JERRY OLEA
On its third weekend (November 25-27, 2022), nanguna pa rin sa takilya ng North America ang Black Panther: Wakanda Forever na humamig pa ng karagdagang $45.6M.
Bale umabot na sa $367.5M ang domestic gross ng superhero film kung saan ang prinsesang si Shuri (Letitia Wright) ang pumalit sa kuya niyang si T’Challa (Chadwick Boseman) bilang Black Panther.
Read: Avatar: The Way of Water, $250M ang production budget; Wakanda Forever, naka-$545M na worldwide
![]()
Sumemplang sa pangalawang puwesto ang bagong open na Strange World, na naka-$12.2M.
Mahigit $130M ang budget ng ika-61 animated film na iprinodyus ng Walt Disney. Hindi ito ipinalabas sa 20 bansa dahil bading ang isa sa mga pangunahing karakter sa istorya.

Strange World
Pumangatlo sa takilya ng U.S. at Canada last weekend ang kabubukas din lang na Glass Onion: A Knives Out Mystery, na tinatayang naka-$9.4M.
Isang linggo ang limited theatrical release nito. Nakatakda itong mag-streaming sa Netflix umpisa Disyembre 23.
Ang worldwide gross ng Black Panther: Wakanda Forever ay umabot na sa $676M. Pampito na ito sa pinakamalalakas na pelikula na released globally this year.
Siyempre pa, ang isa pang pelikula na tiyak magpapayanig sa takilya ngayong 2022 ay ang Avatar: The Way of Water, na puwede nang bumili ng tiket sa mga sinehan kahit sa Disyembre 14 pa ito ipalalabas sa local cinemas.
Palabas na bukas, Nobyembre 30, Miyerkules, sa mga sinehan ang Cinemalaya 2022 film ni Coleen Garcia na Kaluskos, at ang critically acclaimed na Triangle of Sadness kung saan agaw-eksena si Dolly de Leon.
Showing na rin bukas ang South Korean action-thriller na Decibel starring Kim Rae-won and Lee Jong-suk, ang horror movie na The Offering, at ang Violent Night kung saan kakaibang Santa Claus ang matutunghayan.

Nakatakda sa Disyembre 7 ang showing ng Call Me Papi nina Albie Casiño at Enzo Pineda, Ang Kuwento ni Makoy nina Buboy Villar at Bella Thompson, at animated film na Puss in Boots: The Last Wish.
Sa Disyembre 14 makikipagsalpukan sa Avatar: The Way of Water ang launching film ni Jeric Gonzales na Broken Blooms.
Disyembre 25 hanggang Enero 7 ang 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) na ang tema ay “Balik Saya.”
Ang walong official entries ng MMFF 2022 ay Nanahimik Ang Gabi, My Father, Myself, My Teacher, Labyu with an Accent, Partners in Crime, Mamasapano: Now It Can Be Told, Family Matters, at Deleter.
Slated nang itanghal sa local theaters umpisa Enero 8, 2023 ang biographical film na I Wanna Dance With Somebody, kung saan bida si Naomi Ackie bilang Whitney Houston.
NOEL FERRER
Please, sana nga bumalik na sa sinehan ang mga tao.
Kasi parang hindi sa takot, e. Mas ayaw gumastos ng mga tao sa sine.
Bakit? Kasi iniisip ng mga tao na after so many months ay mapapanood na nila ang mga pelikula sa mga streaming device.
Libre na, mas wala pang hassle mag-transpo at kumain, lalo pa’t they can watch it in the comfort of their homes. Ibang klase, ano?
Double talaga ang effort sa mga taga-pelikula to invite people to watch their content. Hindi natin hahayaan itong basta mamatay na lamang.
GORGY RULA
Nakakapanghinayang ang An Inconvenient Love ng DonBelle dahil hindi nito na-maintain ang lakas sa takilya.
As of Monday, November 28, naka-P18M ito ayon sa aming source. Hindi raw gaanong pumalo noong weekend. Kaya ang tantiya ng ilang sumusubaybay nito, baka maka-P30M lang ito sa kabuuan.
Pero sa totoo lang, sobrang okay na iyan kung umabot sa ganoong figures ang naturang pelikula nina Donny Pangilinan at Belle Mariano na nag-open sa 175 cinemas last week.
Ewan kung mapapantayan ito ng mga susunod na pelikulang ipalalabas bago mag-MMFF.
Sa totoo lang, patay na petsa na iyan. Pero hindi ang Avatar: The Way of Water dahil inaabangan na ito ng karamihan.
Baka nga makaapekto pa ito sa mga pelikulang kalahok sa MMFF 2022.
Matatandaan na ang Spider-Man: No Way Home ang pinakamalakas na movie last year. Umabot sa $1.97B ang worldwide gross nito.
Bale pang-anim ito sa talaan ng all-time highest grossing films (hindi adjusted sa inflation). Disyembre 17, 2021 ito nag-open sa North America. Around that time din iyon ipinalabas sa iba’t ibang bansa.
Sa Pilipinas ay pinatapos muna ang MMFF 2021 bago nag-showing ang Spider-Man: No Way Home. Enero 8, 2022 iyon ipinalabas sa local cinemas, na ikinagalit ng maraming Pinoy fans.
Siyempre, mas maraming Pinoy moviegoers ang magngingitngit kung sa Enero 8, 2023 pa ipalalabas sa bansa ang sequel ng Avatar.
Ang worldwide gross ng 2009 epic sci-fi film na Avatar ay $2.92B — ang pinakamalakas na pelikula sa kasaysayan (again, hindi iyan adjusted sa inflation).
Isang tunay na event ang pagpapalabas ng Avatar: The Way of Water na tinatayang ang budget ay $350M hanggang $400M. Isa ito sa most expensive films of all time!
Bida pa rin sa Avatar: The Way of Water si Sam Worthington bilang Jake Sully, ang dating tao na umibig kay Neytiri (Zoe Saldaña).
Bahagi rin sa cast ng Avatar sequel sina Sigourney Weaver (na ibang karakter na ang gagampanan), Kate Winslet, Stephen Lang, Cliff Curtis, Joel David Moore, at Giovanni Ribisi.
