GORGY RULA
Sa January 28, 2024 na raw ang kasal nina Benjamin Alves at Chelsea Robato.
Hindi pa detalyado ang lahat, sabi ni Benjamin nang nakatsikahan siya ng PEP Troika sa nakaraang mediacon Magandang Dilag, ang kanyang bagong drama series na magsisimula na sa Lunes, June 26, 2023.
Mabuti at magaling daw ang wedding planner nila, kaya ito na ang nag-aasikaso ng paghahanda sa kasal dahil pareho silang busy.
Nagpapasalamat si Benjamin sa GMA-7 dahil binigyan pa siya ng trabaho bago ang kasal.
Sabi pa ni Benjamin, sa January pa naman ang wedding, kaya hindi pa muna nila maa-announce ang buong detalye.
Hindi pa raw niya masabi kung sinu-sino ang mga ninong at ninang at iba pang kasama sa entourage, kasi kakausapin pa raw muna nila.
“Gusto ko sana intimate siya, pero yung guest list is, more or less, ang agreement naman namin ni Chelsea is that, kung sino ang i-invite namin, pareho naming kilala at magiging parte ng buhay namin moving forward,” pakli ni Benjamin.
Kasali kaya sa entourage ang tiyuhin niyang si Piolo Pascual? Isa kaya siya sa magni-ninong?
“Parang ang hirap maging ninong si Kuya PJ. Parang mas malapit lang yung edad namin,” nakangiting sagot sa amin ng Kapuso actor.
“Baka ang mommy niya. But then again, mamaya na kasi I just wanna, kasi formally kami pupunta in person, especially even the ones we invite from GMA. So pag ma-materialize.
"Ilang buwan lang naman din. Ilang buwan na lang, Five months na lang yata, six months,” dagdag niyang pahayag.
Sabi pa ni Benjamin, bago matapos ang buwang ito ay makikita na raw nila ang wedding gown ni Chelsea at ang isusuot niyang suit.
Sa Santuario de San Antonio Parish in Forbes Park, Makati City, gaganapin ang church wedding, at sa Grand Hyatt Manila ang reception.
Lahat daw ng pamilya at ilang malalapit na kamag-anak ni Benjamin sa Guam ay dadalo sa kasal.
JERRY OLEA
Halatang hindi kumportable si Benjamin na pag-usapan pa ang mga nakaraang relasyon.
Tinanong kasi siya kung iimbitahin ba niya ang dating girlfriend na si Julie Anne San Jose.
Wala naman daw siyang alam na iniimbita ang ex-girlfriend sa wedding.
“Parang… may mga exes ba na pumunta? I think it’s Chelsea’s day,” pakli ni Benjamin.
Civil lang daw sila ni Julie Anne, at okay naman daw nung nagkita sila sa Gala Night ng GMA-7 last year.
READ Couples spotted at GMA Thanksgiving Gala Night 2022
Masaya naman daw siya sa kasalukuyang love life ni Julie Anne, na maligaya sa relasyon nito with Rayver Cruz.
“I saw them at the Gala… that's as much interaction that we’ve had. Kasi this is the first time I’ve been in GMA since parang Family Feud. And then more or less AOS [All-Out Sundays], hindi naman ako nakakapunta. So that’s the only interaction that we’ve had.
“I’m happy for them and I’ll leave it at that,” pahayag ni Benjamin.
Nakapag-move on na raw ang lahat, kaya hindi na kailangang balikan pa ang tungkol sa kanilang breakup, na kinumpirma ni Julie Anne noong January 2019.
“Whatever happened then, nandito na tayo, 2023 na. Sabi mo nga kanina sa question kanina on moving on.
“Moved on… parang pareho naman lahat. All parties involved. So, yeah, yun lang yung interaction namin.”
NOEL FERRER
Sayang, hindi ko natanong si Piolo Pascual dito sa Ormoc kung a-attend siya sa wedding ng kanyang pamangkin na si Benjamin Alves.
Ang saya lang at lumalagay sa tahimik ang mga ka-batch niya. Sana, sa tahimik talaga para maging maganda at masaya ang mga magiging bagong pamilya.
Mauungkat pa kaya ang past nina Benjamin at Julie Anne sa promo ng pelikulang The Cheating Game na nakatakdang ipalabas sa July 26?
Sina Rayver at Julie Anne ang mga bida sa nasabing movie, kung saan tampok din sina Martin del Rosario, Yayo Aguila, Candy Pangilinan, Winwyn Marquez, Thea Tolentino, at Phi Palmos.
May special participation dito si Paolo Contis.
