JERRY OLEA
Mahigit PHP60 million na ang gross sales ng pelikulang Five Breakups And A Romance (5BAAR) nina Alden Richards at Julia Montes.
Ibinalita iyan ng Asia’s Multimedia Star sa X, Facebook, at Instagram nitong Nobyembre 4, 2023, Sabado ng hapon.
Lubos ang pasasalamat ni Alden sa lahat ng sumusuporta sa 5BAAR, lalo na sa mga nagpapa-block screening.
Pangako ni Alden, pupuntahan niya lahat ng mga magpapa-block screening ng 5BAAR.
May mga fans din na natuwa at nasurpresa nang makita minsan na si Alden mismo ang takilyero!
Oktubre 18 nag-showing sa local cinemas ang 5BAAR, kung saan co-producer si Alden.
Ang kasunod na Pinoy movie na ipapalabas sa mga sinehan ay ang horror na Marita, na bida sina Louise de los Reyes at Rhen Escaño.
Read: Louise delos Reyes recalls away-bati relationship with Alden Richards during One True Love
Sa Nobyembre 22 ang showing ng Marita. Nasa cast din nito sina Ashtine Olviga, Andrea Babierra, Yumi Garcia, Ethan David, Taneo Sebastian, Tess Dumpit-Michelena, Sara Joe, JD Axie, at Neil Tolentino.
Sa Nobyembre 29 naman ang showing ng smorgasbord horror trilogy na Shake, Rattle & Roll Extreme, ang In His Mother’s Eyes nina Maricel Soriano at L.A., at Asian Persuasion nina Dante Basco at KC Concepcion.
Nasa November 29 rin ang obra ni Hayao Miyazaki na The Boy and the Heron. Critically acclaimed ang animated fantasy film na ito, na hindi pa ipinapalabas sa North America. Noong Hulyo ito ipinalabas sa Japan.
Ayon sa Box Office Mojo, mahigit $63M na ang worldwide gross nito. Kabilang sa mga pelikula ni Hayao Miyazaki ang The Castle of Cagliostro (1979), Nausicaä of the Valley of the Wind (1984), Castle in the Sky (1986), My Neighbor Totoro (1988), Kiki's Delivery Service (1989), Porco Rosso (1992), Princess Mononoke (1997), Spirited Away (2001), Howl's Moving Castle (2004), Ponyo (2008), at The Wind Rises (2013).
GORGY RULA
Sabi ng ilang reliable source namin, malabong maabot ng Five Breakups And A Romance ang PHO100 million na gross. Pero maganda na rin itong kinita nila dahil mahirap talagang magpa-hit ngayon ng pelikula.
Sana, patuloy pa rin sa pag-produce ang Cornerstone at ang Myriad Films ni Alden.
Hindi ka na nga lang aasa ngayon sa kikitain sa mga sinehan kundi dapat ay maganda ang pakikipag-usap sa streaming service na bibili nito para mabawi ang puhunan.
Ang iba ay mas pinili na nila ang streaming service, dahil mas mahal ang bayaran kapag walang theatrical release.
Gawing original movie ito sa Netflix, Prime Video, HBO, at iba pang streaming service, bawi na ang puhunan nila.
Ibenta pa ang TV rights, at i-release sa international market, kita na sila.
NOEL FERRER
Sana, mahawa pa natin ang iba nating kababayan na ma-excite pa rin tayo sa panonood ng sine sa mga sinehan. Iba pa rin talaga.
At sana, mapakinggan tayo ng mga kinauukulan para maipababa pa ang admission prices sa sinehan (kung maaari, tulad ng ginawa ng SM).
Basta, aabangan natin ang susunod na maghi-hit na pelikulang Pinoy sa takilya. Sama-sama nating pagtrabahuhan at pagtulungang mangyari ito.
