GORGY RULA
Pansamantalang natigil ang shooting ng pelikulang Jukebox King: The Life Story of Victor Wood dahil sa pagpanaw ng isa sa leaders ng Iglesia ni Cristo na si Ka Jun Santos, at sumunod pa ang mismong may-ari ng kuwento na si Victor Wood.
Kuwento ni Martin Escudero, na bida sa proyektong ito, dinamdam nila nang husto ang pagpanaw ni Ka Jun na siyang nagpurisgeng ituloy ang pelikulang ito na pinu-produce ng EBC Films.
Pagkatapos, nasundan pa ng pagpanaw ni Victor Wood.
“Sila pong dalawa ang pinaka-excited po talaga sa lahat, bukod sa production. Kasi hinahandog po talaga ni Sir Ka Jun ito para kay Sir Victor.
"Pero dahil nga po sa nakakalungkot na balita, hindi na po nila mapapanood,” pahayag ni Martin nang nakapanayam namin sa DZRH noong Lunes, April 26.
Patuloy ng aktor, “Patapos na po talaga kami sa shooting, pero dahil sa si Ka Jun nga po, nagpahinga, nahinto po ang shooting.
"And then, sa hindi inaasahang pagkakataon, si Sir Victor naman po ang sumunod.
“Kaya ngayon, sobrang emotional na ang mga tao, kaya kailangan siguro ng break ng konti para hindi namin madala sa set yung lungkot.”
Ang isa pang ikinalulungkot ng aktor, hindi sila nagkita ni Victor Wood.
“Nag-umpisa po talaga kami nung kainitan ng pandemic kaya hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataong makaharap si Sir Victor.
“Malaking tulong po ang direktor naming si Direk Carlo Cuevas, kasi siya po talaga ang nakaharap ni Sir Vic. Na-interview po niya ng maraming beses, naka-bonding po niya.
"Kaya kinuwento po sa akin ni Direk kung paano gumalaw si Sir Victor, kung paano po siya magsalita, kung paano humarap sa tao,” saad ni Martn.
May best friend daw si Victor na nagga-guide sa shooting at nagbibigay ng ilang detalye tungkol sa namayapang singer.
Natutuwa si Martin dahil nakakarating sa kanya ang positive feedback mula kay Victor.
“Siyempre, feel na feel ko na si Sir Victor para pag mapanood ng tao, makikita nilang ako talaga ang kumakanta.
“Nakakarating naman po sa akin na sinasabi ni Sir Victor na ‘Ako talaga 'tong umaarte na ito, ha, kuhang-kuha niya,'” pagmamalaki ni Martin.
Ang dalangin lang ni Martin, pag natapos na ang pelikula ay magbukas na ang mga sinehan para magkaroon ito ng theatrical showing.
“Hopeful po ang lahat na sana, ma-timing po ang pagbukas ng sinehan.
"Pero kung hindi po mamarapatin ng sitwasyon, marami naman po tayong platform na pwedeng ilabas po yung pelikula. Kaya itutuloy pa rin po talaga,” ani Martin.
JERRY OLEA
Setyembre 10, 2020 nang iulat natin dito sa PEP Troika na pinalitan ni Martin Escudero si Jon Lucas bilang bida sa biopic ni Victor Wood.
May conflict daw kasi sa sched ni Jon, na kasama sa cast ng Kapuso prime-time series na Descendants of the Sun.
Oktubre 30, 2020 namayapa ang manghuhulang si Madam Auring sa edad na 80. Na-link minsan si Madam Auring kay Victor Wood.
Marso 30, 2021 naman pumanaw si Claire dela Fuente, isa sa Jukebox Queens.
Si Victor Wood na tinaguriang Jukebox King ay nitong Abril 23, 2021 yumao.
Facebook post ni Direk Carlo Ortega Cuevas, direktor ng biopic ni Victor Wood, nang mabalitaan ang pagkamatay ng Jukebox King, “Pakikiramay sa pamilya ng isang haligi ng OPM, ang JUKEBOX KING Victor Wood.
“Mapalad ako dahil bago sya pinagpahinga ng Diyos ay narinig ko sa kanya mismo ang isang kwentong ngayon ay isa ng kasaysayan. Mahaba at makabuluhang usapan tungkol sa buhay, kasikatan, pagbagsak, pagbangon, pagtingala... at pagpanaw.
“Habang nagkukwento sya tungkol sa kanyang pagkabata, pakiramdam ko ay kasabay ko syang lumaki. Isang karangalan na mapalapit sa kanya sa huling taon ng kanyang buhay. Ang mga karanasan nya ay nag iwan sa akin ng aral na babaunin ko hanggang sa pagtanda.
“Pero isang tanong din ang naiwan sa akin. Sampung araw ang nakakalipas, tumawag sya, dalawang beses, di ko nasagot. Sinubukan ko syang tawagan pero di na rin nya nasagot. Ano kaya ang sasabihin o ibibilin sana nya?”
Siyanga pala, sa mga eksenang kumakanta si Martin Escudero sa pelikula, ni-lip sync niya ang pag-awit ni Victor Wood.
Aminado si Martin na hindi niya kaya ang style ng pagkanta ni Victor.
NOEL FERRER
Naaalala ko noon... kung may biopic ang isang celebrity at biglang namatay, isinasama ang pagkamatay nito at mga tribute as a special feature.
Iyan ang naalala ko kay Roxanne Abad Santos sa kanyang Miracle Of Love (1982).
Baka naman pwedeng i-adjust pa at gawin talagang tribute ang pelikulang ito ni Victor Wood.
Grabe, ‘no, pawang mga major Jukebox Royalty ang sunud-sunod na iniwan tayo: April Boy Regino, Claire dela Fuente, tapos si Victor Wood.
Tama na muna. Sobrang nakakalungkot na. Masayang musikahan na lang sana ulit!
