GORGY RULA
Diretso ang sagot ni Matteo Guidicelli sa PEP Troika na hindi kasali ang grupong G-Force sa SG20 anniversary concert ng misis niyang si Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City, ngayong Biyernes ng gabi, Mayo 12, 2023.
Hindi na namin inurirat pa kay Matteo ang isyung tampuhan ni Teacher Georcelle at ng asawa niya dahil launching naman iyon ng aktor bilang bagong Kapuso, na ginanap sa Seda Hotel noong Huwebes, Mayo 11.
Binanggit lang niya na sana manood daw kami sa 20th anniversary concert ni Sarah. Doon na kami humirit na parang may intriga sa concert.
“Anong issue, Sir?” tanong sa amin ni Matteo.
Tinanong namin kung totoong may tampuhan nga ba sina Sarah at Teacher Georcelle Dapat-Sy.
“Si Teacher Georcelle pa rin ba ang choreographer bukas?” tanong ko kay Matteo.
“Manood kayo bukas para malaman niyo,” nakangiting sagot ni Matteo.
Read: Sarah Geronimo at Teacher Georcelle ng G-Force, may tampuhan?
Sinundan namin ng tanong kung sino ang choreographer ng 20th anniversary concert ng asawa niya.
“Manood nga kayo bukas!” safe pa ring sagot ng aktor.
Sinabi naman namin kay Matteo na kahit sino man ang choreographer ay kaya nang dalhin ng asawa niya ang concert at tiyak na bongga pa rin ang dance numbers nito. Umayon naman dito si Matteo.
Sinabi ni Matteo na maraming dance groups ang kasali sa concert ni Sarah kaya tinanong namin kung kasali ba roon ang G-Force.
“Wala. Diniretso kita diyan, no?” nakangiti niya uling sagot sa amin.
Mukhang may isyu talaga kina Sarah at Teacher Georcelle.
Kahit sa Instagram account ni Teacher Georcelle ay may nagtatanong kung kasali ba siya sa concert ni Sarah, pero hindi niya ito sinasagot.
NOEL FERRER
Simula Lunes, Mayo 15, ay kasali na si Matteo sa early morning program ng GMA-7 na Unang Hirit.
In-announce na ring kasama siya ni Ruru Madrid sa gagawing action-drama series ng GMA Public Affairs na Black Rider.
Excited din ang mga taga-GMA Public Affairs sa naka-lineup na documentary specials ni Matteo na tumatalakay sa ating kalikasan.
Si Sarah naman ay nag-focus din sa kanyang 20th anniversary concert, pero nasa plano na raw nila ang magka-baby ngayong taong ito. Handang-handa na raw si Matteo maging daddy.
“Pinaghandaan ko talaga yan dati pa. Handang-handa na. God willing, ‘no?
"After all these activities na Sarah wants to do what’s to accomplish, and of course my commitments with the network, ‘no?
“Hopefully, ‘no? By the end of the year sana. Pag-pray natin lahat para mabuo ba. Sana,” pahayag ni Matteo.
JERRY OLEA
Bago pa man napasama si Matteo sa Tropang LOL ay naulinigan na nating babalik siya sa GMA-7.
OK ang pagho-host ni Matteo sa "Maritest" segment ng Tropang LOL sa TV.
Sa pag-alis ni Love Añover sa Unang Hirit at pag-entra roon ni Matteo, mas bumaba ang average age ng mga host ng programa.
May mga blind item sa socmed kaugnay sa choreography sa concert ni Sarah G tonight.
Totoo bang may demand letter si Teacher Georcelle sa kinauukulan (kung sino man sila)? Totoo bang nagalit nang lubos si Sarah kay Teacher Georcelle?
Nabanggit na rin lang si Ruru Madrid, makabuluhan ang tweet nito ngayong Biyernes ng umaga, “They don't respect you at the bottom. They ignore you in the middle. Then they hate you when you get on top. You'll never have everyone's approval, so it's best to focus on your own.”
Exciting ang tandem nina Ruru at Matteo sa Black Rider. Kaabang-abang!
May movie rin si Ruru with Yassi Pressman, na joint venture ng Viva Films at GMA Pictures.
Read: Yassi Pressman at Ruru Madrid, magtatambal sa pelikula
