JERRY OLEA
Kauumpisa lang ni Ysabel Ortega ng pag-aaral ng Law ngayong Enero 2023.
Hindi ba nakakatakot mag-Law, ang hirap-hirap pag-aralan lalo pa’t malapit nang ipalabas ng GMA-7 ang Voltes V: Legacy na pinagbibidahan nila nina Miguel Tanfelix, Radson Flores, Matt Lozano, at Raphael Landicho?
“Medyo nga po nakakatakot,” pag-amin ni Ysabel nang makatsikahan namin sa birthday lunch ni katotong Gorgy Rula noong Enero 28, 2023, Sabado, sa Via Mare, Morato Extension, Quezon City.
Agosto 2022 nagtapos si Ysabel ng kursong Political Economy.
“Na-miss ko po yung puyat,” natatawang sambit ni Ysabel, na nasa dugo ang pagiging public servant.
“Kasi po, aside from showbiz, yun din talaga ang isa kong passion. Hindi naman po dahil gusto ko nang sumabak sa politics.
“Sa akin po kasi, kung may time, kung kaya naman, isasabay ko ang pag-aaral at acting career.
“Pero siyempre ang priority ko pa rin naman ngayon is my work. Todo-promote kami ngayon sa Voltes V and at the same time, parang ini-invest-an ko rin ng time yung career ko. So I’m doing my best to make it work.”
May conflict of schedules ba? Paano niya isinisingit ang pag-aaral habang nagpo-promote ng Voltes V: Legacy?
“Nung nasa regional po kami ng Sinulog, yun… airport, nagbabasa ako. Dala ko lahat ng case studies ko. Binabasa ko bago matulog,” salaysay ni Ysabel.
“So, more on time lang din talaga, yun ang strategy ko ngayon. Nakaka-challenge pero kinakaya naman.”
Maliban sa Sinulog ng Cebu City, nag-promote na rin ang mga bida ng Voltes V: Legacy sa Ati-atihan ng Kalibo, Aklan, at sa Kaisa Festival ng Tarlac City. Makikisaya rin sila sa Panagbenga ng Baguio City.
Sabi pa ni Ysabel, “I think, magsa-Zamboanga rin kami. Lilibutin namin ang Pilipinas para mai-promote namin ang Voltes V.”
Sobrang close na nilang mga bida ng Voltes V: Legacy dahil halos tatlong taon na silang nagkakasama.
“Para na rin kaming magkakapatid lahat,” sambit ni Ysabel.
Malamang na makatapat ng Voltes V: Legacy ang FPJ’s Batang Quiapo, kung saan kasama sa cast ang biological father ni Ysabel na si Senator Lito Lapid.
Nang makapanayam namin recently si Senator Lapid ay nag-congratulate siya sa anak, at base sa trailer ng Voltes V: Legacy ay bumilib ang senador sa pag-aaksyon ni Ysabel.
Sabi pa ni Senator Lapid, hindi nila kontrol iyong pagtatapat ng kani-kanyang programa sa primetime.
Komento ng Kapuso young actress, “Siyempre po, maliit din lang ang industriya, you know. So siguro naman ang priority naming dalawa is makapag-produce kami ng quality shows para mapanood ng mga viewers natin.
“So for me naman, just like my dad, wala naman din pong conflict. Saka yun nga, palagi naman din po akong naka-support sa dad ko, and happy rin ako na naka-support din siya sa amin, sa show namin.”
Read: Senator Lito Lapid, pinag-iisipan na ang pagreretiro sa pulitika
NOEL FERRER
Nakakaramdam na siyempre ng pressure si Ysabel sa nalalapit na pag-volt in ng televiewers sa Voltes V: Legacy.
Ito ang pinakamalaki at pinakamagastos na TV project ng Kapuso Network for 2023. Pinagbuhusan ng pagod, pera at panahon!
“Definitely po, malaki ang pressure, pero at the same time, naging silver lining din po yung pandemic,” pahayag ni Ysabel.
“Kasi at least, nung time na yun, naihanda ko ang sarili ko. Nakapag-training ako. So, by the time na nag-taping na kami, confident na ako at nakaya ko.”
At heto na nga, nasabi na ni Nay Lolit sa universe na sana ay mabigyan ng pagkakataong magtambal sina Ysabel at Alden. Magaganap ba ito o mananatiling sana?
Let’s wait and see.
GORGY RULA
Pero okay na muna sila ni Miguel Tanfelix, Sir Noel.
Napatunayan na nila sa mini-series nilang What We Could Be na maayos naman ang rating. Naipakita nila ang pagiging aktor at aktres, lalo na kay Ysabel na siyang nagdala ng seryeng yun.
Read: Ysabel Ortega grateful to GMA-7 for "first lead" role
Hindi maiwasang ma-pressure sila sa Voltes V: Legacy dahil mataas ang expectations sa malaking seryeng ito ng GMA-7.
Samantala, hindi malayong pasukin na rin ni Ysabel ang pulitika, dahil parehong nasa pulitika ang sa side ng daddy at mommy niya.
Nakita ko rin kay Ysabel nung bata pa siya na ang galing nang pakikisama niya sa lahat, lalo na sa mga kasambahay, bodyguards , at drivers. Kaya nakikita na naming papasukin na rin niya ang public service.
Pero meron pang isang ipinapanalangin ngayon si Ysabel para naman sa kanyang mommy, si Michelle Ortega, na may project ngayon na magka-baby uli. Ipinagdarasal ko rin na sana matuloy na ito.
Gusto na rin ni Ysabel na magka-baby boy o sister sa kanyang Mommy at Papa Greg Pimentel.
