GORGY RULA
Ngayong Abril 12, 2024, Biyernes, magsisimulang mag-streaming ang A Journey sa Netflix.
Worldwide ito, kaya 4:00 p.m. magsisimula sa Pilipinas, dahil sinunod nito ang oras sa Los Angeles, California, 12:00 midnight pa lamang doon.
Iilan lang ang media na naimbitahan ng Netflix sa kanilang press junket nung Huwebes, Abril 11 ng tanghali.
Dahil dito, nagpaalam ang producer na Mavx Productions sa Netflix kung puwede silang magpa-special screening kinagabihan para sa close friends at ibang taong involved sa naturang pelikula. Ginanap ito sa Cinema 3 ng Vertis North.
Dinaluhan ito ng tatlong bida ng A Journey na sina Paolo Contis, Kaye Abad, at Patrick Garcia.
Kasama ni Patrick na dumating ang kanyang mommy.
Si Paolo naman ay sinuportahan ng mga dati niyang kasamahan sa Tahanang Pinakamasaya na sina Betong Sumaya, Kokoy de Santos, Buboy Villar, Mavy at Cassy Legaspi, Dasuri Choi, at Michael Sager.
Read: Kokoy de Santos, naglabas ng saloobin sa pagkakasibak ng Tahanang Pinakamasaya
“Siyempre, full support. Kailangan…. nabuo na kasi yung pamilya outside of work. Kaya kahit anong trabaho, kahit anong event support kami palagi,” bulalas ni Mavy nang nakatsikahan namin sandali bago nagsimula ang screening.
“We’re always there for each other, proven yan,” sabi ni Paolo.
Humirit na rin kami ng tanong kung totoo bang may nakikipag-usap sa kanilang mag-show na magkakasama-sama sila ulit.
“The communication is always there, kasi lagi kaming magkasama, e. Pero wala kaming pinag-uusapan na work sa ngayon.
“It’s management’s decision pagdating sa ganyan. So, kung anong meron, we will go for it,” matipid na sagot ni Paolo.
Sinundan ulit namin ng tanong kung meron bang tahanang magbubukas para sa kanila?
“Titingnan natin! Kapag may tahanang magsasara, may bintanang magbubukas. Pangarap natin yan,” pakli ni Paolo.
Happy si Paolo dito sa A Journey dahil nakakasama niya ang mga dati pang kaibigang nabuo sa Tabing-Ilog, ang defucnt youth-oriented show ng ABS-CBN.
Nakikita sa pelikula ang ganda ng rapport nilang tatlo, at may special participation pa dito si Ogie Diaz na bahagi rin sa Tabing-Ilog noon.
Bukod kay Ogie, may surprise guest din sa pelikula na dati rin nilang kasama sa teleserye.
Sa totoo lang, kahit naiiyak ka sa dramatic scenes nila, matatawa ka sa pagpasok ng isa pa nilang special guest na humataw ng kantang "Dito Sa Puso Ko."
May magandang eksena ring kinunan sa isang ilog. Mala-Tabing-ilog ang dating, na napaka-nostalgic kina Paolo, Kaye, at Patrick.
Pahayag ni Paolo, “Sobrang nostalgic! Napalabas nga kami, hindi nga kami nagpipiktyuran palagi, pero pumunta kami dun, nag-picture taking kami.
“Kasi madaming bumalik na memories. Kahit sabihin hindi sa mismong lugar, anything na ilog… na may reference sa ilog, nakakaano talaga.”
Kaya marami ang umaasang matuloy na ang reunion project ng buong cast ng Tabing-Ilog.
“Sana mangyari. Ito kumbaga, ma-inspire yung iba na makagawa kami ng isang magandang proyekto na magkakasama kami,” sabi pa ni Paolo.
JERRY OLEA
Pati si Ogie Diaz ay naaalala rin ang mga araw nung kasali siya sa Tabing-ilog na nakikisakay lang siya noon kay Paolo Contis papunta sa set.
Kuwento ni Ogie, “Nagre-reminisce kami. Kasi dumalaw ako sa set, e. Ako si Ige [sa Tabing-Ilog] na ang tunay na pangalan ay Iget. Modista ng bayan.
“Naalala ko pa, nakikisakay ako kay Paolo. Pupunta ako sa bahay nila, kasi ang layo layo. Seven thousand lang ang talent fee ko, tapos malulugi pa ako. So, sa kanya ako sumasakay.
“Si Patrick naalala ko, kailangan dalawa yung tray niya ng pagkain. Malakas kumain si Patrick. Grabe!” natatawang sabi ni Ogie.
Pagkatapos ng A Journey, tuluy-tuloy na kaya ang pagbabalik-acting nina Kaye at Patrick?
“Yes! Wala naman akong ano…” pakli ni Kaye.
“Depende sa proyekto of course. Bilang may mga anak… meron akong maiiwan na… so, depende sa proyekto, sa istorya, sa lahat.
“I’m not stopping acting. So, tuloy pa rin.”
Ganundin daw si Patrick na nililigawan na nga ng ilang executive producers ng GMA-7 nang mag-guest sila noon ni Paolo sa Fast Talk With Boy Abunda.
“Depende sa proyekto,” say ni Patrick.
“Siguro kung maganda yung proyekto, maganda yung offer, and… tuloy pa rin ang trabaho.
“Tingnan natin. I’m open naman.”
Read: Patrick Garcia, nakumbinsing magbalik sa pag-arte dahil kina Kaye Abad at Paolo Contis
Doon sa special preview ay in-announce ni Erwin Blanco ng Mavx na meron na silang binubuong isa pang movie project na pagsasamahan uli nina Paolo, Patrick, at Kaye.
Siyangapala, wagi pa rin ang GomBadette sa Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.
Ang top 10 — GomBurZa, Becky & Badette, Sisu, The Bad Guys, The Tearsmith, Knights of the Zodiac, Man in Love, Rewind, Sniper GRIT, at Death Whisperer.
Read: MMFF 2023 movies GomBurza at Becky & Badette, namamayagpag sa Netflix
Abril 18 ang streaming ng MMFF 2023 entry nina Derek Ramsay at Beauty Gonzalez na Kampon, at Abril 24 ang streaming ng horror comedy nina Empoy Marquez at Kim Molina na My Zombabe.
NOEL FERRER
Ang daming aha moments at talagang relate tayo sa A Journey, di ba, Tito Gorgy?
Iba ang lalim na pinanggagalingan ng pagkakaibigan nina Patrick, Kaye, at Paolo, at kitang-kita ang pagkakomportable nila sa isa’t isa at kayhuhusay naman nila talaga!!! On point ang mga emosyon!
Matutuwa ka — hindi ka mamamalisyahan at walang double meaning or doubting moments na puwede nating i-punchline kapag nagkikita tayo, kasi saktong ang galing lang nila.
Yung iyak may cancer. Yung iyak lalaki.
Yung pagkakaibigang hindi mo pagdududahan… hayyyy sana mapanood nilang lahat, starting 4:00 p.m. today!!! Sulit na sulit!!
I won’t be surprised na mag-No. 1 ito agad, and for a long time!!!
