GORGY RULA
Ang sayang magpalipat-lipat ng istasyon ngayong Hulyo 1, 2023, Sabado ng tanghali, para tutukan ang tatlong noontime shows.
Sa closing ng noontime show ng TVJ, sinabi na nina Tito, Vic and Joey na ang title ng kanilang noontime show ay E.A.T. na ang daming puwedeng gamiting kahulugan.
Sabi nga nila, puwedeng Everyday Ang Tawanan, Eto Ang Tunay, Eto Ang True, Eto Ang Tadhana, Eto Ang Title, Eto Ang Tagay, o Everyday Always Together.
Read: TVJ's new show on TV5 is called "EAT..."; TVJ yet to reclaim Eat Bulaga! name
Pero ginagamit nila ang Dabarkads o Legit Dabarkads.
Kapansin-pansin ding hindi na ito ginagamit ng mga hosts ng revamped na Eat Bulaga!.
Kinumpirma sa amin iyan ni Paolo Contis nang nakatsikahan namin sa mediacon ng Bubble Gang na 6:00 ng gabi na mapapanood simula July 9, Sunday.
“I’m not sure if I can actually say it,” pakli ni Paolo.
“Kung napapansin niyo, ginagamit namin ngayon yung Kapuso.
“Feeling naman talaga namin, it’s proper because we are... na show sa GMA network mismo.
“So, I think tama rin na Kapuso ang tawag namin sa mga manonood namin,” sabi pa ni Paolo.
Masaya sina Paolo kanina pagkatapos ng show.
Nakakapagod daw pero ang saya lang dahil ang dami raw nilang nabigyan ng tulong.
Talagang bumaha ang kadatungan na ang pinakamalaki nilang papremyo sa bago nilang game na QR code ay umabot ng 100 thousand pesos.
Pero sa Lunes, July 3, pa raw nila tatawagin ang winner.
Naka-text ng PEP Troika si Paolo at ang saya raw nilang lahat sa studio.
“Ang saya dito now! Kainan lang dito lahat. Super happy ang mga Jalosjos,” text ni Paolo sa amin.
NOEL FERRER
Nakakaiyak at talagang iba ang may history, tulad ng ipinakita ng mga icons na Tito, Vic and Joey na hindi lang ang mga Legit Dabarkads ang kasama kundi pati na ang mga kaanak at kapamilya.
Nandoon ang asawa ni Joey de Leon na si Eileen, at dalawa sa mga anak nila na sina Jaco at Jocas. Nandoon din sina Danica, Oyo at Kristine, pati si Mayor Vico.
Full support din sina Tita Helen, Apples, ang may birthday na si Ciara at si Gian.
Read Pauleen Luna cries, Vico Sotto makes rare appearance at TVJ show pilot telecast
Nandoon din si Pauleen Luna na nahuli ng microphone na sinabihan ni Joey na buntis, pero tinawanan lang ni Poleng.
Pamilya ring maituturing ang Megastar Sharon Cuneta—na bukod sa pagkanta ng "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko" with TVJ at ng "Bituing Walang Ningning" na impromptu song request—ay nagsabing the TVJ deserved better treatment.
At masaya siya dahil may bago nang tahanan ang mga Dabarkads araw-araw at wala nang mabubulaga!
Ramdam mo ang pagka-solid ng grupo na talaga namang sinubaybayan ng mga tao.
JERRY OLEA
Hulyo 2, Linggo ang ika-183 araw ng 2023, ang araw ng kalahatian ng taon.
Ngayong Hulyo 1, Sabado na bahagi ng first half of the year, nagkabugan at nagpasiklaban ang tatlong noontime shows.
Ang E.A.T. ng TVJ at Legit Dabarkads ay nasa “maliit” na studio ng TV5 Media Center sa Mandaluyong City.
Ang revamped Eat Bulaga! ay nasa APT Studios sa Cainta, Rizal.
Ang It’s Showtime… totoo, tunay, trulili ang sabi ni Vice Ganda na makaikot-puwet ang kanilang pasavogue sa GTV.
May pa-helicopter (taped noong Biyernes) sa helipad ng GMA Network Center. May pahiwatig ang paglipad.
Todo hataw, kaldag at indayog si Vice Ganda sa may Castrillo o Estatwa sa harapan ng GMA-7 HQ!
Tweet ng It’s Showtime nitong Sabado ng 2:54 pm, “Maraming salamat Madlang People at Madlang Kapuso! 18,000 viewers on TikTok, 119,000 viewers on Kapamilya Online Live, 100,000 viewers on Showtime Online Universe YouTube and 44,000 viewers on Showtime Facebook account!”
Kaabang-abang ang mga susunod na paggi-guest ng iba pang mga Kapuso stars sa It’s Showtime. What’s up, madlang Kapuso!
Saludo ako sa energy ni Vice Ganda, na nagdaos ng free concert sa Ormoc City noong Hunyo 29, Huwebes ng gabi.
Kaugnay ang unkabogable concert na iyon sa Piña Festival ng Ormoc. Sa tantiya ni Police Col. Nelvon Ricohermoso, more or less ay 150,000 ang nanood—kinabog ang record last year ng libreng concert ng OgRe (Ogie Alcasid at Regine Velasquez).
Sa tingin ninyo, ano ang TV ratings ng itinala today ng E.A.T., It’s Showtime at revamped Eat Bulaga!?
Sa mga susunod na araw… kaninong rating ang ispageting pataas o ispageting pababa?
Sa pagpapasikat ng mga noontime show na ito, may puwang pa ba para sa pantanghaliang variety show sakaling mag-full blast na ang ALLTV?
For sure, hindi tatapatan ng NET25 ang noontime show nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
If ever maggi-guest si Willie Revillame, saan kaya?
