JERRY OLEA
Nakailang pelikula na sa Vivamax si Louie Ignacio, ang direktor ni Ken Chan sa bagong movie niyang Papa Mascot.
If ever ba, payag si Ken na mag-Vivamax sa direksiyon ni Direk Louie?
“Direk, bigyan mo lang ako nang mga tatlong buwan,” sabi ni Ken kay Direk Louie sa mediacon ng Papa Mascot noong Abril 10, 2023, Lunes, sa Café Claus, Tandang Sora Avenue, Quezon City.
“Promise, ibibigay ko sa yo! Ako… why not? Ready naman po ako sa mga ganun.
“Thirty years old na po ako, and I think kailangan ko rin pong mag-explore sa mga iba’t ibang characters, and sa mga daring roles, di ba?
“E, ang tagal-tagal ko na rin pong hindi nagagawa yun. Lagi na lang pa-tweetums and you know…
“Sana, makagawa rin ako nun. And gusto ko, pag gumawa ako nun, ang maging direktor ko po talaga, si Direk Louie Ignacio.
“Wala nang iba, kapag gumawa ako ng daring roles. Kasi, grabe po kung alagaan kami ni Direk Louie nung meron kaming love scene ni Rita [Daniela].
“Talagang inalagaan niya po kami dun at hindi niya kami pinabayaan.”
Nag-love scene sina Ken at Rita sa MMFF 2021 official entry na Huling Ulan sa Tag-araw. Handa na si Ken sa butt exposure?
Napangiti ang Kapuso actor, “Butt exposure? Why not? Bakit hindi, di ba, Direk? Di ba?
“Kung magiging mas makatotohanan yung eksena para maipakita mo yung dapat ipakita, puwede na!”
Sa pagkakaalam ni Ken ay itutuloy ng GMA-7 ang TV adaptation ng pelikulang Saan Nagtatago Ang Pag-ibig?, kung saan co-stars niya sina Yassi Pressman at Marco Gumabao.
Gagampanan ni Ken yung role ni Tonton Gutierrez, na may butt exposure sa nasabing movie.
Pahayag ni Ken, “Meron po siyang eksenang naliligo, no? Actually, sinabi rin po sa akin ng GMA Network yan. Kailangang paghandaan ko yan.
“Buti na lang, naurong ho yung ano, para makapag-gym pa po. Ha! Ha! Ha! Ha!”
GORGY RULA
Laging challenge kay Ken Chan ang mga project na ginagawa niya.
Excited siya sa bagong movie niyang Papa Mascot dahil iba ang atake niya rito. Ang sabi ni Direk Louie Ignacio sa kanya, dapat makikita at maaamoy sa pelikulang ito ang baho niya.
Pinagmukhang marungis siya talaga rito at natutuwa si Direk Louie dahil walang arte si Ken sa lahat ng pinapagawa sa kanya.
Sabi pa ni Ken, tatlong beses daw siyang maligo sa loob ng isang araw. Pero noong ginagawa niya ang Papa Mascot, hindi na raw siya naligo.
Pinalublob pa siya ni Direk Louie sa putik at minsan nakakatulog na lang daw siyang may putik pa sa paa.
Sabi ni Direk Louie, “Pag nagdidirek kasi ako ng artista, ayoko ng arte-arte. Tinest ko. E, nakakita ako ng putik, tingnan natin. Yun yung role mo, i-feel mo.
“Tingnan natin kung aarte. Kasi ang mga magagaling na aktor, ganyan e. Unless, makuha ko yung gusto mo, mai-impress ako sa yo.
“E, kasi si Ken, walang kaarte-arte sa katawan, e. Yun pala, tatlong beses kung maligo.”
Bukod sa di pagligo ay nakatulong din kay Ken ang mga location na pinasyutingan nila. Malaki raw ang nagawa nito para makapag-immerse siya sa role bilang si Papa Mascot.
“Ngayon lang po ako sumabak sa isang proyekto na hindi ko akalain na ang mga locations namin, nakakatulong sa akin.
“Kasi nung nag-location hunt po sina Direk Louie, sini-send po niya sa akin ang mga locations. ‘O dito, dito ka titira. Ito yung magiging community mo. Ito yung hitsura na kung saan ka mag-pedicab, ganito. Ayan! Nasa riles ka ng tren.’
“Sini-send po niya sa akin yun. Nakatulong po sa akin yun. Pinagmamasdan ko po yung mga locations namin. Dun pa lang po nakatulong na sa akin na makapag-immerse po ako at mabuo ko po yung karakter ko bilang si Papa Mascot,” pahayag ni Ken.
Palabas ang Papa Mascot sa local cinemas umpisa Abril 26.
Kasama sa cast nito sina Erin Rose Espiritu, Gabby Eigenmann, Liza Dino, Miles Ocampo, Sue Prado, JC Parker, Joe Gruta, Tabs Sumulong, Yian Gabriel, at Jericho Arceo.

NOEL FERRER
Pagkatapos ng slow burn at aminin din natin, challenging na paghikayat sa mga audience para sa kauna-unahang Summer MMFF, napakalaking hamon para sa isang standalone film tulad ng Papa Mascot ang magtagumpay sa box office — and we wish them the best.
Grabe dahil after the Summer MMFF, palabas na ang hinihintay ng mga pamangkin ko na Super Mario movie na hindi umani ng magandang review abroad pero lalong na-curious ang mga tao.
Dito kaya sa atin, ano ang susunod na pelikulang maghi-hit? Sana, yung Pinoy film naman.
