NOEL FERRER:
Dahil sa Facebook shout out ni Neil Daza na leader ng grupo ng mga cinematographer/DOP ay nabuhay na naman ang usapin ukol sa working hours.
Post ni Neil ngayong Agosto 2, Miyerkules, “5am on the set, 12mn estimated pack up with 2 more scenes. That’s 20 hours of shoot and you guys are setting a bad example.”
Read: DOLE at FDCP, may joint memo para sa TV and movie workers; P100K multa sa violators
Kaya naman, heto ang panawagan natin sa guilds at industry leaders: we hope they can address this growing concern now that some tapings/shoots are going beyond the agreed humane 12-14-16 working hours.
Na agad namang sinang-ayunan ni Anthony Pangilinan, dad at co-manager ni Donny Pangilinan.
Aniya, “Guard up (so that we practice what we preach), speak up (so those who can’t or are threatened can be heard), and roll up our sleeves to keep changing the system so that the industry levels up as well).”
JERRY OLEA:
Sa Hollywood, nag-strike ang writers, at sumunod ang mga artista — upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Sa local industry ng pelikula at telebisyon, mangyayari kaya iyon?
Hinaing ng iba, kapag nagreklamo ka ay blacklisted ka na.
Maaaksyunan kaya ang usaping ito ng mga actor-politician, partikular iyong mga senador?
May isang premyadong aktres, nag-o-overtime sa taping ng isang drama series.
Ang madalas niya kasing eksena ay beteranong aktor na nahihirapang magmemorya ng mga linya.
Nagtitiis na lang ang premyadong aktres bilang pakikisama sa produksiyon, at habag sa kapwa artista.
GORGY RULA:
Dapat talagang masigasig tayo sa pagpapatupad sa ganitong sistema.
Sinimulan natin ito nung pandemya na alam ko isa ito sa nakasaad sa ipinanukalang Eddie Garcia Law.
Ano na ang nangyari doon? Naisabatas na ba ito ng ating Pangulo? Di ba, sinimulan na ito ng FDCP nung panahon ni dating Undersecretary Liza Diño?
Isa rin ito sa ipinaglaban ng samahang AKTOR.
Read: Eddie Garcia Law, isusulong ni Cong. Michael Romero sa Kongreso
Kaya mabuti na rin ang ilang artista dahil ito talaga ang isa sa kondisyon nila bago tanggapin ang isang project.
Halos lahat ng senior stars ay ipinaglalaban ang 12 to 14 working hours, at sa pagkakaalam ko, sinusunod iyon ng production.
Minsan ay pinapakiusapang mag-extend kung may hinahabol na airing. Pero hindi dapat napapadalas.
Kaya ang ibang senior stars, 30 minutes bago ang cut off, nagliligpit na, at talagang idinedeklarang finished or not finished, babu na siya sa set! Kailangan nilang sundin iyon lalo na sa veteran stars natin.
Ang ilang artista naman, kagaya ng 83-anyos na si Perla Bautista, hindi na lang tinatanggap ang project dahil alam niyang hindi maiiwasang makaranas siya ng pagpupuyat. Iniiwasan na lang niya ito, alang-alang sa kanyang kalusugan.
Pero meron ding sikat na artista — hindi naman senior, basta sikat lang siya, bida sa teleseryeng ginagawa — hindi makahirit ang production kapag gusto na niyang ma-pack up.
Lalo na ngayong tuluy-tuloy ang pag-uulan, maliwanag pa lang, hindi pa lumulubog ang araw, nagliligpit na siya.
"Uwi na ako!" sabi niya, kahit ang dami pang natitirang eksena.
Natatakot ang artistang ito na abutin ng matinding traffic sa daan at baka hindi niya maabutang gising pa ang mga anak na naghihintay sa kanya sa bahay.
Hindi mo rin sila masisisi, dahil isa sa natutunan natin sa naranasang pandemya, pinakamahalaga pa rin ang pamilya kesa sa pera!
