JERRY OLEA
Pitong pelikula ang nag-open sa local cinemas noong nakaraang Miyerkules, Disyembre 7, 2022.
Isa lamang sa ito ang kahit paano’y umariba sa takilya, iyong animated comedy-adventure na Puss in Boots: The Last Wish.
Ang isa pang pelikula na tinangkilik pa rin ng Pinoy moviegoers noong nakaraang linggo ay ang Black Panther: Wakanda Forever na noong Nobyembre 9 pa nagbukas.
Iyong anim pang nag-open last week ay kalunus-lunos at kahabag-habag ang sinapit. Ultramagneticflop!
Read: Pitong pelikula, labu-labo sa takilya bago mag-showing ang Avatar: The Way Of Water
Maging sa North America ay limang consecutive weekends na nanguna ang Black Panther: Wakanda Forever.
Iyong kabuuang domestic gross ng mga pelikulang nag-showing sa US at Canada noong Disyembre 9-11 ay $33.3M, ikalawang pinakamababa for the year 2022.
Bakit kamo? Kailangan pa bang i-memorize iyan?
Ang pelikulang magso-showing this weekend sa North America ay ang Avatar: The Way Of Water. Ang nasabing sequel ng Avatar (2009) ay showing na sa mga sinehan ng Pilipinas umpisa ngayong Disyembre 14, Miyerkules.
“Stronger enemies. Stronger hearts. Starting TODAY our beloved characters come back stronger in #AvatarTheWayOfWaterPH. See it best on the big screen in 3D, 4D and IMAX.”
Facebook post iyan ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP), kaakibat ang 32-second teaser ng Avatar: The Way Of Water.
Isang pelikulang Pinoy ang nakipagsalpukan dito, ang launching movie ni Jeric Gonzales na Broken Blooms.
Ang nasabing pelikula na idinirek ni Louie Ignacio ay nag-open sa labinlimang (15) sinehan today. Wala itong sinehan sa Visayas.
Dalawa ang sinehan nito sa Davao — sa Gaisano at NCCC. Labintatlo ang cinemas nito sa Mega Manila — SM Mall of Asia, SM Megamall, SM North EDSA, SM Southmall, SM Fairview, Trinoma, Glorietta, Market Market, Fairview Terraces, Greenhills Cinemas, Gateway Cubao, Sta. Lucia East Grand Mall, at Fisher Mall Quezon City.
Outside Mega Manila, walang sinehan sa Luzon ang Broken Blooms — maging sa Pampanga kung saan kinunan ang kabuuan ng pelikula.

Ang kaibigang Allan Diones, nanood ng 11:30 a.m. screening ng Avatar: The Way of Water today sa Director’s Club 2 ng SM North EDSA.
“Puno! Muntik na akong maubusan ng seat!” sabi ni Allan via Messenger.
Balik-saya ang Pinoy moviegoers sa Avatar: The Way of Water, na showing hanggang Disyembre 24.
Sa Disyembre 25 kasi ay start na ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022, na tatagal hanggang Enero 7.
Kung hindi ako nagkakamali, mapapanood pa rin ang Avatar: The Way of Water sa IMAX cinemas sa duration ng MMFF.
NOEL FERRER
Yes, hindi kasali ang mga special cinemas like IMAX sa MMFF.
Discretion iyon ng sinehan at ng magbu-book ng lugar kung MMFF entry ang papanoorin ng pamilya, pero sana naman. Tulong na lang nila yun sa ating naghihingalong industriya.
Tapos sana, maengganyo pa ang mga kababayan nating manood ng mga pelikulang lahok sa darating na MMFF 2022 sa pamamagitan ng Parada Ng Mga Bituin exactly a week from now — December 21, Miyerkules ng 4:00 p.m. na magsisimula sa Welcome Rotonda at magtatapos sa Quezon City Memorial Circle.
Ang Awards Night ay sa December 27 sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City, sa pakikipagtulungan ng Bingo Plus na siyang magbibigay ng major cash prize.
Sana with all these incentives, pati na sa suporta natin, mag-pick up na ang pelikulang Pilipino simula ng MMFF 2022. Good luck!
GORGY RULA
Noong mga nakaraang taon, mahina ang dalawang linggo ng buwan ng December bago magsimula ang Metro Manila Film Festival. Kaya madalas ay mga maliliit na pelikula lamang ang ipinapalabas bago mag-MMFF. Minsan ay reissue pa.
Pero ngayon ay iba na! Malalakas na Hollywood films ang ipinapalabas, tapos puputulin kapag mag-MMFF, at ibabalik sa second week of January.
Sana, magtuluy-tuloy ang lakas ng takilya pagdating ng MMFF na pawang local films na ang nasa sinehan.
Kapag mahina ang pelikula, tatanggalin na ito sa sinehan at papalitan ng malalakas. Pero pagkatapos ng MMFF, ibabalik na ang malakas na Hollywood films. Kawawa pa rin ang mga pelikula natin.
Hindi ko masagot kung kailan tayo makakabawi. Bahala na si Lord, at kung may magagawa ang bagong administrasyon.
Basta ako, sa pelikulang atin ang suporta ko. Bibili ako ng ticket para sa Broken Blooms na kasabay ng Avatar: The Way of Water, kahit napanood ko na!
Doon na ako sa pelikulang kilala ako ng bidang artista. Okay lang kahit hindi na kami magkita-kita ng Avatar na iyan!
