PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

PEP YEARENDER 2022: Success stories

Mga istoryang nagsimula sa kalungkutan, pero nagwakas sa kasiyahan.
by KC Cordero
Published Jan 1, 2023
Success Stories
Sa hanay ng mga success stories na ibinahagi ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong taon, iisa ang malinaw na mensahe—hindi dapat isuko ang pangarap.
PHOTO/S: PEP File

Hindi mabilis na nakukuha ang tagumpay. Mabagal ang proseso nito.

Pero pag nakamit na, nagtatagal ang tamis nito sa buhay ng isang nagsikap para makamit ang kanyang pangarap.

Maraming ibinahagi ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na success stories ngayong taon.

Lahat sila ay pinusuan o kaya ay binigyan ng thumbs-up emoji ng mga tagasubaybay. Maraming naka-relate at na-inspire.

Sa hanay ng mga totoong kuwento ng tagumpay ay may ilang namumukod-tangi pagdating sa dami ng nagbasa at nag-react.

Tunghayan nating muli ang mga istoryang nagsimula sa lungkot, pero nagwakas sa tuwa.

ELEVATOR GIRL NA NAGING MARKETING OFFICER

Naging viral at nakilala si Elevator Girl Cheridel Alejandrino bago pa man dumami ang mga social media influencers.

Taong 2013, sumikat si Cheridel habang naka-duty bilang elevator girl sa SM Mall Olongapo, na ngayon ay SM Olongapo Downtown.

Maraming naaliw sa nakakatuwa at nakakatawang paraan ng pagsasalita niya.

Kinunan siya ng video ng isang mallgoer at ini-upload ito sa YouTube. Hudyat ito ng pag-viral niya bilang Elevator Girl.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagbukas ito ng maraming oportunidad sa kanya, at nagkaroon ng kaliwa’t kanang interviews sa iba't ibang TV shows.

Photo of Elevator Girl

Naging housemate din siya sa Pinoy Big Brother All-In (2014) at napabilang sa isang pelikula.

Naranasan niyang maging bahagi ng showbiz na inaasam-asam ng marami.

Pero sa kabila ng di pangkaraniwang pagkakataong ibinigay kay Cheridel, pinili niya ang mas pribadong buhay at nanatili sa kanyang trabaho.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Walong taon mula nang mag-viral si Cheridel, ang Elevator Girl ay isa na ngayong marketing officer sa corporate marketing department ng main office ng SM sa Pasay City.

Read: Elevator Girl Cheridel Alejandrino now works in the corporate ...

MAGKAPATID NA SABAY PUMASA BILANG PROFESSIONAL DOCTORS

Kabilang sa mga bagong doktor ang magkapatid na sina Aiza Francisco Majid at Aminkadra II Francisco Majid mula sa Jolo, Sulu.

Sabay silang kumuha at pumasa sa Physician Licensure Exam (PLE) October 2022. Inilabas ang resulta noong November 10, 2022.

Mula sa pamilya ng mga doktor sina Aiza at Amin. Ang kanilang ama at isa pang kapatid na babae ay nasa linya rin ng medisina.

Si Amin ay retaker ng board exams kaya nagkasabay sila ng nakababatang kapatid na si Aiza sa pag-take ng PLE.

Aniya, “Actually po, ahead po ako dapat sa kanya. Hindi po ako [pinalad sa first take]. Isa po akong retaker.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Di po ako pinalad sa una, and then ngayon nagkasabay na kami ng batch ng kapatid ko.”

Ano ang susunod na hakbang nina Amin at Aiza ngayong licensed doctors na sila?

Sagot ni Aiza, “Bago pa lang kaming pasang doktor. Gusto muna naming mag-serve sa public as general practitioners.

“Gusto po namin to give back to the community, especially sa mga underserved communities sa aming hometown sa Jolo, Sulu.”

Read: Magkapatid, sabay pumasa sa Physician Licensure Exam

CHESS PRODIGY NA NAGHANAP NG PAMASAHE PARA SA TOURNAMENT SA THAILAND

Naantig ang marami sa istorya ni Bince Rafael Operiano, ang siyam anyos na chess prodigy mula Oas, Albay.

Si Bince ay nagwagi sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap noong November 4-12, 2022 sa Bangkok, Thailand

Apat na medalya at isang tropeo ang naiuwi niya at nagbigay ng karangalan sa Pilipinas.

Photo of Bince Rafael Operiano

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero kumurot sa puso ng marami ang mga pinagdaanang hirap ni Bince bago nakamit ang kanyang tagumpay sa Bangkok.

Dahil sa kawalan ng pera para sa pambili ng plane ticket, mag-isa munang tumulak ang bata papuntang Thailand.

Para sa isang tao lang kasi na-solicit nila kaya sumunod na lang ang ama niyang si Mang Ben.

Aminado ang ama na mula nang malamang isang chess prodigy ang anak, kinailangan niyang baguhin ang sarili at talikuran ang kanyang mga bisyo para masuportahan si Bince.

Tinuturuan din niya ito na huwag padadaig sa kahirapan.

Nagsimulang matuto ng chess si Bince noong limang taon pa lamang siya.

Sa edad na anim, sumabak siya sa una niyang chess tournament noong 2020 at naging kiddie champion.

At wala pang dalawang taon, nanalo na siya sa tournament sa karatig-bansa. Malayo at mahaba pa ang journey ni Bince.

Ipinaliwanag din ni Mang Ben na walang cash prize ang tournament na ginanap sa Thailand.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Kuwento tungkol sa paglipad mag-isa ng chess champ na si Bince Operiano sa Thailand

Read: Chess champ Bince Operiano's father says there was no cash prize

MANGO FLOAT VENDOR NA ISA NA NGAYONG DOKTOR

Nag-viral ang video ni Justin Mandi Beligolo, 25, na nakapasa sa Physician Licensure Examination noong October 2022.

Hindi biro ang pinagdaanan niyang hirap bago naging licensed doctor.

Kuwento niya, "In order to sustain my fees sa med school po, nagtitinda po ako ng mango float, cheese sticks, munchkins, while my tuition naman po, sagot sa scholarship ko.”

Katuwang niya sa kanyang pagpupursige ang ama at ina na all-out sa moral at financial support sa kabila ng hirap.

“Napakahirap talaga. At the same time, nanay ko walang work, yung tatay ko rin walang work, sideline-sideline lang.”

Aniya, “Mahirap ang sitwasyon, pero yung family ko ang nag-sustain ng motivation."

Ang prayoridad ngayon ng bagong doktor ay suklian ang sakripisyo ng kanyang mga magulang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“My next plan po is to pursue residency program. I have top three choices—surgery, psychiatry, or family medicine.”

Read: Justin Beligolo: mango float, cheese sticks vendor now a doctor

“JANITOR KA LANG” NA ISA NA NGAYONG PhD HOLDER

Naikuwento ni Joemar Capinlac, 29, na sinasabihan siya noon na “janitor ka lang” at walang mararating.

Pero aniya, “Isa din po iyan sa naging motivation ko to strive harder. Yes, minaliit noon, ngunit ako’y pilit na bumangon.”

Ngayon, isa siyang senior high school teacher sa Pine City National High School sa Baguio City.

Nakapasa siya sa board exam sa first take.

Mayroon na rin siyang master’s degree, at natapos na niya ang kanyang Doctor of Philosophy o PhD.

Siya ang unang graduate sa kanyang pamilya.

Nagtapos si Joemar ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa University of Cordilleras noong 2015.

Sa apat na taon niya sa kolehiyong iyon, apat na taon din siyang nagsilbing janitor. Pagka-graduate, nakakuha agad siya ng teaching job.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Joemar Capinlac, 29, dating janitor, ngayon ay PhD holder

CHICHARON VENDOR NA NAKATAPOS SA PAGKAGURO KAHIT 41 ANYOS NA

Forty-one years old na si Jesus Tiwan Fuentas nang magtapos ng Bachelor of Elementary Education sa Talisay City College sa Cebu ngayong 2022.

Twenty-two years old siya nang makatapos ng high school. Pahintu-hinto siya sa pag-aaral sanhi ng kahirapan.

Isa siyang chicharon vendor.

Mayroon siyang apat na anak. Nakatira sila sa isang barung-barong sa Barangay Labangon, Cebu City.

Kaya naman lubos-lubos ang pasasalamat ni Jesus sa kanyang mga suki sa pagbili ng kanyang mga chicharon.

Dahil sa pang-unawa at tiwala ng kanyang mga suki, ginanahan daw si Jesus na lalong magpursige sa hangad na makatapos.

“Kasama kayo sa aking achievement sa buhay,” aniya sa kanyang mga suki.

Jesus Tiwan Fuentas

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kuwento niya ay ayaw ng kanyang misis na mag-aral siya dahil kapos nga sila sa pera.

Pero determinado si Jesus makapagtapos dahil hangad niyang makapagtrabaho at sumuweldo gamit ang pinag-aralan.

At hindi siya nabigo.

Read: Jesus Fuentes: Chicharon vendor now a college graduate

KUBO ANG BAHAY NOON, MANSION NA NGAYON

Ang kuwento ng tagumpay ni Adelio Garcia, 52, ay sinasalamin ng kanyang dating bahay kubo, pero ngayon ay isa nang mansion.

Maaga siyang naulila sa ina, at ang kanyang lola ang nagpalaki sa kanya.

Nang magtapos ng high school sa edad na 17, dinala siya ng tiyuhin sa Maynila at sumabak na sa trabaho. Namasukan siyang dishwasher, helper, at waiter.

Nasuwertehan niyang makapasok sa isang home depot.

“Dun na nagsimula ang pakikibaka ko sa sales/ahente.”

Nagtrabaho siya roon ng 11 years at naging sales supervisor. Lumipat siya sa tiles company at nagtrabaho sa loob ng tatlong taon.

Pagsapit ng 2010, gamit ang kanyang karanasan, humiram siya ng puhunan sa tiyuhin at naging supplier ng tiles.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Hindi rin biro ang hirap na inabot ko sa pagnenegosyo. Halos one-man show ako.”

Makalipas ang dalawang taon, umasenso si Adelio at nakabili ng sariling kotse.

Ngayon, 12 years na siyang nagma-manage ng sariling negosyo.

August 2018, ipinatayo niya ang bahay sa Nueva Ecija at nakumpleto ito sa loob ng isang taon.

“Wala pong imposible sa taong nagsisikap, basta manatili po sa atin ang kababaang loob at pananampalataya sa Panginoon.”

Read: From kubo to mansion: success story ni Adelio Garcia

WAITER NA NILALAIT, NAG-IPON, NAKAPAGPATAYO NG DREAM HOUSE

Marangal na trabaho ang pagiging waiter, pero nakaranas ng pang-aalipusta si Jhay Suarez Tuyor.

Ibinahagi niya ang mga naranasang panlalait sa kanya kapag nalalaman ng mga kakilala na nagtatrabaho siya bilang waiter.

Tila linya sa pelikula ang mga inabot niyang salita.

Nasabihan siya ng, "O, magpraktis ka nang magbugaw ng langaw dito sa hapag kainan.”

Pero hindi siya naaapektuhan ng mga ganitong insidente. Sa halip, seryoso niyang ginampanan ang kanyang trabaho dahil marami siyang pangarap sa buhay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dahil sa kanyang magandang record sa trabaho, nakapag-abroad si Jhay at nagtrabaho sa Dubai bilang waiter din.

At mula sa pagiging waiter mula 2004 hanggang 2012 ay nakaipon siya at naipatayo ang kanyang dream house.

“Unti-unti po iyan. Bawat sentimo ng suweldo ko bilang waiter ay diyan napapunta, simula sa tiles sa living area hanggang sa gate ng garahe.”

Aniya, “Huwag tayong mapapagod. Habang bata pa tayo, kayod lang nang kayod.”

Read: Life story of Jhay Suarez: waiter na isa nang house owner!

KASAMBAHAY NA NAGTAPOS BILANG MAGNA CUM LAUDE

Si Jarel Barcelona Tadio, 25, ay naging viral noong 2018 dahil sa kanyang life story.

Siya ang kasambahay na nagtapos bilang magna cum laude sa college.

Naitampok pa nga ang kanyang kuwento sa Maalaala Mo Kaya, kung saan si Zaijian Jaranilla ang gumanap.

Dahil walang kapasidad ang kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa kolehiyo noon, nagdesisyong maging working student si Jarel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Post niya noon, "Namasukan ako bilang maid. Oo, katulong po, yaya. Kasambahay.”

Dahil sa pagiging "maid," nasuportahan ni Jarel ang kanyang edukasyon.

Noong 2018, nagtapos siya bilang magna cum laude with a bachelor's degree in hospitality industry management sa Cagayan State University.

Isa na siya ngayong project development officer sa Department of Social Welfare and Development sa National Capital Region.

Sabi ng dating kasambahay, “May mga nagbago. Natutulungan nang maayos ang mga magulang.

"Nakakapag-provide ng kanilang pangangailangan. Unti unti, nasisimulang tuparin ang mga pangarap sa buhay.”

Read: UPDATE: Jarel Barcelona Tadio, kasambahay na magna cum laude

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sa hanay ng mga success stories na ibinahagi ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong taon, iisa ang malinaw na mensahe—hindi dapat isuko ang pangarap.
PHOTO/S: PEP File
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results