Si Aya Abesamis na ang opisyal na may hawak ng Bb. Pilipinas Grand International 2019 title.
Ito ang pakilala kay Aya sa litratong ipinost ng official Facebook page ng Binibining Pilipinas ngayong Sabado, January 18.
Base sa litrato, kasama si Aya sa beauty queens na um-attend ng World Slasher Cup 1 press conference ngayong araw.
Sa unang litratong ipinost ng Binibining Pilipinas ay suot na ni Aya ang sash ng Bb. Pilipinas Grand International, kasama sina Bb. Pilipinas Globe 2017 Nelda Ibe at Bb. Pilipinas Supranational 2013 Mutya Datul.
Sa sumunod na post ng Binibining Pilipinas ay ipinakilala na bilang Bb. Pilipinas Grand International 2019 si Aya.
Saad ng Bb. Pilipinas sa caption: "#Spotted: Our Bb. Pilipinas Grand International 2019 @ayabesamis at the World Slasher Cup 1 press conference held at the Novotel Manila Araneta City. #BbPilipinas2019"
Si Aya ang opisyal na pumalit sa dating titleholder ng Bb. Pilipinas Grand International 2019 na si Samantha Lo.
AYA ABESAMIS REPLACES SAMANTHA LO
Naging kontrobersiyal ang pagsali ni Samantha sa Miss Grand International 2019 pageant dahil sa kinasangkutang isyu nito noong October 2019.
Na-deport pabalik ng Pilipinas si Samantha nang madiskubre ng mga awtoridad sa Charles de Gaulle Airport sa Paris, France—para sana sa kanyang connecting flight patungong Caracas Venezuela—na peke ang Philippine passport na hawak niya.
Natuloy si Samantha sa pagsali niya sa Miss Grand International 2019 sa Venezuela, ngunit hindi siya nakapasok sa semifinals.
Sa isang fashion show sa Cavite noong November 23, kapansin-pansing hindi kasama ng Binibining Pilipinas 2019 Queens si Samantha.
Wala rin noon sa event sina Miss Universe Philippines 2019 Gazini Ganados at Bb. Pilipinas Supranational 2019 Resham Saeed dahil sa paghahanda nila sa kani-kanilang International pageants.
Nanatili namang tikom ang bibig ng beauty queens nang tanungin kung binawian na ba ng korona si Samantha matapos nitong pasaringan ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) sa pinagdaanan niya sa kanyang biyahe patungong Venezuela.
Ayon kay Samantha, ang pamilya niya at ilan sa mga kababayan nating may mabubuting kalooban ang tumulong sa kanya para makabalik sa Pilipinas mula sa Paris.
Mariin namang pinabulaanan ng BPCI na hindi nila tinulungan si Samantha.
Noong November 27, ilang araw makalipas ang kapansin-pansing hindi pagdalo ni Samantha sa fashion show kasama ang Binibining Pilipinas beauty queens, ay nag-post siya sa Instagram na siya ay "officially signing off" bilang Miss Grand Philippines 2019.
Nanatili namang tikom ang bibig ng BPCI tungkol sa "pagsa-sign off" ni Samantha bilang titleholder, kaya hindi malinaw kung ito ay resignation o binawian ba siya ng korona.
Dahil si Aya ang itinanghal na first runner-up ng Binibining Pilipinas 2019, siya ang automatic na hahalili sa kung sino man ang hindi makakapag-fulfill ng kanyang tungkulin bilang titleholder.
Hindi nga lang malinaw kung lalaban pa rin si Aya sa pageant dahil natapos na ang coronation night ng Miss Grand International 2019 nang mabigay sa kanya ang titulo.
