Humingi ng paumanhin na hindi paumanhin ang dating.
Ganito ang ginawang pag-atras ni Jay Sonza ng kanyang fake report na nabuntis ni Gerald Anderson ang rumored girlfriend nitong si Julia Barretto.
Muling nagkaroon ng lamat ang kredibilidad ni Sonza, 65, isang dating kilalang broadcaster ng ABS-CBN at GMA-7.
Pinabulaanan ni Julia ang report ni Sonza sa isang Instagram post kagabi, September 21.
Simpleng caption ni Julia: "FAKE NEWS."
Hindi binanggit ng 23-year-old actress ang pangalan ni Sonza.
Mukhang hindi talaga siniseryoso ni Julia ang dating broadcaster dahil wala rin siyang anumang banggit na hakbang laban dito.
Samantala, may angas na sinabi ni Sonza, sa Facebook post nito ngayong Martes ng umaga, September 22: "Pasensya na kung napaaga ang aking Congratulations.”
Isinulat din ni Sonza sa kanyang disclaimer ang denial ng mag-inang Marjorie at Julia.
“Hindi ako buntis. —Julia
“Hindi buntis ang anak ko. —Marjorie"
Palusot pa ng beteranong mamamahayag, “May umamin kasi. Kaya nagalak ako. Kung ganoon po, binabawi ko ang aking masayang pagbati.
"Happy & excited kasi ako kapag may nabibiyayan ng buhay. Itatabi ko na lang muna iyong regalo ko sa kanila."
Sa kanyang post, malinaw na manhid si Sonza na may mga taong nagulo ang buhay at hinusgahan dahil sa kanyang ibinalita.
Bilang dating broadcaster, inasahan ng marami na mas responsable si Sonza sa pagpapakalat ng impormasyon kaysa sa average netizen.
Ngunit tila nasanay na ni Sonza ang mga taong tanggapin ang mga balita niya kahit walang basehan, walang kumpirmasyon, at walang katotohanan.
FAMILY HARASSED AFTER FAKE NEWS BY SONZA
Noong December 21, 2018, si Sonza ang nag-post sa kanyang Facebook page ng maling address ng estudyante ng Ateneo de Manila University na sangkot sa isang bullying video.
Ito ang report ng PEP.ph tungkol sa insidenteng nangyari noong December 2018:
"Lumalabas na ang former news anchor at broadcast journalist na si Jay Sonza ay isa sa netizens na nagpakalat ng maling impormasyon hinggil sa home address ng Ateneo de Manila junior high school student na nanakot at nanakit ng kaklase nito.
"Base sa Facebook post ni Jay, noong December 21 ay inilathala niya ang isang home address sa Cainta, Rizal, kalakip ng tanong na 'Dito po ba nakatira si kid bonsai?'
"Isa si Jay sa netizens na tumuligsa sa bullying incident sangkot ang high school students ng Ateneo.
"Pero napag-alamang peke ang home address ng high-school bully na kumalat sa social media, na siya ring ipinost ni Jay sa kanyang Facebook account.
"Dahil dito ay dumanas ng prank deliveries ang pamilya ng isang pastor na nagngangalang Rully Taculod, ang tunay na may-ari ng bahay.
"Si Joshua Mark Taculod, isa sa mga residente ng home address na inilabas ni Jay sa social media, ay umapela sa publiko hinggil sa hindi inaasahang harassment na nararanasan ng kanilang pamilya.
"Kung anu-anong mamahaling produkto at pagkain ang idine-deliver at naka-charge sa bahay nila, gayong wala naman silang ganoong mga order.
"Lumalabas na bahagi ito ng mga prank ng kung sinumang galit na netizens na pinagkamalang home address iyon ng Ateneo high school student na nanakit ng kaklase nito.
"Binura ni Sonza ang maling address na inilagay niya sa kanyang Facebook page pero, ika nga, 'the damage has been done.'
"Liban dito, walang hininging paumanhin si Sonza sa pamilya Taculod na naperhuwisyo nang husto."
SONZA CALLS KIM CHIU AMBUSH "ISANG MALAKING DRAWING"
Tinawag ni Sonza na "isang malaking DRAWING" ang ambush sa sasakyang kinalulunanan ng Kapamilya star na si Kim Chiu sa may Katipunan Avenue at C.P. Garcia Avenue, sa Quezon City, noong March 4, 2020.
Sa kanyang Facebook post noong March 5, ibinahagi ni Sonza ang sariling teorya sa insidenteng kinasangkutan ni Kim.
Pag-uusisa ni Sonza, na may halong pagtutuya (published as is): "Nasa stop light ng paulanan ng bala, tumagos, pero walang tinamaan kahit isa?
"Bakit tumagos ang bala from right to left window kung bullet proofed?
"Bakit sa tingin nyo ba tanga parin ang mga Pilipino? Sa totoo lang napakaraming butas ang sanaysay ni Ms. Chiu.
"Let's just take it at face value. The incident is under investigation by the authorities.
"Kim is a product of bahay ni Kuya PBB Teen edition and one of the most bankable artists and a contract artist of the kapamilya network.
"note: no offense meant, but I find the story incredible to believe."
Base sa pahayag ni Sonza, ang pakiramdam nito'y gawa-gawa lang ang insidenteng kinasangkutan ni Kim.
Sabi pa nito, para umanong script ng FPJ's Ang Probinsyano ang naiulat na pamamaril sa van ng aktres.
Sabi ng dating broadcaster (published as is): "malamang writer ng abs-cbn FPJ: Ang Probinsyano ang nagsulat ng 'the unbelievable ambush of Kim Chiu.'
"walang kalatoy-latoy. walang spark. pati si Kim umiiyak ng walang luha tuloy."
Liban sa sinabi ni Sonza na "drawing" ang ambush ni Kim, sinabi rin nitong mga tao ng ABS-CBN ang may pakana ng "drawing."
Taliwas naman ang teorya ni Sonza sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang anggulong "mistaken identity" sa ambush kay Kim. Ibig sabihin, posibleng hindi si Kim ang tunay na target ng mga suspek, ngunit totoong may isinagawang ambush.
Hanggang ngayon ay wala pang resulta ang imbestigasyon, at wala pa ring naaarestong mga suspek.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.