Hindi napupunta kay Ronnie Liang ang mga kinikita niya mula sa kanyang albums.
Lahad ng male balladeer sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yung mga royalties ko actually saka yung mga sales from my albums, pinagsasama-sama ko sila para sa Ronnie Liang Project Ngiti Foundation.”
Read: Ronnie Liang on Project Ngiti foundation: "Hindi ko naman akalain na maraming buhay na mababago."
One hundred percent ng kita ng mga kanta ni Ronnie mula sa lahat ng music platforms ay napupunta sa kanyang foundation kung saan nagpapa-opera siya ng mga batang may cleft lip, cleft palate, o bingot.
“Kasi mahal ang isang bata, eighty thousand,” at natawa si Ronnie.
“Inooperahan, lahat, tapos pati transportation, pati accommodation.”
May mga bata kasi na nanggagaling pa sa malalayong lugar at dinadala ni Ronnie sa Maynila upang ma-operahan.
Read: Get to know Oliver Moeller, heartthrob lawyer of Cebu
HOW Ronnie Liang STARTED Ngiti Foundation
Nagsimula ang mga ganitong charity projects ni Ronnie noon 2021.
Aniya, “In one of the episodes ng Sing Galing, birthday episode ko iyon, may isa kaming [guest] teenager na inoperahan, may cleft, and na-inspire ako.
“Sabi ko, bakit hindi ko siya ituloy since ang kanta ko ay 'Ngiti,' so why not spread more ngiti and good vibes?
“Akala ko nung una, mga lima, sampu lang yung mga bata, hindi pala.”
Dagdag pa ni Ronnie, “Isang libo po yung nakapila.
“Kaya usually, yung mga talent fees ko, a portion of it, yung mga royalties ko, mga digital revenues ko sa YouTube channel and Facebook, pinagsasama-sama ko para sa mga bata.
“Good thing we partnered with Smile Train Philippines, Saint Vincent General Hospital, San Fernandino Hospital, para ma-operahan yung mga bata na mas mabilis."
Read: Jayda Avanzado not on speaking terms with Francine Diaz
WHO ARE THE BENEFICIARIES OF RONNIE LIANG NGITI FOUNDATION?
Hangga't maaari ay mga bata ang priority ng foundation.
Paliwanag ng singer, “Kasi habang lumalaki, mas lalong nagsa-suffer yung mga bata when it comes to their mental health, nabu-bully sila, hindi sila makakain nang normal, hindi sila makalabas nang normal.
“Tapos habang nagma-mature yung bata, kumukunat yung balat. Mas mahihirapan po.
“Although mas ini-encourage na maoperahan sila nang bata pa, pero meron kaming inooperahan na mga thirties, forties na rin.”
Iniisip rin nila kung paano makakatipid ang mga beneficiaries.
Pagpapatuloy pa ni Ronnie, “Actually nakipag-usap na kami sa mga probinsiya para yung mga batang may cleft na nasa Baguio, nasa Ilocos, hindi na nila kailangang magbiyahe ng Maynila.”
Ilang bata na ang napa-opera na niya mula nang simulan niya ang kanyang foundation?
“Well, ang mga pina-laboratory test na namin, nasa one thousand na.
"Pero kasi hindi lahat pumapasa sa test. Yung iba, may ibang physical condition. Yung iba during the test, may sipon, may ubo, hindi maganda yung temperature nung bata.
“Yung ganun, hindi natutuloy so pinapagaling muna. But more or less nasa ano, one hundred.”
Ang panayam kay Ronnie ay naganap noong March 11, 2024, sa Coffee Project sa Quezon City.
Read: 4th Impact's Almira on cyberbullying over their GoFundMe project
RONNIE LIANG OUTSIDE SHOWBIZ
Samantala, bagong karagdagan si Ronnie sa cast ng Abot Kamay Na Pangarap, ang top-rating GMA-7 series na pinagbibidahan ni Jilian Ward.
Dito ay gumaganap si Ronnie bilang si Dr. Maniego, na medical director ng isang hospital.
Sa tunay na buhay naman, bukod sa pagiging artista at singer ay first lieutenant ang ranggo ni Ronnie sa Philippine Army.
“Isang reservist officer, ang aking unit ay G7 at G9. G7 more on Public Affairs, G9 ito yung Reservist Affairs naman, Reservist and Retiree Affairs.
“Kung ano yung strength ko sa Public Affairs, doon ako mas ginagamit.
"Bilang isang singer, winning the hearts and minds ng mga kababayan natin na magkaisa at suportahan din yung initiative at campaign ng uniformed personnel na mas lalong mag-apoy yung pagiging Pilipino natin.”
Read: Ronnie Liang defends fellow celebrity Army reservists against naysayer
Huwag naman sana, pero kung magkakaroon ng giyera at ipinatawag si Ronnie ng gobyerno ay maaari siyang sumabak sa laban.
Marunong siyang gumamit ng baril, magpasabog ng bomba, magpatakbo ng tangke, at magpalipad ng eroplano ng army.
Aniya, “Opo, sa ngalan ng pagtugon sa tungkulin.”
Bilang piloto naman ay kasalukuyang nagre-review si Ronnie para makapag-exam na at makumpleto ang kanyang flying hours, na required sa kanyang commercial pilot license.
Sa ngayon, si Ronnie ay isang private pilot license holder.
Read: Ronnie Liang 100 hours away from receiving his commercial pilot license
