Ang pag-amin ni Robin Padilla na hiwalay na ang kanyang anak na si Kylie Padilla sa asawa nitong si Aljur Abrenica at "third party" ang dahilan ang naging mitsa para makaranas ng mga matitinding batikos at paghuhusga si Aljur.
Lalong nadagdagan ang mga masasakit na salita laban kay Aljur nang maglabas kagabi, July 8, si Kylie ng opisyal na pahayag tungkol sa pagwawakas ng kanilang relasyon.
Maayos at pinag-isipang mabuti ang official statement ni Kylie. Wala siyang masamang sinabi tungkol kay Aljur dahil ito pa rin ang ama ng kanilang dalawang anak.
Ang igalang ang kanilang desisyon at irespeto ang bawat miyembro ng pamilya nila ni Aljur ang hiling ni Kylie sa publiko.
Pero tila mahirap itong mangyari dahil mas apektado ang mga taong walang kinalaman, nakikisawsaw, at para masabi lang na hindi sila pahuhuli sa mga pinagpipistahang balita.
Apat na taon na ang nakalilipas mula nang matapos ang remake ng Encantadia. Pero hanggang ngayon, si Aljur ang sinisisi ng fans sa pagkawala ng karakter ni Kylie sa popular fantasy series ng GMA-7.
Si Kylie ang gumanap na Amihan sa Encantadia, pero pinatay ang kanyang karakter dahil sa pagbubuntis niya noon sa panganay nila ni Aljur.
Lumitaw ang katotohanang may matagal nang kinikimkim na galit laban kay Aljur ang fans ni Kylie at ng Encantadia dahil sa kanilang paniniwalang bukod sa pagpatay sa karakter ni Amihan, napilitang baguhin ang kuwento ng sikat na telefantasya ng Kapuso Network dahil nabuntis ng aktor ang idolo nila.
Ipinagwalang-bahala ng fans ang katotohanang in love na in love noon si Kylie kay Aljur at may responsibilidad din siya sa unplanned pregnancy na nangyari, kaya hindi tamang ibuhos sa aktor ang lahat ng sisi.
THIRD PARTY
Si Aljur ang napagbuntunan ng galit ng publiko dahil malaki ang epekto ng ipinagtapat ni Robin na "third party" ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Kylie.
Naganap kahapon, July 8, ang media conference ng Nerisa, ang bagong pelikula ni Aljur.
Pero hindi ito nagsalita tungkol sa kontrobersiya dahil ipinagbawal sa entertainment writers ang pagtatanong ng mga personal na isyu sa cast ng pelikula.
Nagsalita na si Robin at nagbahagi na si Kylie sa publiko ng saloobin niya tungkol sa pagwawakas ng relasyon nila ni Aljur bilang mag-asawa.
Ang panig na lamang ni Aljur ang hinihintay ng mga tao.
Kapag naglabas na siya ng kanyang pahayag, makatutulong ito para mapayapa ang damdamin ng mga taong nagagalit sa kanya.
Sa kasaysayan ng Philippine showbiz, paulit-ulit lang ang mga eskandalo, kontrobersya at isyu, pero iba’t ibang artista lamang ang mga sangkot.
Kapag nagdesisyon si Aljur na magsalita, tiyak na matutuldukan na ang isyu dahil sa tuwing may mga kontrobersiya, ang paliwanag lang ng mga sangkot ang hinihintay ng publiko na sabik at gutom na gutom na malaman ang katotohanan.
Once na marinig na nila ang magkabilang-panig, sila na mismo ang magmu-move on para sa bagong eskandalo na kikiliti sa kanilang interes, emosyon, at imahinasyon.
Kung gugustuhin ni Aljur na matapos agad ang isyu, isang official statement lamang mula sa kanya ang kailangan.
Pero kapag pipiliin niyang manahimik, habampanahong isusumbat sa kanya ng mga sutil ang nangyari.
At kung apektado pa rin si Aljur ng desisyon ni Kylie na hiwalayan siya, isipin na lang niyang hindi naman sila ang unang showbiz couple na naghiwalay.
Isa lamang sila ni Kylie sa napakaraming showbiz couple na may mga anak, nagkahiwalay at nasaktan pero nakaligtas, nakahanap ng mga bagong mamahalin, at nagkaroon ng tahimik na pamumuhay.