Taong 2018 nagsimula sa showbiz ang male teen star na si Prince Keino.
Nag-audition at nag-VTR siya para sa mga iba-ibang commercials at contest, kasama parati ang kanyang ina na si Maya Encelan at ama na si Robinson Encelan o Daddy Benzon.
Si Prince ba o ang mga magulang niya ang may gusto na pasukin niya ang showbiz?
Sagot ni Prince Keino, "Ako po ang may gusto talaga na mag-showbiz, sa totoo lang po.
Nag-o-audition po ako nang hindi alam nina mama at daddy at ng manager ko po na si Tito Rams David. Nalalaman na lang po nila pag tinatawagan na po ako," ang nakangiting wika ni Prince Keino.
PRINCE KEINO GIVES DADDY BENZON A SHOUT-OUT
Hindi alintana ni Daddy Benzon ang kapansanan masuportahan lang si Prince Keino.
"Sobrang supportive po ng daddy ko pagdating po sa mga gusto ko sa mga pangarap ko.
"Kahit po may kapansanan ang daddy ko, palagi po niyang pinapakita at pinaparamdam sa akin na huwag susuko basta po para sa pangarap,” lahad ni Prince Keino.

Ipinanganak si Daddy Benzon na may Arthrogryposis, na ayon sa website ng John Hopkins Medcine, ay kondisyon na may "multiple joint contractures or stiffness" kaya lmitado ang "range of motion of a joint" or "it is unable to fully or partially extend or bend."
Apektado raw ang dalawang kamay ng ama ni Prince Keino.
Sabi ng binatilyo, “Opo, both po hindi po nakakagalaw. Inoperahan lang po siya noong baby pa po siya para po makalakad siya.
"Itinuwid po yung mga binti niya at mga kamay niya.”
Pero sa kabila nito ay limitado pa rin ang galaw ng mga kamay ni Daddy Benzon.
"Hindi po niya naitataas yung mga kamay niya at braso mag-isa, pero magaling po siya mag-drawing,” kuwento ni Prince Keino.
At dahil Father’s Day ngayong araw, June 16, 2024, may mensahe si Prince Keino para sa kanyang ama:
"Daddy, thank you po sa pagmamahal at sa pagpapalaki po sa amin nang maayos at may takot sa Diyos.
"Ikaw po ang isa sa mga inspirasyon ko, kayo ni mama at ng kapatid ko.
"Ipinagmamalaki po kita sa buong mundo, kahit po may kulang po sa iyo sa pisikal, pero pinatunayan mo po na hindi po hadlang ang kapansanan mo para magtaguyod ng isang pamilya."
Sabi pa niya, "Mahal na mahal ka namin, Dad, ako, ang kapatid ko, at si Mama. Kami po ang magsisilbing kamay mo sa mga bagay na hindi mo po maabot.
"At saka dad, pangako, mabibilhan po kita ng kotse para po hindi na tayo mahihirapan mag-commute lalo na po pag may mga event po ako/tayo, para lagi ka po nakakasama.
"I love you dad. Happy Father’s Day.”
Read:
Arci Munoz dedicates first acting award to late dad
Model Hannah Mari Castillo grateful for No. 1 fan, her dad
PRINCE KENO'S PROJECT WITH DAD
Kasama si Daddy Benzon na bumuo ng debut single ni Prince Keino na "Indak" last year.
Ilang porsiyento ng kanta ang isinulat ng ama niya at ilan kay Prince Keino?
“Siguro po sa kanya seventy percent, sa akin po thirty percent,” ang natatawang pakli ni Prince Keino.
Pagpapatuloy pa ni Prince, “Talagang si Daddy ko po, sa kanya po ako nanghihingi ng gabay at advice kung paano pong magsulat ng kanta.
“Naisip po kasi namin, parang kasi iyon nga po, marunong po akong sumayaw, kumakanta po, nagra-rap.
“So naisip po namin ng daddy ko na gumawa po kami ng kanta na makakasabay po lahat ng tao.
"Adults, siyempre po, mga bata, puwede pong sayawin na rap po na kanta.
"Siyempre po iyon po yung parang pinaka-goal namin, makakasabay po lahat ng tao.”
PRINCE KEINO'S CAREER IN A NUTSHELL
Nagsimula siyang mapanood sa telebisyon noong 2018 sa Eat Bulaga! segment na "Hype Kang Bata Ka," isang talent competition para sa mga batang 12 years old or below .
Kuwento ni Prince Keino, "Nakuha po ako sa season 1...Dalawang beses po akong nanalo and nakaabot po ako sa Team Beat.
"Parang team-team po siya ng mga, yung mga host po yung parang coach namin, and sa Team Beat po, naging coach namin si Ms. Pia Guanio and si Baste, si Baste po yung maliit na bata dati."
Mula sa noontime show, nasubukan niyang mag-primetime block sa GMA-7.
"After po nun, nag-try din po ako sa acting, sa The Gift, naging young Victor Anastacio po ako. Young Andoy po, ako yung parang naging bully sa The Gift."
Umere noong 2019 ang TV series na pinagbidahan nina Alden Richards at Jo Berry.
Sinubukan din ni Prince Keino na mag-audition for The Voice Philippines Kids season 4.
Aniya, "Blind audition, pero hindi po naikutan ng judges.”
Napasama rin si Prince Keino sa Season 5 ng Team Yey!, isang educational program para sa mga bata na ipinalabas sa YeY Channel ng ABS-CBN TVplus.
Nakasama niya rito sina Marco Masa, Xia Vigor, at iba pang child stars.
"Then after po nun, nag-Dream Maker na po ako sa ABS-CBN. Nag-search po sila for Global Pop Group.”
Umere ito noong 2022 kung saan host sina Ryan Bang at Kim Chiu. Sa naturang boy group survival reality show nabuo ang Hori7on na binubuo nina Jeromy Batac, Marcus Cabais, Kyler Chua, Vinci Malizon, Reyster Yton, Kim Ng, at Winston Pineda.
“Ako po yung nag-rank 9 sa 62 contestants,” saad ng 15-year-old na si Prince Keino.
“Nasa Star Music po ako ngayon.”
Pero hindi lang sa music niya gustong malinya.
Ani Prince Keino, “Nag-a-acting din po ako, siyempre, nagpo-focus lang po sa music, P-Pop, and last year po, 2023, nanalo po ako sa 8th PPOP Awards bilang PPOP Rap Artist of the Year."
Magsi-sixteen si Prince Keino sa October 20, 2024.
Read:
Kid of single dad working as driver is UP magna cum laude
Joao Constancia breaks down while talking about his dad
PRINCE KEINO'S IDOLS
Bilang performer, idolo ni Prince Keino ang SB19, at na-starstruck raw siya noong makita niya nang personal si Daniel Padilla sa hallway ng ABS-CBN.
Idolo naman niya sa acting si Alden Richards.
Nakausap ng PEP.ph (PHilippine Entertainment Portal) si Prince Keino sa contract signing niya bilang celebrity endorser ng Ching’s Fried Noodles noong April 16 sa Azadore Restaurant sa Sct. Torillo corner Sct. Fernandez sa Quezon City.
Ito ang kanyang first endorsement at siya rin ang pinakaunang brand ambassador ng produkto.
“Sobrang saya ko po, ang sarap po sa feeling na may nagtitiwala sa akin na ganito,” ang nakangiting sinabi ni Prince Keino.

Present sa event si Prince Keino, ang mga magulang niyang sina Benzon at Maya Encelan, ang may-ari ng Ching’s Fried Noodles na si Remilly Maniti Co, at ang manager ni Prince Keino na si Rams David ng Artist Circle Talent Management.
PRINCE KEINO'S EDUCATION
Na-pause ang kanyang music career noong pandemic kaya nag-focus muna siya sa kanyang edukasyon.
Nag-aaral si Prince Keino sa Mariano Marcos Memorial High School.
“Nag-SPA po ako, ang kinuha ko pong major, Theater Arts po.”
Ang SPA ay Special Program in the Arts.
Sa pagpapatuloy ng binatilyo, “Meron po siyang anim o limang majors kasama po yung Vocals, Dance, Visual or Media po, pero ang kinuha ko po ay Theater Arts, kasi for me po ang Theater ang pinakamahirap po talagang aralin.
"So naisip ko po, magagawa ko po ang lahat dito, makakakanta po ako, makakapag-acting, makakapagsayaw po.”
Pahabol pa ni Prince Keino, “Pangarap ko din po talagang makapag-acting.”
