Sina Nora Aunor, Pilita Corrales, Margarita Fores, at Gloria Romero ang mga personalidad na gagawaran ni President Ferdinand Marcos Jr. ng Presidential Medal of Merit.
Ang parangal ay para sa kanilang mga hindi matatawarang kontribusyon sa Philippine entertainment industry at gastronomy.
Magaganap sa Rizal Ceremonial Hall ng Malacañang Palace sa Mayo 4, 2025, ang pagbibigay ng parangal kina Nora, na pumanaw noong Abril 16, 2025; Pilita, noong Abril 12; Margarita, noong Pebrero 11; Gloria, noong Enero 25.




NORA AUNOR'S STRUGGLES BEFORE HER DEATH
Nang magbigay-pugay si Ricky Lee kay Nora sa necrological service na nangyari nitong Martes ng umaga, Abril 22, binanggit niya ang naranasang paghihirap ng kanyang kapwa National Artist for Film and Broadcast Arts.
Sabi ni Lee, "Hindi naging madali ang buhay ni Guy nitong mga nakaraang taon. Marami siyang sakit at naghirap siya.
"Halos walang mga ari-arian, pero hindi pa rin siya tumigil sa pag-iisip para sa kapakanan ng iba.”
Read: FULL TRANSCRIPT: Ricky Lee tribute to Nora Auno
Posibleng ang mga kuwento tungkol sa paghihirap ni Nora ang dahilan kaya malaking halaga ng pera ang ibinigay ng Pangulo at ng asawa nito, si First Lady Liza Marcos, sa mga naulilang anak ng aktres.
Bukod pa rito ang mga kuwento tungkol naman sa generosity ni Nora sa mga humihingi ng tulong sa kanya, sa kabila ng pagkakaroon ng sariling problema sa pananalapi.
Dumalaw ang First Couple sa huling gabi ng burol para sa mga labi ng Superstar sa The Heritage Park, Taguig City, noong Linggo, Abril 21.
Personal silang nakiramay sa mga anak ni Nora na sina Lotlot, Ian, Matet, Kiko at Kenneth.
Read: Lotlot, Matet, Kiko, Kenneth proud to be adopted by Nora Aunor
Hindi na nakarating si Marcos sa necrological service para kay Nora sa Metropolitan Theater kaya ang kinatawan niyang si Victorino Mapa Manalo, ang punong tagapangasiwa ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, ang naghatid ng kanyang mensahe ng pagpupugay para sa sumakabilang-buhay na aktres.