PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Kuh, Zsa Zsa, Regine binuhay ang hit songs ni Cecile Azarcon

Bakit si Kuh Ledesma ang may pinakamaraming kanta ni Cecile Azarcon?
by Jojo Gabinete
Published May 26, 2024
opm singers cecile azarcon
Composer Cecile Azarcon (center) with guest performers at her 45th anniversary concert: (from left) Jackie Lou Blanco, Jam Morales, Zsa Zsa Padilla, Fe delos Reyes, Kuh Ledesma, Tim Pavino, Isabelle Gonzales, Katrina Velarde, and Janno Gibbs.
PHOTO/S: Jojo Gabinete

Sina Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla, Janno Gibbs, Jam Morales, Jackie Lou Blanco, Katrina Velarde, Isabella Gonzales, Tim Pavino, at Regine Velasquez ang mga guest performer sa ikalawang gabi ng 45th anniversary concert ni Cecile Azarcon.

Ginanap ang concert sa The Theatre ng Solaire Resort and Casino, Parañaque City, Sabado ng gabi, May 25, 2024.

Read: Cecile Azarcon, star-studded ang 45th anniversary concert

Makalipas ang matagal na panahon, muling ipinamalas ni Cecile ang husay bilang kompositor sa pamamagitan ng mga nilikha niyang awitin at naging popular noong dekada '80.

Nagpasya si Cecile na manirahan nang permanente sa Amerika noong 1984.

Dahil hindi pa uso noon ang social media, wala siyang kamalay-malay na sikat, patuloy na kinakanta at pinatutugtog sa radyo ang mga awiting ginawa niya.

KUH LEDESMA SONGS BY CECILE AZARCON

Si Cecile ang lumikha ng karamihan sa hit songs ni Kuh Ledesma — "Huwag Kang Mangako," "Hello," "I Think I’m in Love," "Help Me Forget," at "One More Try."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ibinahagi ni Cecile ang isang nakatutuwang anekdota tungkol sa matalik niyang kaibigan na si Kuh—ang singer na binansagang Pop Diva ng Pilipinas at may pinakamaraming kinanta sa kanyang mga orihinal na komposisyon.

“May black notebook ho ako. Kapag nandoon kami sa music room ko, sasabihin niya sa akin, ‘Cecilia, anong tono niyan? Kantahin mo.’

“Kakantahin ko naman. [Sasabihin ni Kuh], 'Akin yan.’

“'Ito, anong tono nito?' Kakantahin ko naman. [Sasabihin niya], 'Akin ‘yan.'

“Kaya nakabuo ho ng ilang album si Socorro,” nakangiting kuwento ni Cecile.

Sabi naman naman ni Kuh, “Marunong akong humingi.

"Sabi nga, e, 'Ask and you shall be given. Seek and you will find. Knock and it will be opened to you.'

"E, lagi akong nagna-knock dun sa door ng bahay ni Cecile."

Lubos ang pasasalamat ni Cecile sa Panginoong Diyos dahil sa talent na ipinagkaloob sa kanya.

Ang "Walking on Water" na ginawa ni Cecile para kay Kuh ang isa sa mga nakakaantig ng damdaming kanta na nilikha niya bilang papuri sa Poong Maykapal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Cecile Azarcon, binalikan ang inspiring story ng "Lift Up Your Hands"

THE GUEST PERFORMERS

Mula sa Amerika, bumalik sa Pilipinas si Jam Morales, ang umawit ng 1984 hit song na "Even If."

Si Janno Gibbs ang kumanta ng "Sana ay Ikaw Na Nga" na pinasikat ni Basil Valdez.

Ipinarinig naman ni Zsa Zsa Padilla ang "Special Memory," ang sikat na awitin ni Iwi Laurel at kasama sa original soundtrack ng pelikulang Bagets noong 1984.

Hindi nagkaroon ng pagkakataon sina Janno, Zsa Zsa, Katrina Velarde, at Regine Velasquez na maigawa sila ng kanta ni Cecile kaya malaking karangalan para sa kanilang maimbitahan sa anniversary concert ng mahusay na kompositor.

Inawit ni Regine ang "Ikaw ang Lahat sa Akin," isa sa mga pinakasikat na kanta ni Martin Nievera noong 1983.

Kahit sinabi ni Regine na marami nang bago at mas batang mang-aawit ngayon, hindi maipagkakailang siya pa rin ang isa sa mga pinakamagaling na singer sa Pilipinas at walang puwedeng pumalit sa kanya dahil nag-iisa lamang ang tinaguriang Asia’s Songbird.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

KATRINA VELARDE REPLACES OGIE ALCASID

Kasama sa mga special guest ni Cecile si Ogie Alcasid.

Siya sana ang kakanta ng "Reaching Out," na hit song naman ni Gary Valenciano noong 1984. Pero hindi siya nakarating.

Diumano, may kinalaman ang labis na pagluluksa niya sa pagpanaw ng kanyang kaibigan at manager na si Leo Dominguez.

Read: Ogie Alcasid pays tribute to late talent manager Leo Dominguez

Sabado ng umaga, Mayo 25, nang sabihan si Katrina na siya na ang ipapalit kay Ogie at kakanta ng "Reaching Out."

Gaya ng dapat asahan, hindi binigo ni Katrina ang manonood dahil sa kanyang magaling na pag-awit sa "Reaching Out."

Ang "Lift Up Your Hands" ang unang komposisyon at hit song ni Cecile. Nilikha niya ito noong 19 years old lamang siya.

Si Basil ang umawit ng "Lift Up Your Hands."

Dahil wala si Basil, ang lahat ng mga bisita ni Cecile, maliban kay Regine, ang umawit sa makabuluhang kanta sa pagtatapos ng anniversary concert na mahirap makalimutan at tinangkilik ng mga tao sa kabila ng masungit na panahon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Postscript: Ipinakilala ni Cecile bilang panauhing pandangal sa kanyang 45th anniversary concert noong Sabado ang DJ na si George Boone.

Matagal na panahong hinanap ni Cecile si George dahil ito ang unang nagpatugtog sa radyo ng "Lift Up Your Hands."

Wala sa playlist ng radio station na pinaglilingkuran noon ni George kaya nagalit ang management at muntik nang maging dahilan para matanggal siya sa trabaho.

Pero isang milagro ang nangyari dahil naging hit song ang "Lift Up Your Hands," na dahilan para manatili si George sa nabanggit na radio station.

Ito rin ang simula ng pagsikat ni Cecile, na hinding-hindi nakalimot at patuloy na tumatanaw ng utang na loob mula sa DJ na nagbigay ng importansiya sa kanyang unang komposisyon.

Sa kanyang Facebook post noong Agosto 10, 2020, inilahad ni Cecile: “For many years, I have often wondered who the DJ was that first played my song, LIFT UP YOUR HANDS, (recorded by Basil Valdez and arranged by Ryan Cayabyab) over Philippine radio when the song was yet a complete unknown.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“It was only about four years ago when I found out it was a DJ named George Boone.

“Mr. George Boone, my deepest and most heartfelt thanks! May God bless you always!”

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Composer Cecile Azarcon (center) with guest performers at her 45th anniversary concert: (from left) Jackie Lou Blanco, Jam Morales, Zsa Zsa Padilla, Fe delos Reyes, Kuh Ledesma, Tim Pavino, Isabelle Gonzales, Katrina Velarde, and Janno Gibbs.
PHOTO/S: Jojo Gabinete
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results