JERRY OLEA
Sa listahan ng Netflix ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today, nangunguna pa rin ang Wednesday na may walong episode.
Ito ang unang serye na idinirek ni Tim Burton. Gawang-Tate ang coming-of-age supernatural comedy horror na Wednesday, kung saan bida si Jenna Ortega, at masustansiya ang papel ng 42 anyos na si Christina Ricci.

Gumanap si Christina bilang Wednesday Addams sa movie na The Addams Family (1991), at sequel nitong Addams Family Values (1993).
Noong Nobyembre 23 nag-umpisa ang streaming ng Wednesday, na kinabog ang Stranger Things 4 sa Netflix record bilang English-language series na may pinakamaraming views sa loob ng isang linggo.
Katabla ng Wednesday ang Stranger Things 4 sa pangunguna sa 83 countries.
Pangalawa sa Top 10 TV Shows ang 2022 K-drama series na Under the Queen’s Umbrella, na labing-anim ang episodes. Bida rito sina Kim Hye-soo, Kim Hae-sook, at Choi Won-young.
Pangatlo ang 2022 Japanese romantic drama na First Love, na merong siyam na episodes.

Ang nakakatuwa, limang Pinoy teleserye ang nasa Top 10 TV Shows ng Netflix Philippines ngayon! Pang-apat hanggang pang-anim ang 2022 series na 2 Good 2 Be True ng KathNiel, Niña Niño nina Maja Salvador at Empoy Marquez, at A Family Affair nina Ivana Alawi, Gerald Anderson, at Sam Milby. Pangwalo ang Wildflower (2018) nina Maja Salvador at Aiko Melendez, at pansiyam ang 2015 remake ng Pangako Sa ‘Yo o The Promise na bida rin ang KathNiel.
Kung hindi ako nagkakamali, first time ever na limang Pinoy teleserye ang pasok sa Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix Philippines!!!
Ang nasa pampitong puwesto ay ang 2014 Japanese horror anime na Parasyte The Maxim, at pansampu ang 2022 German supernatural series na 1899.
Madalas na dominated ng K-drama series ang Top 10 TV Shows ng Netflix Philippines, pero ngayon, isa lang ang mula sa South Korea. Tig-isa rin ang America at Germany, at dalawa mula sa Japan. Yung lima, locally made!
Sa Disyembre 10 mag-i-streaming na ang part 2 ng South Korean TV series na Alchemy of Souls. Sampung episode ang part 2 nito na may karagdagang pamagat na Light and Shadow.
Swak sa Pasko ang South Korean series na The Fabulous umpisa Disyembre 23, at kaabang-abang din ang South Korean revenge drama na The Glory umpisa Disyembre 30.
Marami rin ang nananabik sa series ni Noah Centineo na The Recruit umpisa Disyembre 16, sa third season ng American-French romcom series na Emily in Paris umpisa Disyembre 21, at sa The Witcher: Blood Origin umpisa Disyembre 25. Worth the wait din syempre ang Squid Game: The Challenge!
Walang pelikulang Pinoy sa Top 10 Movies in the Philippines Today ngayong Disyembre 3, Sabado sa Netflix Philippines.
Pawang pelikulang banyaga, bago man o luma, ang kasama sa talaan. Ang mga ito ay Troll (2022), My Name Is Vendetta (2022), The Swimmers (2022), Jack Reacher (2012), Slumberland (2022), Angel Falls Christmas (2021), Sliver (1993), The Noel Diary (2022), Jack Reacher Never Go Back (2016) at Lesson Plan (2022).
Ligwak na ang Dubai (2005) na noong Nobyembre 25 ay nag-umpisang mag-streaming. Bida sa Dubai sina Aga Muhlach, Claudine Barretto, at John Lloyd Cruz.
NOEL FERRER
Ito na talagang Netflix at streaming device ang future ng broadcasting. Tatanggapin natin ito o mapag-iiwanan tayo. Kung ang mga tao ngayon depend on Netflix and online networks for entertainment at ang news ay sa TV pa rin, huwag tayong mabibigla kung pati News and Public Affairs ay pasukin din ng Netflix.
Balitang nag-iimbita na ito ng journalists at media practitioners to churn out outputs for them.
Ang saya, di ba? Siguradong pangangalagaan nila ang kalidad ng mga palabas na ito kahanay ng mga docus at investigative reports nila from other countries. Kung magkaganoon, mag-level up din kaya ang ating local news networks? Sana!!! Sana talaga!!!
GORGY RULA
Dito sa streaming apps bumabawi ang mga programa ng Kapamilya network. Pagdating sa free TV ay hindi pa rin kayang habulin ang mga programa ng GMA-7. Hindi kaya nakakaapekto rin ito sa mga ipinapalabas sa free TV?
Kapag hindi nila nasusubaybayan sa TV, puwede nilang balikan at convenient sa kanila na mapanood ito sa Netflix o kaya sa ibang streaming apps.
Pero pinag-uusapan pa rin sa social media ang ilang teleserye na napapanood sa free TV.
Hindi ko pa nasisilip itong Iron Heart, na action drama ni Richard Gutierrez, pero ang lakas daw ng dating, sabi ng ilang nakakapanood. Manghang-mangha sila sa mga action scenes at bagay daw sa aktor na sinasabi nilang mala-James Bond ang dating.
May ilan pa akong nakakausap na mga kaibigan dito sa Manila at maging sa Amerika na kinahuhumalingan daw nila ngayon itong Maria Clara at Ibarra.
Gustung-gusto nila ang script. Sana, ituluy-tuloy raw ng GMA-7 ang mga ganung klaseng serye na pinag-isipan nang husto. Ang maganda raw ay naging interesting sa mga kabataan ang paglalahad ng kuwento sa Noli Me Tangere at El Filiubusterismo ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Samantala, na-excite nga raw si Ivana Alawi nang napapanood na sa Netflix ang kanyang A Family Affair. Nagpapasalamat siya sa magandang feedback sa kanyang teleserye.
