JERRY OLEA
Sanib-puwersa sina Dulce, Marco Sison, Rey Valera, at ang natirang Apo Hiking Society members na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo sa concert na The Class of OPM ngayong Mayo 3, Miyerkules ng 8 p.m., sa The Theater at Solaire.
Marcos loyalist si Dulce, samantalang kakampink sina Jim at Boboy. Anila, walang political issue sa kanila.
Hirit ni Rey sa mediacon noong Abril 10, Lunes, sa Gerry’s Grill, Tomas Morato Extension, Quezon City, “Kami ni Marco, wala, wala. Kami ni Marco, walang pulitika… sila lang!”
Natawa sina Dulce, Jim, at Boboy.
Walang perception ng pulitika sa kanilang concert.
Sabi ni Boboy, “Actually, iyung perception na iyan, during election lang. Kasi in the end, you’re just an artist, performer, di ba? Kaya it’s a class act, Class of OPM.”
Umayon si Dulce, at ang sambot ni Jim, “Political issues are fleeting.”
Sey ni Dulce, “Nagsimula naman kami, sama-sama, e. 1970s pa.”
Nagsusumbong daw si Dulce noon pa kay Jim, kaya matagal na silang magkaibigan. Humihingi siya rito ng advice.
Kung panahon ng political campaign ay hindi naman daw sila nagkikita. Kani-kanya sila ng gawa.
Pagmamatuwid ni Jim, “Ang politics, 60 days lang pag national; 45 days pag local. After that, tapos na.”
Sambot ni Dulce, “Alam na alam! Maganda iyong ganito kami na nagkakasama-sama. Biruin ninyo, iyong music ninyo wayback, tapos maririnig ko sila nang live uli.
“Kasi, fan ako nitong mga ito. Lagi kong sinasabi iyan kay Marco, kay Rey. Kasi lagi kaming nagkakasama. Ngayon ko lang uli makakasama ang Apo.”
Pag-amin ni Rey, “Ako, fan ako ng Apo. Baka hindi alam ng nakararami, no, yung nag-uumpisa ako, formative years ko sa songwriting, ang Apo ang pattern ko.
“Alam nyo yung kantang Show Me A Smile? ‘Show me your smile, and then kiss me/ Tell me you love me again…’
“Oy, talaga! Ang ganda-ganda nun! Kung mapapansin niyo, yung boses kasi nila dun, parang malambing lang, ganun.
“Sabi ko, ‘Iyong ganitong style, magtatagal ito.’ Kaya ginawa ko siyang pattern. Ginawa ko siyang parang mentor.”
Exciting siyempre para kay Dulce na katrabaho sina Rey, Marco, Boboy, at Jim.
Pahayag ni Dulce, “Kasi ako lang ang mag-isang babae dito! Pero nakakatuwa, kasi as I’ve mentioned earlier, talagang fan ako ng mga ito.
“Kasi di ba, naririnig mo yung mga kanta nila? Yung talagang nasa puso mo na ang mga awit nila.
“Pero yung mapanood ko sila at maririnig na sila mismo yung kumakanta, laging malaking joy sa akin yun, e.
“Ayokong sayangin yung moment na pag tumatayo sila, nakikinig talaga ako. Ini-enjoy ko ang moment na yun, kasi hindi yan palaging ganun, e. Bihira yung mga ganung pagkakataon.
“Kaya ngayon, tini-treasure ko ang mga time na makasama ko ang mga ito.”
NOEL FERRER
Tama naman na lampas sa politika ang pinagsamahan ng mga icons na ng musika na sina Dulce at ang Apo Hiking Society.
Production meeting pa lang ng The Class of OPM, kitang-kita na ang kanilang camaraderie. Lumutang ang kanilang pagiging creative.
Sabi ni Jim, “The moment na mag-suggest ng idea, nanganganak na agad.”
Napangiti si Rey, “Natutuwa ako, e. Kasi first time, may mas matanda sa akin. Dahil di ba, ang mga kasabayan ko lagi, sina Imelda Papin, at saka yung mga bata na ngayon, si Sheryn Regis.
“Mga kasabay ko na ngayon, sina Morissette… At least, ngayon ang Apo, makakasama ko na sila ngayon. Mga idol ko.”
“Andaming ideas ni Jim!” sambit ni Dulce.
Sambot ni Jim, “Let me say this. I think, you will see all of us do something you’ve never seen before. And it doesn’t involve our personal songs.
“I mean, basta manood kayo. It’s not gonna be your usual medley, it’s not gonna be the usual comedy. Eto medyo talagang paglalaruan namin ang imagination nyo para sumakay kayo.”
Dalawa na lang ang naiwan sa Apo Hiking Society.
“Mas malaki ang talent fee!” pagbibiro ni Boboy.
Sundot ni Jim, “Hindi, seriously. We had to make adjustments sa voicing.”
Dagdag ni Boboy, “Sa ngayon, parang feeling namin, nagsisimula kami ulit. Even according to Rey, parang feeling namin, bata kami ulit.
“Nakakabata kasi pag nagtatrabaho ka ulit… Ang dami pa rin naming dating awitin, pero adjusted na ngayon, pati yung kuwentuhan namin. Kaya nga humihingi kami ng advice sa kanilang mas bata.
“Kasi gusto naming malaman kung ano ang style nilang ginagawa.”
Sana, magsilbi silang magandang halimbawa sa mga taong hindi pa rin nakaka-move on sa politika na naganap halos one year na ang nakakalipas. Hindi tayo magkakalaban. Iisang bansa lang ang meron tayo, tama na ang pagle-label ng mga tao sa kanilang kulay-politika. Sana.
GORGY RULA
Sana, mag-hit itong The Class of OPM dahil sila naman talaga ang kumakanta ng mga classic nating OPM na maganda pa rin at pinapakinggan hanggang ngayon.
Iba na ang mga nasa huling henerasyon ngayon at iba rin ang kanilang OPM, na maganda rin naman. Pero bentang-benta rin sila ngayon kagaya nina KZ Tandingan, Morisette, pati itong mga kinahuhumalingan na ng mga nasa Gen Z na kagaya nina Arthur Nery, Adie, Zack Tabudlo, at marami pa.
Hindi pa kasama riyan ang mga sumisikat ding P-Pop group.
Talagang nagbabawi sila ngayon pagkatapos ding natengga ng halos tatlong taon. Kaya ang tataas ng presyo nila kapag i-book mo sila sa live performances.
Pero huwag nating kalimutan ang mga beterano nating singers na hanggang ngayon ay kinakanta pa rin ang kanilang mga awitin.
