JERRY OLEA
Napaluha si Hidilyn Diaz nang mapanood sa unang pagkakataon ang halos apat na minutong Kuwentong Jollibee: GINTO sa virtual mediacon nitong Oktubre 14, Huwebes.
"Ha! Ha! Ha! Medyo umiyak ako!" nakangiting bulalas ni Hidilyn.
"Yun nga, masaya. Sana, ma-inspire at mabigyan ng saya ang bawat Pilipinong manonood nitong tribute ng Jollibeeserye."
Kumusta na siya? Naka-recover na ba siya?
"Yes, naka-recover na. Medyo naka-recover at naka-adapt na rin sa pagbabago ng buhay," tugon ng first Filipino Olympic gold medalist.
"Ganun tayo, e. Parating nag-a-adapt."
Sa virtual mediacon, may surprise na tribute kay Hidilyn kung saan nagsalita ang kanyang mga magulang, kaibigan, kapwa atleta, pamangkin, coach-boyfriend na si Julius Naranjo, pati si Maja Salvador na lubos ang paghanga sa kanya.
"Na-surprise po ako sa message ng nanay at tatay ko. Tapos, ng kaibigan ko, ni Coach Julius, at siyempre, ng idol kong si Miss Maja. Thank you so much po," saad ni Hidilyn.

Humahaplos at kumukurot sa puso ang mapanood sa ad ang pinagdaanan ni Hidilyn para makamit ang gold medal sa Tokyo 2020.
"Hindi ko naman gustong paiyakin lahat, although umiyak ako," pakli ni Hidilyn.
Paliwanag pa ni Hidilyn: "Pero sana, may mapulot silang aral. Para kung may mga pangarap din sila, na gaya ko, ay maabot nila ito. Maabot nila kung ano ang gusto nila.
"Sobrang na-touch po ako sa kuwento. Parang ipinapakita po kasi yung pinagdaanan ko as an athlete, and as a person also.
"Tapos, yung pinagdaanan namin nung nasa Malaysia kami. So, nang mapanood ko, parang bumalik. O, eto pala, eto pala ang pinagdaanan ko.
"Tapos, kaya pala. Kaya pala nating manalo sa Olympics! Wow! Nung nag-play… nag-play ako dun, habang ginagawa ko yun, parang… wow!
"Ang ganda pala. Ang ganda ng pagkagawa. Ang ganda! Thank you so much po!”
GORGY RULA
Sayang at hindi ko nahingan ng reaksiyon si Hidilyn sa pagiging fan ng Kapuso hunk na si Derrick Monasterio.
Ang laki ng impluwensiya ni HIdilyn sa hilig ni Derrick sa weightlifting. Ilang beses daw nag-direct message si Derrick sa Instagram account ng ating Olympic gold medalist, pero hindi pa raw siya nasasagot.
Ang wish lang naman ni Derrick ay ma-train siya ni Hidilyn kahit sandali lang.
Willing si Hidilyn na mag-train sa mga gustong matuto sa pagbubuhat. Pero ang kasama pala sa training na ibinibigay niya ay ang pagdarasal.
Naniniwala si Hidilyn na kailangang humingi ng tulong at lakas sa ating Panginoon at kasama rin ang pananalig kay Mama Mary.
Aniya, “'Yan ang tinuturo ko. Kasi siyempre, kung ikaw ay makatao, maka-Diyos, di ba? Ikaw yung taong may values sa buhay. So, as an athlete, yun ang kailangan namin, e.
"Hindi namin hawak yung resulta ng laro. So, kailangan naming ibigay yun kay God, and may prayers din ng lahat na Marians. Talagang nagpapasalamat ako sa lahat.”
NOEL FERRER
Hidilyn is truly blessed.
Kita niyo naman, despite the honor that she has achieved as the first Filipina na nakapanalo ng Gold Medal sa Olympics, nananatili siyang simple at mabait.
Natuwa ako sa tanong mo, Gorgy, about her faith. Kasi, talagang grounded siya doon sa faith at hindi siya mapakali kapag hindi siya nakakapagdasal at lalo na Misa kapag Linggo.
Marami pang sorpresa at blessings ang darating kay Hidilyn.
Aalis lang siya sandali papuntang Malaysia para magpasalamat sa mga tumulong at kumupkop sa kanya doon noong panahon ng training nila.
Maghahanda rin siya sa mga susunod pang chapter ng buhay niya bilang atleta at ordinarying tao, o malay mo, buhay-pamilya na rin soon!!!
Basta sa pagiging affiliated sa Jollibee, pagtataas nito ang bandila ng Pinoy.
Kaya ang mensahe ni Hidilyn, sa gitna ng lahat ng hamon na ating hinaharap, “Gamitin ang lakas sa pagsubok, gamitin ang puso sa di pagsuko!"
Salamat, Hidilyn, sa patuloy na inspirasyon sa hikahos mong bayan!
