GORGY RULA
May nagtanong sa PEP Troika kung totoo bang number one na sa takilya ang Deleter ni Nadine Lustre, matapos nitong manalong Best Picture sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 Gabi ng Parangal.
Hindi raw ito totoo, sabi ng aming reliable source.
Nakuha namin ang UNOFFICIAL box-office results ng walong pelikulang kalahok sa MMFF 2022, as of Wednesday, December 28.
Ang sabi, naka-P86M na ang nangunguna pa ring Partners in Crime nina Vice Ganda at Ivana Alawi.
Slight ngang tumaas ang Deleter, pero naka-P58M pa lang ito.
Pumangatlo ang ensemble drama na Family Matters, na naka-P32M na.
Sabi ng aming source, nag-drop na sa takilya ang Partners in Crime, at sa tingin nila, hindi na ito gaanong tataas pa. Pero malaki pa rin ang agwat nito sa ibang entries.
Ang posibleng mas tumaas pa ay itong Deleter, na marami naman talaga ang gustong makapanood ng horror film, at sana, itong family movie na Family Matters.
Nagulat nga raw sila dahil kahit isang special award lang ang napanalunan ng Family Matters, at obvious namang inisnab ng mga MMFF 2022 jury, hindi naman daw ito naapektuhan sa takilya. Sobrang maliit lang daw ang porsiyento ng ibinaba nito.
Read: Family Matters producer, naglabas ng hinaing sa pang-iisnab ng MMFF 2022 jurors sa kanilang pelikula
Mas okay raw sana kung ang tatlong Best Picture ay ang Deleter, Family Matters, at Nanahimik ang Gabi. Posibleng tumaas pa ang kita ng tatlong pelikulang ito.
Samantala, kahit Second Best Picture daw ang Mamasapano: Now It Can Be Told, ganun pa rin ang performance sa takilya. Hindi raw tumaas.
Itong Deleter at Family Matters sana ang mas lumakas at posibleng saluhin ang mga nabawas na viewers ng pelikula nina Vice at Ivana.
Abangan na lang natin sa darating na weekend kung kakayanin ng Deleter na lumakas pa at mag-number one ito sa takilya.
JERRY OLEA
Sa pitong sinehan ng Glorietta 4, tig-iisa pa rin ng sinehan ang entries maliban sa Nanahimik Ang Gabi as of today, December 29, Thursday.
Hanggang kahapon, Disyembre 28, Miyerkules, ay tig-iisa ng sinehan ang walong entries sa Power Plant Mall sa Rockwell Center, Makati City.
Pero ngayong Huwebes, tigdalawa na ng sinehan sa Power Plant ang Deleter (C3 at C8) at Family Matters (C1 at C2).
Tig-iisa ng sinehan ang Nanahimik Ang Gabi (C4), My Teacher (C5), Labyu With An Accent (C6), at Partners in Crime (C7).
Natanggal na ang Second Best Picture na Mamasapano: Now It Can Be Told, pati na ang My Father, Myself.
Maganda ang word-of-mouth ng mga nakapanood ng Family Matters kaya patuloy itong tinatangkilik ng mga tao kahit inilaglag ito ng MMFF 2022 Board of Jurors.
Nagpapasalamat si Mayor Enrico Roque ng Cineko Productions sa mga taong nanood sa Family Matters.
Maaring na-curious sila bakit hindi ito nakakuha ng awards. Patuloy pa rin itong pinag-uusapan sa social media.
“Maraming salamat din sa mga tao nagpu-post na nagandahan sila sa movie,” text ni Mayor Roque sa PEP Troika.
NOEL FERRER
Sa huli’t huli, ang mananaig ay yung pelikulang may legs at mga artistang pursigidong mag-promote din hanggang dulo para may added value sa panonood ng mga tao ng sine.
Safe pa at kumikita ang sinasabing nangunguna sa takilya. Sana, makahabol ang iba para mas maraming pelikula ang kumita at maengganyo pa ang ibang gumawa ulit para sa susunod na filmfest.
At kung ang Pasko ay para sa pamilya, may advantage talaga ang family movies kaya congratulations sa grupo ng Family Matters at iba pang lalong dumarami ang mga sinehan. Congratulations!!!
