GORGY RULA
Ang daming naaliw sa kakikayan ng socialite na si Small Laude sa interview sa kanya ni Korina Sanchez na napanood sa Korina Interviews nung nakaraang Linggo, November 13, 2022, sa NET25.
Nakakamangha ang laki at ang ganda ng bahay ni Small na parang type pa nga ni Madam Korina tumira roon. Matagal na kasi silang magkaibigan kaya nakikitang kumportable sila sa isa’t isa.
Pero ang isa sa kaabang-abang ay ang magkapatid na sina DSWD Secretary Erwin Tulfo at Senator Raffy Tulfo na iinterbyuhin ni Korina sa darating na Linggo, November 20.
Magkahiwalay na in-interview ni Korina ang magkapatid. Sa teaser pa lang ay nakakaaliw na ang bukingan ng magkapatid.
Sa totoo lang, magmula nang in-interview ni Korina si Karen Davila, ang dami nang na-curious kung sino ang susunod na iinterbyuhin ng batikang broadcast journalist.
Read: Korina Sanchez to Karen Davila: "Bakit sa tingin mo pinag-aaway nila tayo?"
Napapansin na ang Korina Interviews tuwing Linggo ng 5 p.m. Naisip tuloy namin, posible kayang ma-interview ni Korina si Mel Tiangco?
Tinanong namin ito kay Ma’am Mel sa nakaraang presscon ng 20th anniversary ng Magpakailanman.
Papayag kaya siyang ma-interview ni Korina, kahit exclusive siya sa GMA-7?
“You know ang problema diyan… yes, number one yun,” mabilis niyang sagot nang sinabi naming baka may conflict sa TV network.
“Di ba, hindi naman ako puwedeng lumabas sa ibang network? They’re very strict. It’s in my contract. Yun agad ang sasabihin ko sa kanya,” dagdag niyang pahayag.
Kahit sa YouTube channel, hindi raw puwede dahil nakasaad sa kontratang pinirmahan ni Mel na hindi puwede kahit saang platform.
Pero nilinaw ng veteran Kapuso newscaster at TV host na wala silang problema ni Korina. Wala raw talagang isyu sa kanilang dalawa.
“You know, there never was anything with me… with me, there was never anything, my dear. I don’t know where that come from,” bulalas niya.
Okay raw talaga sila ni Korina, na sa katunayan masaya raw silang nagkatsikahan nang magkita sila sa Rome ilang taon na ang nakaraan.
Read: Mel Tiangco puts an end to rumored long-standing rift with Korina Sanchez
“Nagkita kami sa Rome, oo. Ang layo niya, tumatakbo siya sa akin. Sabi niya, ‘Mama Mel! Mama Mel!’ Mama Mel ang tawag niya sa akin.
“Mama Mel. Lumapit pa siya,” dagdag niyang kuwento.
Nagkaroon lang daw kasi ng isyu nung umalis si Mel sa ABS-CBN noon.
“Kung minsan nga, yun ang sinasabi ko sa inyo na may mga negative na ano. Mga negative na ako mismo, nagugulat, ganito pala.
“Ako mismo, nagugulat. Katulad nung kay Mike [Enriquez], saan nanggagaling yun?” sabi pa ni Mel.
NOEL FERRER
Ginulantang daw sila ng fake news na pumanaw na si Mike Enriquez nung nakaraang linggo. Nataranta raw silang nagtawagan para kumpirmahin kung totoo ba yung kumalat na bali-balita.
Read: Mike Enriquez sa "fake news" na pumanaw na siya: “I’m alive!”
Lahad ni Mel, “Siyempre, nagtatawagan kami. Ano ba iyan! ‘Hindi, Tita,’ sabi naman sa newsroom, ‘Hindi, Tita.’
“E, di tatanggapin namin, nanggaling sa newsroom, di ba? Walang kasinungalingan!”
Pero hindi pa raw sila nagkakausap ni Mike magmula nang mag-leave ito sa GMA-7. Hindi pa raw niya ito natawagan dahil sa nahihiya siya.
“I’m sorry. Alam mo, wala akong alam. Baka sabihin niya, ‘Ano ba ito, pati ako, tsinitsismis.’
“Malulungkot din ako, baka sabihin niya, I’m bad. Ayoko niyan. Malulungkot lang ako. Nag-leave siya, e. Kasi kailangan daw niya magpa-test.
“Nakalimutan ko kung ano yun. Magpapa-test daw siya ng something. E, kailangan mag-overnight daw siya sa… e, hindi pa siya nagsasabi.”
JERRY OLEA
Ang saya-saya ng tsikahan nina Karen at Korina sa Korina Interviews.

Facebook post ni Karen noong Oktubre 28: “AND… THIS HAPPENED. After my 22 years in ABSCBN, the iconic Korina Sanchez and I sit down for a one on one interview for the FIRST TIME — and it was non stop laughter
“Thank you Korina Sanchez-Roxas for having me! I treasure the experience and had such a wonderful afternoon with you! I had so much fun!!! Grateful! All in God’s good time. Thank you NET25.”
Iconic din si Mel Tiangco, kaya hopia at asado tayo na darating ang tamang panahon o pagkakataon na magkatsikahan sila ni Ate Koring.
Tungkol kay Mike Enriquez, lalabas at lalabas ang totoo kung ano ba ang kalagayan nito.
Marami-rami nang celebrities ang “pinatay” kapag napabalitang may karamdaman at hindi napagkikita, lalo na ngayong umaariba ang social media.
Sa pagdiriwang ng Magpakailanman ng ika-20 anibersaryo, may bali-balitang malapit nang matigok ang Kapamilya drama anthology na Maalaala Mo Kaya (MMK) na hinu-host ni Charo Santos-Concio.
Kung anu’t ano man, bida si RK Bagatsing bilang binatang si Billy na may abilidad makakita ng multo at mga elemento sa episode ng MMK ngayong Nobyembre 19, Sabado ng gabi, sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, at TFC IPTV.

Bata pa lamang, itinatak na sa isip ni Billy ng kanyang magulang at mga kaibigan na tila sumpa ang pagkakaroon niya ng third eye. Simula noon, pinili niyang itago sa sarili ang mga nakikita at naghanap na lang pagtanggap sa trabaho maging sa mga babaeng karelasyon.
Hanggang kailan kaya matatakasan ni Billy ang kanyang abilidad?
