si Mario at nagmakaawa sa akin na huwag ko siyang saktan. Hindi niya alam kung bakit dinawit ako pati na sina Jerry Pons, Lito dela Merced at Rey Bayona.
“Ang isinampa sa akin at mga kasamahan ko ay kasong arson with multiple homicide.
“Ipinagtapat ni Mario na siya talaga ang gumawa sa krimen na ito. Hindi naman talaga niya intensyon na sunugin ang bahay kundi gusto lang niyang takutin ang tiyahin niyang si Mina. Sa katunayan, ang ginamit lamang niya ay isang lighter fluid. Pero bigla lamang daw itong nagliyab at lumaki ang apoy at hindi na naagapan pa.
“Ginawa umano ni Mario ang ganoong pananakot na nauwi sa trahedya nang palayasin siya ni Mina dahil tinuturuan niya ang anak nito (Mina) na mag-marijuana. Bilang ganti sa kanyang tiyahin, nabuo sa kanyang isipan na takutin ito at kanyang mga anak.
“Naniniwala ako na may mga nasa kulungan na walang mga kasalanan kagaya ko. Nang mangyari ang trahedya, kasama ko ang Daddy ko [ Dolphy] na dumalo sa isang birthday party ng kamag-anak namin,” ang bahagi ng testimonya ni Dolphy Jr.
Read: Dolphy Jr. has forgiven his daughter's suspected rapist; returns to acting via Babaeng Hampaslupa
DOLPHY JR.'S EX-WIFE
Ngayong Biyernes ng gabi, Marso 29, 2024, bisperas ng anibersaryo ng krimen na nangyari noong 1980, nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Regina Pryor Quizon, ang dating asawa at ina ng mga anak ni Dolphy Jr.
Read: Dolphy Jr.'s ex-wife Regina Pryor accuses him of "economic sabotage", character assassination
Lahad ni Regina, “Nakilala ko si Dolphy Jr. noong nakakulong na siya sa Bicutan dahil sa arson case niya, pero nakakalabas pa siya noon.
“Introducing dapat ako sa pelikula ni Rudy Fernandez noong 1984, yung Pasukuin si Waway.”
Pero hindi na natuloy ang showbiz career niya dahil nagpakasal sila ni Dolphy Jr. habang nakapiit ito sa bilangguan.
Idinaos ang kanilang pag-iisang dibdib noong Abril 3, 1993 sa Our Lady of Mercy Chapel, ang simbahan sa loob ng New Bilibid Prisons.
May mga anak na sina Dolphy Jr. at Regina nang magpakasal sila—sina Rocky, 42, Dolphy III, 41; Richmond, 36; at Ruffa, 35.

“Tuwing trial, kasama ako. Ten years din yon. Pero every hearing namin, walang complainant.
"Bale one year siya na nakulong sa Bicutan, ten years sa Pasig City Jail, at three years sa Muntinlupa [New Bilibid Prisons],” kuwento ni Regina.
Hiwalay na si Regina kay Dolphy Jr.
Nakarating sa kaalaman ni Regina na naninirahan sa Cavite si Dolphy Jr., pero hindi umano nito ipinapaalam sa kanya ang eksaktong lugar na inuuwian.
Saad niya, “Nag-uusap naman kami ni Dolphy Jr. Civil naman kasi sa isa’t isa.
"Nag-pm [private message] ako sa kanya para sa allowance ng anak namin na PWD, may intellectual disability."
VIVA AND VINA
Apatnapu’t apat na taon na ang nakalilipas buhat nang maganap ang malagim na trahedyang hindi na makakalimutan ng mga naulilang pamilya ng mga biktima.
Nananatiling buhay ang alaala ni Vina Vanessa dahil sa kanya ipinangalan — pinagsamang Vina at Vanessa — nina Boss Vic at Mina ang Viva Films, na itinatag noong Nobyembre 11, 1981 at kinikilala ngayon bilang isa sa nangungunang movie company sa Pilipinas.
Vina ang ibinigay na screen name nina Boss Vic at Mina kay Sharon Magdayao, bilang paggunita sa memorya ng kanilang pumanaw na anak, kaya nagkaroon ng Vina Morales ang Philippine showbiz.