GORGY RULA
Happy problem ang hinaharap nina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana sa EnlighTEN: The IdeaFirst Film Festival na magsisimula sa Abril 12, 2024 sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.
Ang nakayayanig na pelikulang Your Mother’s Son ni Direk Jun Lana ang opening film.
Bida rito si Kokoy de Santos kasama sina Sue Prado, Elora Espano, at Miggy Jimenez.
Read: Jun Lana on MTRCB rating for Your Mother's Son: "When it comes to sex...ano ba yung big deal dun?"
Bago ang Semana Santa ay nasilip na namin ang tickets na halos paubos na. Ayun! Sold out na nga, kaya namomroblema na sina Direk Perci kung paano pa nila mapapabigyan ang ilang gustong manood.
“Medyo pinoproblema namin ang mga guests namin! Happy problem hehehe. Inaayos ko, baka may limited run sa Gateway. Hoping matuloy,” text sa akin ni Direk Perci.
Balak pa sanang imbitahin ni Kokoy ang mga dati niyang co-hosts sa defunct noontime show nilang Tahanang Pinakamasaya. May mga ilang nasabihan na siya. Sana nga, meron pang tickets.
Sabi ni Kokoy, tuluy-tuloy pa rin daw ang komunikasyon nila, lalo na sa mga naka-close niya sa naturang programa.
Read: Tahanang Pinakamasaya officially goes off the air
“Sa lahat na mga nangyari, sobrang thankful naman ako na yung pamilyang nabuo.
“Kasi sa pag-alala ko, halos lahat naman dun, nakatrabaho ko siyempre sa Bubble Gang. Yung kambal [Mavy and Cassy Legaspi], nakakasama ko rin sa Siete.
“Pero nung nangyari kasi yung ganung klaseng bond, naging isang pamilya na parang alam mo yun. Hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin.
“Actually, nag-birthday si Kuya Pao [Contis] nung nakaraan, nagkita-kita kami,” pakli ni Kokoy.
JERRY OLEA
Nasa GMA Sparkle na si Kokoy de Santos nang isyuting niya noong 2021 ang mapangahas na pelikulang Your Mother’s Son.
Read: Kokoy de Santos, "minamani" na lang ang intimate scenes sa pelikula
“Yun ang nagustuhan ko sa trabaho ko, sa ginagawa ko,” sambit ni Kokoy matapos ang press preview ng Your Mother’s Son noong Marso 21 sa Cinema 17 ng Gateway mall.
“Nagagawa ko yung lahat ng bagay na gusto ko. Nagagawa kong mag-comedy, nagagawa kong gumawa ng ganitong klaseng pelikula.
“At kung ano man yung next sa akin para sa GMA, sa ngayon, Running Man Philippines Season 2. Ayun, kababalik lang namin galing Korea.
“Pero sa ngayon, wala pa akong ginagawa. So, sana makagawa uli ako.”
Sana, magtuluy-tuloy iyong tandem nila ni Angel Guardian.
Read: Angel Guardian, Ashley Ortega, Elle Villanueva amongst Sparkle 10
Napabungisngis si Kokoy, “Kung ako lang ang masusunod, kami na lang ni Angel, gagawa kami, ako na ang magpo-produce, e. Ha! Ha! Ha!
“Si Angel kasi, busy rin siya sa Sang’gre, e. Pagkakaalam ko, yun ang ginagawa ngayon ni Angel. Ako naman, Bubble Gang. Puro Bubble Gang.
“May nababanggit yung handler ko, ayaw lang niya sigurong unahan yung manager ko kung ano yun.
“Pero sana, hopefully magkaroon ng drama or kung ano mang klaseng project.”
Sa Abril 6, Sabado, ay mapapanood na sa GMA-7 ang It’s Showtime sa timeslot ng Tahanang Pinakamasaya. Willing ba siyang mag-guest sa It’s Showtime?
“Kung magpo-promote siguro, bakit hindi? Oo,” malumanay na tugon ni Kokoy.
Ano ang naramdaman niya nang masibak ang Tahanang Pinakamasaya?
Pag-amin ni Kokoy, “Mahirap. Actually masakit. Kasi ano yun, kumbaga naging routine na yun, e, nakasanayan na.
“Pero sa ngayon, ang masasabi ko lang — life goes on. Ganun lang talaga. May mga bagay na nag-e-end, pero may pintong magbubukas uli, for sure.”
Anong dating sa kanya na ang kapalit ng Tahanang Pinakamasaya ay ang It’s Showtime?
Read: It's Showtime, kumpirmadong papalit sa timeslot ng Tahanang Pinakamasaya sa GMA-7
“Sa akin, ang nasa isip ko, history siya, yun. Na parang never na may makaisip na ang Showtime ay papalit sa GMA,” saad ni Kokoy.
“Pero siyempre, happy ako para sa mga ano rin, na mas maraming makakapanood ng Showtime ngayon. Kasi sa GMA na siya ngayon.”
Happy pa siya? E, nawalan siya ng noontime show.
Paglilinaw ni Kokoy, “Hindi. I mean, para sa Showtime. Para sa Showtime na mas marami yung makakapanood sa kanila.
“Pero yung sa amin, siyempre masakit. Malungkot siyempre. Pero ganun talaga ang buhay.”
NOEL FERRER
Excited tayo sa EnlighTEN filmfest sa Abril 12-14 sa Gateway mall.
Maliban sa opening film na Your Mother’s Son, tampok din dito ang mga pelikulang Anino sa Likod ng Buwan, Untrue, Dementia, Ang Manananggal sa Unit 23B, Mahal Kita Beksman, Big Night, Sleepless, Distance, I America, Gameboys The Movie, Mr. and Mrs. Cruz, About Us But Not About Us, at Die Beautiful.
Kabahagi sa Writers’ Roundtable sina Ricky Lee, Rody Vera, Jerry Gracio, Moira Lang, Jose Javier Reyes, Jun Robles Lana, Mel Mendoza-del Rosario, at Jen Chuaunsu.
Kalahok naman sa Directors’ Roundtable sina Erik Matti, Mae Cruz-Alviar, Pepe Diokno, Sigrid Andrea Bernardo, Joel Lamangan, Jun Robles Lana, Zig Dulay, at Perci Intalan.

Ang galing ng The IdeaFirst Company at may ganitong programa at pa-event para hikayatin ang mga taong pumunta sa sinehan at sumama sa mga activities.
Ganitong mga effort talaga ang kailangan para mabuhay ang industriya. Matrabaho pero kailangan ng ganitong pagkamalikhain at tiyaga para mahikayat ang mga taong maging active ulit at buhayin ang industriya ng pelikulang Filipino.
Grabe, sampung taon ang kanilang nasimulan.
Sana, maipagpatuloy pa nila ito sa susunod pang maraming sampung taon!!!
