GORGY RULA
Mukhang seryoso na ang magkasintahang Ronnie Alonte at Loisa Andalio sa kanilang relasyon. Nagpaplano na sila at nag-i-invest sa kanilang future bilang mag-asawa.
Read: Loisa Andalio, Ronnie Alonte invest joint savings in cafe business
Sabi nga ni Loisa sa nakaraang mediacon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 entry ng TinCan at Ten17 Productions na My Teacher, “Kasi, bakit pa tayo nag-i-stay sa relationship kung hindi naman iyon ang goal natin? Sayang naman yun, di ba? So, same ang goals.”
Kaya nagnenegosyo na sila, bumili ng property. At isa na rito ang pag-i-invest nila sa cryptocurrency na nawala na lang dahil sa pagtangay ng tatlong cellphone nila nang nabiktima sila ng basag-kotse gang noong Nobyembre 30 sa Bacoor, Cavite.
Clueless ako sa cryptocurrency, kaya hindi ko na-gets nung nawalan sila ng 1 billion sa cryptocurrency.
Pahapyaw na ipinaliwanag ito nina Ronnie at Loisa na hindi pera ang ibig sabihin ng isang bilyon na nawala sa kanila. Bale parang face value ito worth 1B na sinimulan nilang in-invest sa cryptocurrency.
Sabi ni Ronnie, “Bale yun yung cryto na binili namin…”
Dugtong ni Loisa, “Pag tumaas na yun… kasi stock siya e, pinapataas siya.”
Dagdag na pahayag ni Ronnie, “Meron kaming 1B na stocks na kapag nag-one dollar yung crypto na in-invest namin sa halagang 500 to 1M, puwede kaming mag-withdraw ng kahit magkanong gusto namin. Like, 100M para hindi bumagsak yung value ng Frenchie namin.”
Pero naglabas daw sila ng pera sa investment na iyon na halos isang milyong piso bawat isa sa kanila. Naglakas-loob daw silang pasukin itong cryptocurrency na walang katiyakan kung kikita o malulugi sila.
“Sabi ko kay Loi, 'Ang ilabas natin dito, yung anytime na handa tayong mawala.' At saka sabi ko, ten years to fifteen years, maging piso man yan ganito, okay lang. Mga anak na namin ang makinabang nun sa amin,” napapangiting pahayag ng Kapamilya actor.
Nawala na raw ang in-invest nila sa cryptocurrency, hindi dahil sa nalugi sila kundi dahil sa nabiktima sila ng basag-kotse gang.
Nakita na raw sa CCTV kung sino ang gumawa nun, pero hindi pa rin sila nahuhuli hanggang sa ngayon. Nalaman pa raw nilang ibinebenta na sa Festival Mall ang teleponong nawala, pero na-block na raw nila iyon.
“Sabi ko, may binibigay sa ating pagsubok para mas matibay pa lalo,” saad ni Loisa.
NOEL FERRER
Meron pang joint account sa bangko sina Ronnie at Loisa. Sana, ito na nga ang hudyat ng kanilang forever.
Hindi pa raw nila pinag-uusapan ang kasal. Pero pinaghahandaan na nila ang kanilang future bilang mag-asawa.
“Work pa muna kami. Kasi focus namin, mas more branch pa ng café, more lupa pa, and more work pa sa showbiz,” saad ni Ronnie.
“More work and business lang talaga muna. Kasi yung kasal, yung family, dadating naman yun, e. May tamang timing din para diyan. Ipon uli tayo,” sabi naman ni Loisa.
JERRY OLEA
Masayang-masaya sina Loisa at Ronnie na napasama sila sa pelikulang My Teacher, at nakatrabaho sina Joey de Leon at Toni Gonzaga.
Sabi ni Loisa, “Sobra akong na-inspire talaga kina Sir Joey at Miss Toni. Yung pagmamahal nila sa trabaho, sa passion.
“And nakita ko at natutunan ko kung paano nila mahalin ang trabaho, dapat pala talaga ganito, kaya ganun sila katatagal sa industriya.
“And yun, talagang nakaka-inspire po silang makatrabaho.”
Pahayag naman ni Ronnie, “Kagaya nga po ng sinabi ni Miss Toni, yung pagiging professional ni Tito Joey.
“Ahh, yun ang isa sa mga natutunan ko. Kasi, yun nga, kami pa yung nagba-buckle kaysa sa kanya. So, ayun po.
“Tapos kay Miss Toni naman po, ahh andami din po. Lalo na pag nag-uusap kami pag lunch break at ang dami niyang ino-open sa amin about sa life.
“So ayun, ayun ang isa sa mga hindi ko po makakalimutan talaga. Yun po.”
