Valentine Rosales, itinakwil ng ama dahil sa pag-aming siya ay gay; tinanggal din sa trabaho

by PEP Troika
Feb 2, 2021
Valentine Rosales, pinalayas ng ama dahil dahil sa eskandalong dulot ng Christine Dacera issue. "Nung weekend po, pumunta po ako sa bahay ko kung saan po ako nakatira kasama ko yung dad ko. Ayun, nakaempake na po lahat ng gamit ko, kinuha ko na lang po."
PHOTO/S: @valentinersls Instagram

GORGY RULA

Matinding hirap ang pinagdadaanan ng mga taong nasangkot sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera na hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa rin.

Isa na rito ang matalik na kaibigan ni Christine na si Valentine Rosales.

Bukod sa nawalan ng trabaho, itinakwil na rin daw siya ng kanyang ama.

Si Valentine ay isa sa 12 kataong kasama ni Christine na nag-check-in sa isang hotel para sa isang New Year's Eve party mula December 31, 2020 hanggang January 1, 2021.

Sila ang grupo ng respondents na inireklamo ng diumano'y rape with homicide ng ina ni Christine na si Sharon Dacera.

Ibinahagi ni Valentine ang nangyari sa kanya nang nakapanayam siya sa programang Bisaya Time ng DZRH nina Noche Cacas at Edwin Duque noong Linggo ng gabi, January 30.

Tinanggal na raw siya sa bangkong pinagtatrabahuan niya dahil sa pagkakasangkot sa kasong ito.

"Hindi pa po ako pwedeng magtrabaho dahil po sa nangyari na ito.

"Asikasuhin ko po yun lahat pag natapos na po ‘tong kasong ‘to, at mapatunayan na wala po kaming sala," pakli ni Valentine.

Pero ang pinakamasakit daw sa kanya, hindi na siya tinanggap ng kanyang ama sa kanilang bahay mula nang masangkot siya sa insidenteng pagkamatay ni Christine.

"Nung weekend po, pumunta po ako sa bahay ko kung saan po ako nakatira kasama ko yung dad ko.

"Ayun, nakaempake na po lahat ng gamit ko, kinuha ko na lang po. Siya na po ang nag-empake.

"Inutusan po niya yung katulong. Siya na po ang nag-ayos ng gamit ko, kasi ayaw na niya po ako sa bahay."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Bukod sa eskandalong dulot ng pagkadawit niya sa reklamong isinampa ng ina ni Christine, malaking isyu raw sa ama ni Valentine ang tungkol sa kanyang sexual orientation.

"Kasi nga po, umamin na po ako sa tunay kong kasarian. Hindi po niya matanggap, e," malungkot niyang pahayag.

Hindi raw siya nagkaroon ng pagkakataong i-open ito sa kanyang ama.

Lahad ni Valentine: "Ang mama ko po, feeling ko, may idea na po siya. Pero nawala na po siya nung 2012.

"Hindi naman po napapag-usapan… kasi yung papa ko po, Intsik, very close-minded, istrikto po.

"Hindi naman po kami close ng papa ko, kaya hindi po ako nag-o-open sa kanya."

Dalawang linggo raw nakitira si Valentine sa bahay ng singer na si Claire dela Fuente, ang ina ni Gigo de Guzman, na kasali rin sa inirereklamo ng ina ni Christine.

Pero ngayon ay inampon daw si Valentine ng tiyahin niya.

Alam daw niyang ganun na lang ang disappointment ng kanyang ama dahil mag-isang lalaking anak lang siya.

"Hindi na niya ako in-accept as his son. Malas po kasi sa Chinese yun, and ako lang ang only son.

"Tatlo po kasi kaming magkakapatid, ako yung gitna sa dalawa niyang daughters," saad pa ni Valentine.

Si Valentine ay Filipino-Taiwanese na ang tunay na pangalan ay Alain Dayanan Chen.

Sa ngayon ay ayaw pa rin daw makipag-usap sa kanya ng ama. Kaya idinadalangin na lang daw ni Valentine na matapos na ang imbestigasyon at mapatunayang wala silang kasalanan sa pagkamatay ni Christine.

Umaasa si Valentine na tanggapin din siya ng kanyang ama sa tamang panahon.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"I hope na ma-accept niya ako in time. Alam kong mahirap, kasi ako lang ang son niya, mataas ang expectations niya sa akin.

"Pero yun po kasi ang pagkatao ko. Hindi ko naman siya ipu-force, kasi kasalanan ko rin na na-disappoint ko siya. I feel sorry for what happened.

"Matanda na ang yung dad ko, e, pero it breaks my heart na hindi niya matanggap yung katotohanan," seryosong pahayag ni Valentine.

Bukas, February 3, magsusumite si Valentine ng counter-affidavit at supplemental affidavit sa Makati Prosecutor's Office.

At sana, matapos na raw ang imbestigasyon para lumabas na ang buong katotohanan.

JERRY OLEA

Hindi raw alam ni Valentine kung paano siya magsisimula uli kapag natapos na ang kasong ito.

Nanindigang siyang walang "foul play" na naganap sa pagkamatay ni Christine.

Tugma raw iyon sa medico-legal report na nagsasabing "natural" ang cause of death ng dalaga.

Pero katakot-takot daw na panghuhusga at pagkasira ng reputasyon ang inabot niya at ng iba pang mga kasama.

"Ang tanging pinanghahawakan ko po is matapos na ‘tong kaso, kasi hindi ko po alam kung paano ako magsisimula ulit, e," lahad ni Valentine.

"Hindi ko po alam kung saan ako magsisimula, kasi sa totoo lang po, masyado na pong nakaladkad sa putik ang pagkatao ko po.

"Hindi lang ang pagkatao ko kundi pati ang mga pagkatao ng mga kasama ko na inosente, na wala namang ginawang masama, o wala naman pong foul play pero yun po ang ipinaparating sa amin."

Sana raw ay maliwanagan na ng isip ang ina ni Christine at tanggapin na wala talagang foul play sa pagkamatay ng dalaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pahayag pa ni Valentine: "Naintindihan ko po ang nanay ni Christine na nandoon po siya sa stage na in denial pa po siya at hindi matanggap ang nangyari sa anak niya.

"Pero kahit anong mangyari, ako po, nawalan ng mana dahil sa nangyari sa akin.

"Napakasakit, pero kailangan nating tanggapin kung ano talaga ang ipinapakita kung ano talaga ang totoong nangyari, at kung ano talaga ang rason ng pagkapanaw po niya.

"Kasi, pag in-accept po natin yun, doon natin matatanggap, at doon tayo magka-peace at magka-peace of mind at magiging comfortable sa sarili natin at sa mga taong kasama natin sa buhay."

NOEL FERRER

We feel for people like Valentine na hindi kinakailangang magtago o depensahan pa ang kanyang identity.

Marami naman din tayong kilalang Tsino na bukas ang isip sa realidad ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, at questioning) community.

Compassion and understanding—ito ang inaasahan natin mula sa mga sektor sa lipunan sa pangyayaring ito.

Innocent until proven guilty ang mga sangkot sa reklamo ng ina ni Christine.

Kaya sana, makapagtrabaho muli si Valentine at ma-spare sa higit pang panghuhusga at diskriminasyon.

Sana’y maresolusyunan na ang kasong ito bago sumapit ang Chinese New Year.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Valentine Rosales, pinalayas ng ama dahil dahil sa eskandalong dulot ng Christine Dacera issue. "Nung weekend po, pumunta po ako sa bahay ko kung saan po ako nakatira kasama ko yung dad ko. Ayun, nakaempake na po lahat ng gamit ko, kinuha ko na lang po."
PHOTO/S: @valentinersls Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results