Excited si Raphael Landicho na makatrabaho sina Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. at Beauty Gonzalez sa upcoming GMA-7 series na Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
“Siyempre po masaya po talaga ako malamang!
"Si Senator Bong po yan, pati si Ate Beauty po talaga yan kaya…
"Parang ano po sila e, beterana po, beterano po talaga sila, naka-work ko po sila kaya masaya po talaga ako,” bulalas ng child actor sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa ginanap na mediacon para sa programa noong Biyernes, May 26, 2023, sa Seda Vertis North Hotel sa Quezon City.
Pagpapatuloy pa niya, “Masaya po ako kasi po matututo ako sa kanila, bibigyan nila ako ng advice kaya masaya po ako. Mino-motivate po ako lagi nina Senator Bong, lagi po silang, ‘Energy, energy!’
“Ayun po, parang advise na niya po sa akin iyon.”
mapapanood buong linggo
Sikat ngayon si Raphael dahil bahagi rin siya ng main cast ng top-rating show ng GMA, ang Voltes V: Legacy. Dito ay gumaganap si Raphael bilang Little John Armstrong.
At dahil eere na sa Linggo, June 4, 7:50 ng gabi ang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ay sa dalawang programa ng Kapuso Network sabay na mapapanood si Raphael linggu-linggo.
“Masaya po siyempre kasi sa isang buong week, mapapanood po ako ng mga tao, mapapanood po ako ng mga Kapuso,” ang nakangiting sinabi ng Kapuso child star.
“Magiging pamilyar na po yung mukha ko sa kanila! Kaya masaya po talaga ako.”
Kapag raw nasa mga pampublikong lugar si Raphael ay "Voltes V" ang tawag sa kanya ng mga tao.
“Opo, sasabihin din po nila, ‘Let’s volt in!’
“Actually, nakaka-proud po talaga kasi ilang years po naming pinaghirapan yung project na yun, yung Voltes V: Legacy, ang dami pong nangyari. Ako po noong una hindi pa po ako puwede mag-taping.”
Mahigpit pa ang health protocols noong nagsimulang mag-taping ang Voltes V: Legacy dahil sa pandemya ng COVID-19.
Ang mga menor de edad na tulad ni Raphael at mga senior citizen ay bawal lumabas ng bahay that time.
Kaya naman noong umere na at mainit na tinanggap ng publiko ang Voltes V: Legacy ay tuwang-tuwa si Raphael.
“Tapos, nalaman ko po na sinusuportahan nila yung Voltes V: Legacy, na pinaghirapan namin, tinatawag nila akong Little John, tinatawag nila akong Voltes V, kaya super-proud po ako talaga.”
NATUPAD NA PANGARAP
Sa mediacon ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ay natanong si Raphael at halos lahat ng male cast kung pinangarap ba nilang maging pulis.
Ang isinagot ng batang aktor, pangarap niyang maging piloto.
“Natupad” kahit papaano ang pangarap na ito dahil piloto ng robot na si Voltes V ang bahagi ng papel niya bilang si Little John Armstrong sa Voltes V: Legacy.
“Oo nga po,” ang tumatawang bulalas ni Raphael, “Ako nga po si Little John nagpipiloto din po ako [ng robot]. Kaya parang na-i-imagine ko na po yung sarili ko in the future na ginagawa ko iyon.”
Dati pa naman daw niya pangarap maging piloto pero narinig niya ang tawag ng showbiz.
“Nagkaroon po ako ng interes sa showbiz. Sabi ko parang, ‘Paano kaya makapunta sa TV? Paano kaya yung proseso?’
“Kaya ayun po, naging artista ako,” sinabi pa ng ten-year-old actor na si Raphael.
Nakakatuwa si Raphael dahil nalaman namin na sa halip na sarili niya ang ibili niya ng mga gamit mula sa mga kinikita niya sa showbiz, mga kapatid niya ang ginagastusan niya.
Bunso si Raphael sa apat na magkakapatid na puro lalaki.
Pag-amin niya, “Hindi ko po ginagastos sa sarili ko, e. Ginagastos ko po sa mga kuya ko, sine-share ko po.”
Ibinibili ni Raphael ang mga kuya niya ng cellphone at sapatos.
Ano ang reaksyon ng mga kuya niya na sikat siyang artista ngayon?
“Proud po sila sa akin kapag napapanood po nila ako sa TV,” ang sagot ni Raphael.
Naging mommy na ni Raphael sa mga Kapuso shows sina Max Collins (sa Bihag noong 2019), si Carla Abellana (sa Love Of My Life noong 2020 at sa Voltes V: Legacy ngayong 2023) at si Beauty sa Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis (ngayon ring 2023).
Wala pa raw crush si Raphael dahil bata pa siya.
Samantala, kasama rin sa cast ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis sina Kate Valdez, Kelvin Miranda, Nikki Co, ang baguhang Sparkle actress na si Angel Leighton, at ang mga batikang aktor na sina Niño Muhlach, Jeric Raval, at Maey Bautista.
Ang nabanggit na upcoming action-comedy series ay sa direksyon nina Enzo Williams at Frasco Mortiz.
READ MORE:
