GORGY RULA
Talamak pa rin ang film piracy, kahit wala na tayo gaanong nakikitang nagtitinda ng pirated DVDs sa Quiapo at ibang lugar.
Nakapanayam namin ang aktor na si Paolo Paraiso sa DZRH noong Martes, June 11, 2024. Ito ay kaugnay ng promo ng pelikulang Karma ng Viva Films na magso-showing sa June 19.
Nalaman naming tatlong taon na pala siyang board member ng Optical Media Board (OMB), sa ilalim ng chairmanship ni Moymoy Macasero.
Ang OMB ay ahensiya ng gobyerno na nagr-regulate sa production, paggamit, at distribution ng recording media sa Pilipinas. Kasama na rito ang mga pelikula, TV shows, at mga kanta.
Read: SC reverses Sandiganbayan’s guilty verdict against former OMB chair and actor Ronnie Ricketts
ONLINE PIRACY
Ayon kay Paolo, isa sa hinaing nila ay mas mahirap at mas matindi ngayon ang film piracy kumpara noong madalas silang nanghuhuli ng mga nagtitinda ng pirated DVDs. Iba na raw ngayon, dahil digital na.
“Akala nila porke’t wala na tayong nakikitang DVD na pirated ay patay na ang piracy. Kasalungat nga yan, kasi ngayon mas madami ang namimirata.
“Mas madali magpirata ngayon. Magpadala ka lang GCash sa isang number at papadalhan ka na nila ng Google link ng lahat na pelikula, nandun na.
“So, mas nakakatakot at mas rampant ang pagpipirata ngayon.
“Nakakalungkot actually. Online na, e,” sabi ni Paolo.
Mas mahirap daw matunton o masugpo ang mga namimirata, dahil puwede silang gumamit ng ibang account.
Iyan din daw ang hinaharap ngayon na problema sa ibang bansa at nahihirapan din silang sugpuin ito.
“Mahirap talagang sugpuin ngayon kasi kahit sa first world countries katulad ng Amerika at saka ng Japan at iba pang bansa, nahihirapan silang tukuyin ang mga namimirata.
“Sa Pilipinas, kailangan natin ng infrastructure din ng digital para labanan.
“Marami tayong ahensiya na makakatulong diyan, may DICT, may IPOPHL. Madami naman tayong puwedeng tumulong para masugpo yan,” dagdag niya.
Read: PEP OPINION: The It's Showtime Issue
NOEL FERRER
Ayon kay Paolo Paraiso, wala pang katiyakan kung kakayanin nilang manghuli ng mga namimirata ng mga pelikula online.
Nagsisimula na lang daw muna silang mangampanya sa taumbayan na huwag tangkilikin ang pirated films na nabibili online.
Sa ngayon ay wala pa raw matibay na batas para masugpo ito.
Read: Online piracy, umaariba nang husto ngayong panahon ng pandemya
DO NOT PATRONIZE PIRATED MATERIALS
Saad ni Paolo, “Ngunit… ang tingin ko kasi, ang panlaban natin diyan, ang ini-entice namin ang awareness sa mga mamamayan tayo magsisimula.
“Ang laban, magsisimula sa mamamayan na hindi sila tatangkilik ng mga piratang produkto, para mawalan ng gana ang mga pirata.
“Para mabigyan naman ng chance ang mga local producers natin na makagawa ng pelikula at kumita.
“Ngayon kasi, para tuluyang malabanan ang pamimirata, nasa batas yan, e. It’s up to our lawmakers to make our government agencies, kailangan ng ngipin.
“Ngayon ay we’re in the process na maapela, mapag-aralan para sa laban ng ating mga senador, mga nasa Congress para kung paano mabigyan ng ngipin ang ahensya natin.
“So, in the meantime, habang wala pa tayong ngipin para maging digital ang ating laban, para ilagay sa digital ang ating giyera laban sa piracy, ang pinaka na nakikita kong gawin na lang, is to raise awareness.
“Nakikita natin, may mga NGO na gumagawa niyan, may group of artists akong nakita na openly campaigning against piracy.
“Kawawa naman yung mga producers natin e. Mahirap mag produce ng pelikula at nanakawin lang, di ba?” himutok ni Paolo.
Read: Albie Casiño's mother Rina opens up about son being a new dad
JERRY OLEA
Isa sa nakapagpahina sa pagtitinda ng pirated DVDs ay ang streaming platforms. Mas mura na kasi at mas convenient ang pag-subscribe sa Netflix, Prime Video, HBO, Disney+, at iba pang streaming services.
Naging digital ang pamimirata. Madali kasing ma-download at makopya ang mga pelikula online. Puwedeng i-save sa USB, o external hard drive. Nag-e-evolve iyon, at bultuhan na sa Google Drive ang bentahan online.
Hindi ba’t ang official entries ng online edition ng Metro Manila Film Festival noong 2020 ay agad-agad napirata? Naaksyunan ba iyon?
Read: Optical Media Board, sasampahan ng reklamo ang mga nahuling namimirata ng MMFF 2020 entries
Nang mag-online streaming sa KTX ang pelikulang Anak ng Macho Dancer noong Enero 30, 2021 ay agad iyong pinirata.
Dumulog sa NBI ang prodyuser niyon na si Joed Serrano. May nangyari ba sa kanyang reklamo?
Read: Anak ng Macho Dancer producer, happy sa ticket sales; galit na galit sa "bastards" na namirata
Maraming nag-post sa Facebook ng kopya ng MMFF 2023 entry na Rewind. Tukoy kung sinu-sino ang ilan sa mga iyon. Meron bang nakulong?
Saan kaya hahantong ang campaign laban sa pamimirata?
Read: Pirated copy ng MMFF 2023 topgrosser Rewind ikinakalat sa Facebook
