JERRY OLEA
Pinaghahandaan na ng Lungsod ng Maynila ang pagho-host sa 50th Metro Manila Film Festival sa Disyembre 2024.
“Talagang masayang-masaya si Mayor Honey Lacuna na yung lungsod namin ang napili para dito ganapin yung 50th anniversary ng Metro Manila Film Festival,” sambit ni Manila Vice Mayor John Marvin C. “Yul Servo” Nieto.
Read: Yul Servo says his "yes" vote junking ABS-CBN franchise renewal not personal
Eksklusibong nakausap ng PEP Troika si Vice Mayor Yul nitong Abril 30, 2024, Martes ng hapon, sa Manila City Hall.
Pagpapatuloy ni Vice Mayor Yul, “Kung saan dito nga nagsimula, di ba? Siyempre naghahanda ang bawat departamento na tutugon sa pagse-celebrate ng Metro Manila Film Festival natin.
“Nandiyan ang MTPB [Manila Traffic and Parking Bureau] natin, Engineering, at iba pang departamento na magkakasundu-sundo para maging mas maayos ang Parade of Stars.”
Tuloy pa rin ba iyong filmfest nila sa Hunyo kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila?
“Oo, tuloy pa rin. Dito nga nanggaling yung Metro Manila Film Festival,” tugon ni Vice Mayor Yul.
“Ngayon naman, yung The Manila Film Festival [TMFF] na noong nakaraang taon, ibinalik. Tapos ngayon, gagawin uli.
"Last year ay full-length ang entries ng The Manila Film Festival, na gawa ng mga estudyante. This time, short films naman.
“Eight schools pa rin ang gagawa ng 20 minutes na entries. Tapos meron tayong apat na mga professional na director na gagawa rin ng 20 minutes na films,” dagdag ni Vice Mayor Yul.
Ang apat na professional directors ay sina Pepe Diokno, Sigrid Bernardo, Dwein Baltazar, at JP Habac.

Ang walong finalists ng TMFF 2024:
threefor100: o ang tamang porma ng pag-uukay at iba pang bagay-bagay ni Direk Cedrick Labadia ng iACADEMY
Una’t Huling Sakay ni Direk Marco Molacruz ng Colegio de San Juan de Letran-Manila
“Happy (M)others Day!” ni Direk Ronnie Ramos ng University of the Philippines Film Institute
Bahay, Baboy, Bagyo (When the Pigs Storm Our Houses) ni Direk Miko Biong ng University of the Philippines Film Institute
Ditas Pinamalas ni Direk Adrian Renz Espino ng Adamson University
An Kuan ni Direk Joyce Ramos ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
Pinilakang Tabing ni Direk John Pistol Carmen ng Bicol University
Ballad of a Blind Man ni Direk Charlie Vitug ng De La Salle - College of St. Benilde

Nitong Tuesday afternoon sa session ay pinag-usapan ng mga konsehal ang tax exemptions at mga permit para sa mga kalahok sa nasabing filmfest.
“Ang alam ko, may paunang bigay nang P50,000 sa bawat entry. Bale makakakuha ang bawa’t production ng P150,000 na subsidy,” sabi pa ni Vice Mayor Yul.
Ang organizing executives ng TMFF 2024 ay sina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor “Yul Servo” Nieto, Charlie Dungo, Kate Valenzuela, Ethel Manaloto-Espiritu, at Ed Cabagnot.
Nakatakda sa Mayo 15 ang grand presscon ng The Manila Film Festival 2024.

NOEL FERRER
Nakapag-guest si Vice Mayor Yul recently sa Kapuso primetime series ni Ruru Madrid na Black Rider.
Read: Ruru Madrid "starstruck" working with top action stars for Black Rider
Kaya ba ng hectic schedule niya na maisingit ang pag-akting sa pelikula?
Napabuntong-hininga si Vice Mayor Yul, “Siguro kung hawak ko yung schedule, maisisingit ko. Pero kung ang schedule talaga ay marami kang kasama na maaapektuhan, baka hindi ko kayang ibigay ang oras ko.
“Kasi, mas focus ako ngayon sa mga responsibilidad ko bilang vice mayor. Pinagdaanan ko ang pagiging konsehal, congressman, ngayon naman ay vice mayor, at first term ko ito.
“Gusto kong gamayin muna kung ano yung trabaho ko bilang presiding officer at vice mayor.”
GORGY RULA
Kumusta ang working relationship nila ni Manila Mayor Honey Lacuna? Maayos ba ang tandem nila?
Naningkit ang mga mata ni Vice Mayor Yul sa pagngiti, “Good! Napakaganda! Napakaganda kasi mahirap pag hindi ka suportado ng mayor mo.
“Ang kagandahan ngayon, suportado ako sa lahat ng ginagawa ko. Siyempre, pagka meron akong mali, hindi maganda, sinasabihan niya ako.
“Saka ang kagandahan, napaka-generous ng leader ko ngayon. Kasi sa experience ko, maganda yung makakita ka ng all the way, susuportahan ka, e.
“Sa mga programa mo, sa mga adhikain mo. Sa mga pangarap, or personal, o pampamilya. Kasi, di ba, ina nga, di ba? Doktora pa.”
Read: Miss Manila pageant returns with prizes worth one million pesos
YUL SERVO AS A PUBLIC SERVANT
Kumusta ang buhay niya ngayon bilang lingkod-bayad? Masaya at fulfilling, pero nakakapagod?
“Actually, masayang-masaya ako dun sa pagiging public servant,” sagot ni Vice Mayor Yul.
“Kasi, kung titingnan mo, hindi naman lahat, nabibigyan ng pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa niya. Tapos ako pa yung hinalal, di ba?
“It’s an honor na maglingkod sa bayan, na makapag-input ka ng bagong disiplina, o bagong rules, o bagong pagmamahal sa larangan ng pagiging lingkod bayan.
“Kaya yung pagod, napapalitan yun ng ngiti, e. Lalo na kung may makakasalubong ka na, ‘Uy, nabago mo ang buhay ko! Nadugtungan mo ang buhay ko!’
“Naging tulay ka ng pagbabago sa buhay nila. Naging tulay ka sa mga kailangan nila.
“Kasi, ang sarap ng pakiramdam na ganun na basta tulong ka lang nang tulong.
“Sabi nga nila, maski wala ka sa pulitika, puwede kang maglingkod. Pero iba pa rin yung nasa pulitika ka, na yung puso’t damdamin mo na sincere maglingkod sa bayan — mas mabubuhayan ka ng puso, na mawala yung pagod.”
