GORGY RULA
Binigyan ng asalto si Heart Evangelista na nagdiriiwang ng kanyang 39th birthday ngayong Valentine's Day, February 14, 2024.
Nasa Balesin island silang lahat, dahil magkakaroon sila ng renewal of vows ng mister niya si Senator Chiz Escudero.
Sa Balesin sila ikinasal noong February 15, 2015, pero mas iba raw itong renewal of vows nila bukas dahil halos kumpleto na ang buong pamilya.
Nandoon din ang kambal na anak ni Senator Chiz.
Ang daddy lang ni Heart ang hindi makakadalo dahil nasa Amerika ito.
Read: Chiz Escudero and Heart Evangelista get married in Balesin
Pero ang saya raw ni Heart kagabi dahil sinasabi naman niya sa mga nakaraang interviews na mas ramdam niya ngayon ang pagpapakasal nila uli dahil nandiyan na ang presensya ng pamilya.
“This time around, my heart is definitely complete,” sambit ni Heart sa nakaraang interview sa kanya ng GMA-7.
Sabi ng isang nakausap namin na nandun na sa Balesin, mas intimate itong pagdiriwang nila, kung saan ang pamilya at iilang close friends lang ang makakasaksi sa renewal of vows nina Heart at Chiz.
JERRY OLEA
Ngayong araw ay ipinagdiriwang din ng mag-asawang Rambo Nuñez at Maja Salvador ang kanilang first wedding anniversary.
Noong July sila ikinasal sa Bali, Indonesia, pero bago iyan ay nagkaroon muna sila ng civil wedding sa Kamaynilaan na itinago nila sa publiko.
Mahigpit ang bilin sa mga panauhing huwag iyong i-disclose.
Read: Maja Salvador reveals civil wedding with Rambo Nuñez in February before Bali wedding
Kasabay ng 4th anniversary ng kanilang relasyon ay nagpakasal silang muli noong February 14, 2023.
Kaya ang post ni Maja sa kanyang Instagram account ngayong araw, “5 years together. 1st year as Mr. and Mrs. Nunez. I love you Dada @rambonunez Happy anniversary to Us! (heart emoji).”
View this post on Instagram
NOEL FERRER
Ngayong araw rin ang kaarawan nina Kris Aquino, John Prats, Marc Nelson, Donna Cruz, Roxanne Guinoo, Direk Dominic Zapata, na iba’t iba ang estado ng kanilang buhay pag-ibig.
Interesting, di ba?
Read: February 14: Araw ng kapanganakan at kamatayan ng ilang showbiz personalities
Ngayon din ang 100th birthday ni Juan Ponce Enrile. May panayam sa kanya si Korina Sanchez at nabanggit niya ritong hindi niya alam kung paano niya naabot ang edad na 100.
Pero ang alam niya ay parehong nakahubad sina Adan at Eva nang magtagpo sila. Sabay tawa.
Nang tanungin kung ano ang true love, ang sabi lang ni JPE ay “True love is knowing that she will be your wife, and being married to the same woman for 68 years.”
Kaya niyo yun? Happy VDay to all!
