Nang mag-transition o magpalit ng katauhan si Charice Pempengco bilang Jake Zyrus noong 2017, madalas siyang ikumpara sa dating teen idol na si Daniel Padilla dahil magkahawig umano sila sa paningin ng ibang mga Pilipino.
Read: Goodbye Charice, welcome Jake Zyrus!
Makalipas ang maraming taon at timbang na nadagdagan, hindi na inihahambing si Jake kay Daniel.
Ikinukumpara naman ngayon ng ilang mapanghusgang netizens si Jake sa dating child star, komedyante, at pumanaw na aktor na si Berting Labra.
Madalas na nababanggit ang pangalan ni Labra sa mga komento tungkol sa hitsura at pamumuhay ngayon ni Jake — na parang isang kasiraan at katatawanang maging kahawig ng namayapang aktor.
Hindi na kilala ng mga kabataan ngayon si Labra. Binawian siya ng buhay sa edad na 75, noong Pebrero 10, 2009, dahil sa emphysema.
Read: Veteran actor Berting Labra succumbs to emphysema
WHO IS BERTING LABRA?
Nagsimula ang acting career ni Labra bilang child actor noong anim na taon ang edad niya. “Wonder Kid” ang bansag sa kanya.
Si Fernando Poe Sr., ama ng King of Philippines Movies na si Fernando Poe Jr., ang nakatuklas kay Labra.
Maituturing na big star si Labra noong kapanahunan niya dahil nagbida siya sa mga pelikulang Big Time Berto (1959), Tokyo Calling: Walang Ligtas (1961), Bulilit Al Capone (1962), Hugo The Sidewalk Vendor (1962), at Lumuluhang Komiko (1964).
Naging paborito rin siyang katrabaho ni FPJ sa mga proyekto nito noon.

Nakaapekto sa magandang takbo ng showbiz career ni Labra ang pagkakasangkot niya sa pagpaslang kay Renato Pangilinan noong Setyembre 17, 1969.
Kasama ni Labra na nakulong ng 13 taon sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City ang kapwa aktor na si Eddie Fernandez.
Noong 1982, pinalaya sila sa bisa ng presidential pardon.
Read: "Bad Boys" of Philippine Cinema
Binalikan ni Labra ang pag-arte. Ang The Rise and Fall of Bigtime Berto noong 1982 ang unang pelikula niya matapos makalaya mula sa kulungan.
Leading lady ni Labra sa sequel ng kanyang 1959 movie ang dating sexy actress na si Vivian Velez.
Ginawa rin ni Labra noong 1982 ang Presidential Pardon, ang proyektong pinagsamahan nila ni Eddie na may kaugnayan ang kuwento tungkol sa kanilang tunay na karanasan nang mabilanggo sila.
Muling naging aktibo sa pelikula si Labra mula 1982 hanggang 2007, pero mga supporting role na ang kanyang mga proyekto dahil na rin sa edad niya.
Dalawang beses nagkaroon ng nominasyon sa FAMAS Awards si Labra noong iginagalang at buo pa ang kredibilidad nito—best actor sa 11th FAMAS noong 1963 dahil sa pagganap niya sa Ano Ba Choy, at best supporting actor sa 13th FAMAS noong 1965 para sa Lumuluhang Komiko.
Ang mga kontribusyon at pamana ni Labra sa industriya ng pelikulang Pilipino ang dalawa sa maraming dahilan para ibigay sa kanya ang kaukulang respeto, kahit nasa kabilang buhay na siya.
Hindi rin dapat gawing katatawanan ang paghahalintulad sa pisikal na kaanyuan niya at ni Jake Zyrus.