JERRY OLEA
Nag-number one sa Netflix Philippines ang pelikulang Love The Way U Lie nitong Agosto 21 at 22, Biyernes at Sabado.
Joint venture ng Tincan at Viva Films ang romcom na nag-premiere sa Netflix Asia noong Agosto 20, Huwebes, ikalawang araw ng Ghost Month.
Nakaka-"boo boo" ang love triangle dito nina Alex Gonzaga, Xian Lim, at Kylie Verzosa, na gumanap bilang multo.
Ang huling Viva movie na ipinalabas sa mga sinehan ay ang romantic dramang Hindi Tayo Pwede, na nag-showing noong Marso 4, bago nag-umpisa ang community quarantine noong Marso 15.
Love triangle sa Hindi Tayo Pwede sina Marco Gumabao, Lovi Poe, at Tony Labrusca, na ang role ay ghost din.
May reference ang Love The Way U Lie sa pelikulang Honey, Nasa Langit Na Ba Ako? (1998), na prinodyus ng sister company ng Viva na Neo Films. Sa Honey, bida sina Janno Gibbs at Regine Velasquez, at multo ang papel ni Regine.
Nakakapanghinayang na naging dekorasyon lang si Kim Molina sa Love The Way U Lie. Wala siyang moment.
Kahit tanggalin ang karakter niya, hindi apektado ang istorya.
Mabuti pa sa Unforgettable (2019), na pinagbidahan ni Sarah Geronimo, markado ang papel ni Kim.
Si Kim ang bida sa sleeper hit ng 2019 na #Jowable, na mas malaki ang kinita kesa sa Unforgettable.
Ang Hindi Tayo Pwede, Unforgettable, at #Jowable ay mapapanood sa Netflix, at prinodyus ng Viva.
Looking forward ako sa follow-up movie na bida si Kim, na prinodyus din ng Viva—Ang Babaeng Walang Pakiramdam.
Leading man niya rito ang jowang si Jerald Napoles, na nag-cameo sa #Jowable bilang lalaking nakabuntis kay Kim.
KimJe ang tawag sa kanilang tandem. KimJe TV ang channel nila sa YouTube.
Kumusta kamo ang chemistry ng KimJe? Well, panoorin ninyo ang short film (30 minutes and 53 seconds) nilang SDR: Social Distance Relationship, na in-upload sa YT channel nila noong Hulyo 15, 2020.
At press time, mahigit 115K views na iyon.
NOEL FERRER
Matatandaang nag-pull out ang Love The Way U Lie sa 1st Summer Metro Manila Film Festival nang mag-lockdown kaya heto ang kanilang alternative release o distribution, and it proved to be a wise decision.
Sana, maibalik ang kanilang puhunan para makagawa pa sila ng maayos na pelikulang hihigit pa rito sa LTWUL.
Sa pandemyang pinagdadaanan natin, kailangan ng iba pang paraan ng malikhaing distribution ng mga pelikula, lalo na’t sarado pa ang mga sinehan at hindi pa rin gaanong nakakalabas ang mga tao.
Good luck talaga sa ating industriya!
GORGY RULA
Wala talagang dating ang role ni Kim sa Love The Way U Lie, at kahit pa ang ibang kasama ng dalawang bidang sina Alex at Xian.
Hindi ko rin nagustuhan ang pelikula, na ang layo sa dinirek ni RC delos Reyes na Mary, Marry Me. Baka hindi niya forte ang comedy?
Sabi ko nga sa inyo, bentang-benta ang Maynila sa pelikulang ito. Ang ganda ng Jones Bridge, Lawton, Binondo, at Quiapo church.
Akala ko nga, co-producer si Yorme Kois [Isko Moreno] sa movie.
Iyon pala, ang co-producer ay si Ate Toni Gonzaga-Soriano na may guest appearance sa bandang huli ng pelikula, pati si Jake Cuenca na "boo boo" ni Kylie Verzosa in real life.
Bakit kaya? Nagpaplano pa ba ng part two? Huwag na siguro. Okay na yun.
